Naitala ng European Union scientist na ang nakaraang pitong taon ang pinakamainit na panahon na naranasan sa buong mundo, at babala ng Copernicus Climate Change Service dahilan nito ang methane sa kalawakan na nagdulot ng doble na pagtaas ng temperatura.
Sa ulat ng European Union scientists mula Copernicus Climate Change Service ang taong 2021 ang panglimang pinakamainit na taon na kanilang naitala. Dahilan nito ang biglang pagtaas ng lebel ng carbon dioxide at methane sa kalawakan.
Dagdag pa ng mga ito, naitala din nila na ang nakaraang pitong taon ang pinakamainit na panahon sa buong mundo mula pa noong 1850. Ang global average na temperature sa nakaraang taon ay nasa 1.1 hanggang 1.2 degrees celsius mas mataas ito kumpara sa taong 1850 hangggang 1900.
At ang napag-alamang ito ay pinag-aralang muli ni Richard Betts, ang pinuno ng Climate Impact Research sa Met Office ng Exeter University .
Highlights
- Kalamidad na may kaugnay sa global warming gaya ng tagtuyot na nagdudulot ng wildfires at matinding pag-ulan ay madagdagan.
- Naitala ng mga syentipiko sa Copernicus ang methane sa kalawakan ay dumoble ang pagtaas sa magkasunod na dalawang taon.
- Ayon sa mga syentipiko ang pagbaba ng tumatagos na methane sa kalawakan ay nagpapabagal sa pagtaas ng temperatura.
Pakinggan ang podcast dito:
"Ang datos na ito ay isa lang sa maraming basehan natin sa global temperature, at sumasang-ayon kaming lahat na nagiging mas mainit na ang mundo, kumpara noong nakaraang siglo. At ang nakaraaang mga taon naitala ang pinakamainit na panahon."
Ayon sa Senior Scientist ng Copernicus Climate Service na si Freja Vamborg ang nangyayaring kalamidad sa maraming bansa ngayon na may kaugnay sa global warming, ay posibleng mararanasang muli at madagdagan pa, tulad ng wildfires sa dito sa Australia at Siberia, ang heatwaves sa North America at ang grabe pag-ulan na nagdudulot ng pagbaha sa Asya, Africa , US at Europa.
" Sa panahon ng summer, mararanasan ang mas matinding init kaya nagkaka-heatwaves sa maraming lugar pati ang Europa may ebidensya na tayong nakikita na mas matindi ang heathwaves.
Sabi din Vincent-Henri Peuch na director ng Copernicus Atmosphere Monitoring Service, na dalawang taon ng tumataas ng doble ang lebel ng methane sa kalawakan. Ang methane ay isang greenhouse gas mula sa langis at produksyon ng gas.
" Tama ang growth rate sa methane sa kalawakan ay dumoble sa aming inaasahan. Nakakabahala kasi ang methane ay isang greenhouse gas at hindi natin alam kung ano pa ang mangyayari."
Dagdag nito kapag mabawasan ang tumatagos na methane sa kalawakan ay napapabagal nito ang pagtaas ng temperatura.
Kaya puspusan na lang ang kampanya sa ginawang COP-26 climate summit noong nakaraang taon para bawasan ang methane emission ng 30 porsyento sa susunod na sampung taon.
Umaabot sa halus isang daang bansa ang nakilahok sa kasunduan pero kapansinpansing hindi sumali ang bansang China.
Ayon kay Richard Betts mula sa Exeter University, kapag hindi maagapan dapat maghanda ang buong mundo sa masamang dulot ng climate change.
"Kailangan na talaga nating umaksyon ngayon, una kailangan mabawasan ang emisyon ng greenhouse gasses sa kalawakan at pangalawa, kailangan paghandaan ang mga extreme weather na paparating."
May babala si Betts sa lahat na kahit nararanasan ngayon ang La Nina na nagpapalamig sa mundo dahil sa dala nitong ulan, hindi umano ito tatagal.
" Sa ngayon may La Nina, ito ang nagpapalamig sa mundo dahil sa dalang ulan sa El Nino cyle na tinatawag. Pero dapat nating tandaan hindi ito tumatagal, noong mga nakaraang taon naranasan na ang matinding init."
Dagdag ng mga syentipiko ang pakikipaglahok ng mga bansa sa ilalim ng 2015 Paris Agreement ay nakakatulong para hindi tumaas ang temperatura sa buong mundo sa 1.5 degrees celsius. Kapag nagpatuloy ito, mangangalahati ang emisyon pagdating ng taong 2030 at ang lebel na ito ay malaking tulong na para maiwasan ang masamang dulot ng global warming.
Samantala sa ginawang UN Climate Change Conference sa Glasgow noong nakaraang taon, isa ang bansang Australia sa hindi sumuporta sa kasunduan, na bawasan na ang paggamit ng coal o carbon. Sa pagkakataon ito, 40 mga bansa naman ang nangako na susunod sa kasunduan.
Kasama ng Russia, China at India, hindi din nakipagkasundo ang bansang Australia, sa higit isang daang mga bansa na nangakong bawasan ang methane emission ng trenta porsyento sa taong 2030.