Naging masaya at makulay ang maagang selebrasyon ng Pasko ng maraming Filipino Community groups sa Sydney.
Listen to the podcast here
Inirampa ng mga makikisig na modelo ang iba’t-ibang klase ng Barong Tagalog na may temang Yaman ng Dagat ng Mr Ginoo collection sa Christmas Party sa pangunguna ng NARRA COOP.
Ayon sa Presidente ng organisasyon na si Albie Prias, layunin nilang ipakilala ang mga tradisyunal na kasuotan ng mga Pilipino dito sa Australya ganun din ang mahuhusay na Filipino designers tulad ni Olan Roque at Ruel Rivera.
Ilan sa mga damit ay mula pa sa mga tela at patterns ng mga taga-Mindanao.
Highlights
- Iba’t iba ang naging paraan ng pagdiriwang ng Christmas Party ng mga Pilipino sa Australya
- Hiling ng bawat organisasyon ang pagkakaisa ng Filipino-Australian community
- Inaasahan ang pagpapatuloy ng mas maraming community events sa susunod na taon
Tampok din sa event ang pagbibigay parangal sa Mother and Father of the Year. Si Ginoong Leoncio Milo ang kinilalang 'Charity Father of the Year' habang si Ginang Doris Ponferada naman ang 'Charity Mother' ngayong taon. Bahagi ng parangal na ipakilala ang mga natatanging magulang na malaki ang naiambag na inspirasyon at tulong sa Filipino-Australian Community.
Sa simpleng salu-salo naman idinaan ng community leader at head ng RGEMProductions and Management na si Rox Molavin ang kanilang Christmas party bilang pasasalamat samga tao at mga modelong naging bahagi ng kanilang mga aktibidad sa mga nagdaang taon.
Sa tulong ng ilang sumusuporta sa mga Pinoy events tulad ni Jisoo Choi ng PURE, isang fundraising activity ang nais din nilang gawin para sa mga biktima ng bagyo sa Pilipinas.
Masayang mga palarong Pilipino, sayawan at pagpapasaya sa mga senior citizen naman ang naging sentro ng Christmas event ng FILSPARC o Filipino Sports, Arts,and Recreational Club. Tampok din sa selebrasyon ang parol o Christmas lanterns na yari sa recycled materials.
Mapa-bata o matanda, busog din sa dami ng mga pagkaing pinoy na inihain ng mga food stalls. Kwento ng Cultural Director ng grupo na si Marideth Laquian, nais nilang gawin ito bawat taon.
Dahil summer na rin sa Australia, picnic sa park naman ang naging pagdiriwang ng mga myembro ng PCC o Philippine Community Council of NSW. Covid-safe na packed lunch ang ipinamahagi sa mga dumalo sa huling event ng samahan sa taong ito. Pero naging makabuluhan sa bawat myembro ang muling pagkikita-kita.
Ayon sa Presidente ng grupo na si Alric Bulseco, nais sana nilang magawang muli ang malakihang Pasko event na ginaganap tuwing Nobyembre sa Tumbalong Park.
Mala konsyerto naman ang naging event ng PASC Inc kung saan tampok ang mga local artists na nabigyang pagkakataon na makaawit sa entablado matapos ang lockdown at mga restriksyon.
Namigay din ng maagang pamasko sa mga international students ang grupo sa kanilang Ayuda sa Kapwa charity event na pinangunahan ni Marivic Flores.
Marami pang events ang inaabangan hanggang bagong taon lalo pa’t inalis na ang maraming restriksyon sa estado sa kabila ng mataas na kaso ng COVID-19.
Hiling ng mga organisasyon, na kahit nagkakasiyahan at tuloy na ang mga programa, maging maingat pa rin sa kalusugan at magkaisa para sa masayang pagdiriwang ng kapaskuhan.