Sa inaasahan na nasa 2.75 bilyong-dolyar ng paggasta ng mga Austalyano ngayong Boxing Day, mga damit at gamit pang-kusina ang nangunguna sa listahan na nais bilhin ng mga mamimili sa bansa.
Taong 1871 nang opisyal na ihayag ni Queen Victoria ng United Kingdom na gawing pista opisyal ang Disyembre 26 na orihinal na itinakdang araw para magbigay ng regalo sa mga mahihirap at ngayo'y mas kilala para sa pamimili.
Mga highlight
- Espesyal na araw ang Disyembre 26 para sa pamimili dahil sa maraming sales o bargain sa araw na ito.
- Sa taong 2020, mga damit at gamit pang-kusina ang nangunguna sa listahan ng gustong bilhin ng mga Australyano.
- Mahalagang araw din ang Boxing Day para sa larong cricket, Sydney to Hobart yacht race at pagbubukas ng mga bagong pelikula sa Australia.
Para sa Australia, bukod sa pamimili, sspesyal na araw din ang ika-26 ng Disyembre para sa maraming taga-subaybay ng larong cricket dahil sa araw na ito ang simula ng mga laro ng Boxing Day Test match sa pagitan ng Australia at alinmang pambansang koponan ng cricket na namamasyal sa bansa sa panahon ng tag-araw.
Sa nakalipas na 76 na taon, tuwing ika-26 ng Disyembre din sinisimulan ang Sydney to Hobart yacht race.
Ngayong taon dahil sa pandemya, kinansela ang taunang karera sa pagitan ng Sydney Harbour at Hobart sa Tasmania, na sumasaklaw sa 630 nautical miles na distansya.
Malaking araw din ang Boxing Day para sa pagbubukas ng mga bagong pelikula sa Australia.
Sa ating tampok na Boxing Day Trivia Game sa SBS Filipino, nakasama natin sina Divine Samson at Johhn Weslen Salvador.
Tinanghal na nanalo si G. Salvador sa pagsagot ng tama sa 2 sa 3 katanungan na ating ibinigay. Ang estudyanteng si John Weslen ay nag-ta-trabaho sa isa sa pinakamalaking kumpanya ng mga abot-kayang gamit sa bahay, mga laruan, damit at iba pa.
Mahilig din siyang mamili ngunit sa araw na ito ng Boxing Day, pinili niya na magtrabaho lalo pa nga at doble ang sahod ngayong araw.