Sa kabila ng hamon na dala ng Coronavirus, patuloy ang pagkuha ng ilang mga kababayan ng kurso sa Aged Care sa TAFE. Ilan sa mga dahilan ng pagtangkilik dito ay ang abot-kayang matrikula para sa mga residente at ang paniniwalang patuloy na magiging “in-demand” ang trabaho sa aged care.
Pakiramdam ni Leah Yanos, 47 anyos bumabalik ang kanyang kabataan. Hindi kasi niya inasahan ng dahil sa Covid-19 babalik muli siya sa pag-aaral.
Dahil kasi sa pandemya nawalan siya trabaho bilang isang inventory clerk sa isang catering services dito sa Australia. Malaki ang kanyang naiiuwing pera, $24 kada oras lalo at full-time worker siya.
Dahil na rin sa impluwensya ng kanyang kaibigan, nag enroll siya sa TAFE. Kung citizen o permanent resident ka na kasi kaunti lamang ang iyong babarayan.
Dalawang araw lamang sa isang linggo ang kanyang pasok sa eskwela. May dalang notebook at ballpen kasama na rin ang baong pagkain para makatipid.
Pero hindi niya inasahan na hindi pala ganoon kadali ang mag-aral muli, bukod sa hi-tech na, limitado din ang kanyang gadget.
Nakatapos umano siya sa vocational course sa Pilipinas pero makinilya ang kanyang inabot noon, wala pang computer.
Ultimo kasi mag-save at ang tamang paraan ng pag-aalis ng USB sa computer ay nangangapa siya.
Aminado siyang mahirap makipagsabayan pero gagawin daw niya ang lahat para matapos ang siyam na buwang kurso.
Mahirap pero maganda ang sweldo
Malaking hamon din daw sa kanya ang pag-aalaga ng matanda. Lalo at madiriin pa naman siya sa mga sugat, dugo at dumi ng tao. Gayon din ang pakikitungo sa mga matatanda na tinamaan ng dementia, kung saan nakakalimutan nito ang kanyang pagkatao, wala sa katinuan na minsan ay nakakapanakit pa.
Ayon pa kay Lea, mas mainam daw ang ganitong kurso sa ngayon. Hindi mawawalan ng trabaho kahit ngayong may pandemya.
Pero kung si Lea ay pursigido, si Alma, 56 anyos ay umayaw na matapos ang ilang linggong pagpasok sa eskwela.
Aminado siyang bukod sa kanyang taas na 4 feet 5 inches, nag-aalala siya na baka di siya agad makahanap ng trabaho bukod sa matatangkad ay kabigatan din ang ibang mga matatanda dito sa Australia na kanyang aalagan.
Mas pinili na daw niyang kumita ng pera, lalo at nakahanap na siyang bagong trabaho. Gusto pa naman daw niya ang trabahong ito kung sakali, kung saan makakapag trabaho sa mga nursing homes. Pwede rin sa mga bahay kung saan nandoon ang iyong aalagan. Maganda din daw ang sweldo base na rin sa kwento ng kanyang mga kaibigan .
Samantala, bukod sa libreng pag-aaral sa Australia, bukas din ang library ng ahensya para sa libreng paggamit ng computer kasama ang printing.
Suportado din ng guro ang mag estudyante kung saan maaring tawagan o mag-email kapag may mga katanungan at kung nahihirapan na itindihin ang mga aralin.
Listen to SBS Filipino 10am-11am daily
Follow us on Facebook for more stories