Malaki ang nabago sa nakaraang taon at maaaring hindi na maibalik sa dati ang pamumuhay ng marami, ngunit may mga aral na mapupulot mula sa mga hindi makakalimutang karanasan sa taong 2021 tulad na lamang ng dating Australia Awards scholar na si John Amiel Fernandez na nawalan ng ama dahil sa pandemya.
Sa mahigit 5.42 milyong katao na binawian ng buhay dahil sa covid-19 infections, maraming pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay.
"Importante ang oras. Sa mga kasama pa nila 'yung mga parents nila, Maximise your time na kasama mo mga magulang mo, o asawa at anak mo. Magbonding kayo habang kasmaa pa ninyo sila," pahayag ni John Amiel Fernandez.
Pakinggan ang podcast
Highlight
- Dala ng bawat bagong taon ang bagong pag-asa ng mas maayos na buhay.
- Para sa mga Pilipinong ito, pagbawi mula sa hagupit ng pandemya ang dasal nila para sa taong 2022.
- Hiling din nila ang paggaling ng marami na naapektuhan ng COVID-19, at mas maraming reunion pa.
Patuloy na paggaling
Isa si John Amiel Fernandez, isang inhinyero sa Pilipinas at dating iskolar dito sa Australia, sa mga nakaranas ng labis na pighati sa gitna ng pandemya sa hindi inaasahang maagang pagpanaw ng kanyang ama dahil sa COVID-19.
Ngunit sa kabila ng sugat na mananatili sa puso ni Amiel, buong lakas ng loob at katatagan naman ang kanyang ipinapakita ngayon para sa kanyang ina at dalawang kapatid.
Binigyang-diin din niya na ganitong pagkakataon na hindi natin alam ang maaaring mangyari sa bawat araw, mahalaga aniya na ipakita sa ating mga pamilya kung gaano natin sila kamahal sa araw-araw na sila'y kasama natin.
Maaaring hindi na maibabalik sa dati ang pamumuhay ng mga naiwang pamilya dahil sa sugat na habambuhay na mananatili sa puso ng bawat isa, may mapupulot namang aral mula sa mga hindi makakalimutang karanasang ito.
Socialise with your family dahil hindi na natin magagawa 'yun kapag huli na ang lahat at wala na sila.
Pagsasama-sama ng pamilya
Pagpapahalaga din sa mga simple pero importanteng bagay, lalong-lalo na sa pamilya at mga kaibigan ang binigyang-diin ng General Practitioner na si Dr Kathleen Esplanada.
Umaasa si Dr Kathleen na sa taong 2022, higit pang mapahalagahan ng bawat isa ang kani-kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay. At sana’y magkaroon pa ng mas marami pang reunion habang ang lahat ay sumusubok na mamuhay ng normal sa gitna ng patuloy na kinakaharap na pandemya.
"I really wish everyone good health, and I really wish 2022 will be a tine to value things more, see your family and hopefully more reunions," ang inaasam ng GP mula Cessnock para sa lahat.
Mahusay na kalusugan
Maging mapagmasid at maging maalaman sa mga kaganapan naman ang higit na natutunan ng aged care worker na si Nesa Smith. Payo din niya sa lahat na sa papasok na bagong taon, nawa’y maging mapagbantayan ang bawat isa lalo na sa mga pangyayari na makaka-apekto sa ating buhay.
Higit namang nabigyang halaga ng ama at fitness coach at lifestyle changer na si Marco Antonio Tamayo ang pagiging maingat sa kalusugan kasama na ang pagpapanatiling laging malinis ang katawan lalo na sa nakalipas na taon.
"Alam kong alam na natin ito pero dahil sa pandemic, mas lalo tayong naging maingat sa ating pagiging malinis sa ating katawan at palaging paghuhugas ng mga kamay," ani Marco.
Dagdag niya na "dahil sa COVID-19 parang na-refresh tayo kung paano nating protektahan ang ating sarili at panatiling clean at healthy".
Para sa taong 2022, hangad ni Marco na nawa'y manatili tayong malusog at matutong makapag-ipon.
Magandang estado sa buhay
Hangad naman ng cook mula Avoca Beach na si Mark David, na patuloy na maging matatag at matiyaga sa anumang hamon na kinakaharap lalo na para sa mga katulad niyang naka-working visa.
"Sana sa 2022 ma-grant na ang extension ng working visa ko. Hindi pa siya permanent pero at least kahit paano may pathway na to permanent residency," dasal ng dating chef sa Pilipinas.
"Alam ko na nagbukas na rin ang borders at kahit paano may chance na rin makapunta rito ang mga working visa holders."
Focus on your goal and what you wanted to achieve. Though there are challenges, just hold on and be patient.
Nakapagnilay-nilay naman ng dating arkitekto na si Jigs Gemiano sa panahon ng mga lockdown sa taong 2021. Higit siyang nagkaroon ng panahon na pag-isipan ang mga bagay na gusto niyang gawin. Lalo din siyang natuto na magtipid at paghandaan ang anumang pagsubok lalo na pagdating sa pinansyal.
Para naman sa mga katulad niyang single na naninirahan dito sa Australia, sa taong 2022 nawa'y higit na magkaroon ng pagkakataon na makipagkilala at makisalamuha sa komunidad para maibsan ang anumang lungkot o pagka-homesick na maaaring nararamdaman.