Umarangkada na ang pagtuturok ng COVID-19 booster shots sa ilang botika sa Pilipinas. Layunin nitong mapabilis ang vaccination drive para sa 72.16 million na Pilipino
Sinimulan ngayong ika-20 ng Enero ang programa ng pamahalaan na “Resbakuna sa Botika”. Lumahok ang ilang malalaking botika at clinic sa Metro Manila sa pamamahagi ng booster shots sa mga mamamayan. Target ng mga botika na makapagturok ng 50-100 katao kada araw para sa mga edad disi-otso pataas.
Plano pang palawakin ang programa sa buong bansa sa mga susunod na araw.
Highlights
- Itinuturok ang booster shots laban sa Covid-19 sa mga piling botika at klinika sa Metro Manila
- Mamamahagi ang Department of Health ng allowance para sa mga health care workers na tinawag na One Covid-19 Allowance (OCA)
- Ilang grupo ng mangingisda, umalma sa planong pag-angkat ng Pilipinas ng 60,000 metric tons ng isda hanggang Marso
Ayon kay Vince Dizon, Presidential Adviser for Covid-19 Response, kailangang magpa-rehistro para mabakunahan, pero kalaunan, tumanggap na rin ang mga botika at clinics ng mga “walk-in” na gustong magpabakuna.
Samantala, posibleng masimulan na sa unang bahagi ng Pebrero ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga edad lima hanggang labing-isa.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, sa huling Linggo ng Enero inaasahang darating ang mga bakuna ng Pfizer na nakalaan para sa mga nasabing edad.
Sa ngayon, prayoridad muna ang mga nasa Metro Manila at mga lugar na maraming tao dahil sa limitado pang supply ng bakuna para rito.
Sa ibang balita, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng mahigit isang bilyong piso para sa healthcare workers sa pribadong sektor at mga non-Department of Health plantilla personnel na hindi pa nakatatanggap ng Special Risk Allowance o SRA. Para din ito sa mga healthcare workers na direktang nag-alaga o nagkaroon ng contact sa Covid-19 patients.