Patuloy mang puno ng hamon ang 2021 dahil sa kinakaharap na pandemya ng mundo, marami pa ring ipinagpapasalamat ang mga kababayan nating Pilipino na nasa Australia sa taong ito.
Pinagpala pa rin umano ang mga kababayang nating ito dahil sila ay kasama nila ang kanilang buong pamilya, maayos ang kalusugan, bukod pa sa patuloy silang may mga trabaho sa gitna ng pandemya. Hindi tulad ng mahigit 870,000 na Australyano na nawalan ng trabaho mula nang magsimula ang COVID-19 noong unang bahagi ng 2020.
PAKINGGAN ANG PODCAST
Highlight
- Sa panahon ng pandemya, mas maraming tao ang binigyang halaga ang mas simpleng mga bagay na mayroon sila.
- Pamilya, mga kaibigan at maayos na kalusugan ang ilan lamang sa mahahalagang biyaya ng 2021.
- Ang 2021 ay itinuturing na simula ng pagbangon ng ekonomiya ng Australia.
Habang patuloy na nilalaban ng buong mundo ang hagupit ng COVID-19 pandemic, may pag-asa namang nakita sa taong 2021.
Pumalo sa 2,210 katao ang nasawi sa Aaustralia at mahigit 5.42 milyon sa buong mundo na binawian ng buhay sanhi ng COVID-19 mula nang magsimula ang pandemya noong 2020.
Para sa mga nakaligtas sa pinakamasamang na maaaring tama ng coronavirus infections, mapalad silang maituturing dahil patuloy ang kanilang buhay.
'Salamat sa mga mahahalagang bagay lalo na sa pamilya, buhay at kalusugan'
Panahon na kasa-kasama ang buong pamilya din ang ipinagpapasalamat ng ina at negosyante na si myra montarde.
Sa gitna ng mga lockdown higit siyang nagkaroon ng oras sa kanyang pamilya.
Ganoon na lamang ang pasalamat ng General Practitioner (GP) mula Hunter Region na si Dr Kathleen Esplanada na sa kabila ng mga hamon ng kaugnay ng COVID-19, nagkaroon siya ng higit na panahon na makasama ng madalas ang kanyang pamilya.
Malaking pasalamat din niya sa Telehealth system kung saan naging posible ang konsultasyon para sa kanyang mga pasyente lalo na nang mahigpit na mga lockdown sa New South Wales noong Hunyo hanggang Oktubre.
Nakapagbigay siya ng mga medikal na payo at suporta sa lahat ng pasyente niya kahit na sa kasagsagan ng mataas na kaso ng COVID-19 sa NSW.
"Given that it's a very challenging year because of the COVID virus, I think in general, we try to value the simple things in life, especially family, friends and optimal health," anang Cessnock GP.
"I've been very thankful too for everyone who have vaccinated against COVID-19. I think if people did not marched up to have the vaccination we would not be experiencing the freedom that we have now."
'Salamat sa panahon kasama ng buong pamilya'
Bukod sa bagong café business, nagpapasalamat si Myra Montarde sa maayos na panganganak niya sa kanilang ika-apat na anak noong kalagitnaan ng 2021.
Sa panahon ng mahigpit na lockdown sa NSW, labis siyang natutuwa na nakasama niya ang kanyang pamilya at higit na napagtuunan ng pansin ang kanyang bunsong anak.
Higit din niyang natutukan ang pagbili at pagsisimula ng kanilang bagong negosyo na kanilang binuksan bago natapos ang 2021.
'Salamat sa pagkakataon na mabigay ang pangangailangan ng pamilya'
Nagpapasalamat ang aged care worker na si Nesa Smith sa taong 2021 na sa kabila ng panganib na maaaring mahawaan ng COVID-19 sa araw-araw niyang pagta-trabaho sa aged care facility, natapos ang 2021 na hindi siya nagkakasakit.
Bukod sa maayos na kalusugan, mapalad din umano siya na tuloy ang kanyang trabaho hindi tulad ng mahigit 870,000 na mga Australyano na nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng pandemya.
Dahil sa kanyang tuloy-tuloy na trabaho, naibigay niya ang pangangailangan ng kanyang buong pamilya sa Pilipinas.
Bilang breadwinner ng pamilya, mula sa kanyang sahod sa pagiging isang aged care worker, nasu-sustentuhan niya ang kanyang pamilya na sa kanya lamang umaasa.
'Salamat sa patuloy na trabaho'
Tulad din ng aged care worker na si Nesa Smith, malaking pasalamat din ng architectural draftsman na si jigs Geminiano na tuloy-tuloy ang kanyang trabaho at hindi halos naapektuhan ang kanilang kumpanya.
“Ipinagpapasalamat ko na sa kabila ng mga nangyayari sa buong daigdig, tuloy lang ang trabaho ko sa aking kumpanya. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin kung mawalan ako ng trabaho lalo na at mag-isang nagre-renta. Lalong naging puno ng hamon na mag-isa lang ako sa panahon ng pandemya," anang residente ng Central Coast.
'Salamat sa pagtutulungan ng komunidad'
Para sa Pangulo ng Filipino Food Movement Australia (FFMA) na si Anna Manlulo, malaking pasalamat niya at ng iba pang mga negosyanteng Pinoy na sa kabila ng mga hamon ng pandemya ay nagpapatuloy ang kanilang mga samahan at pag-tataguyod sa mga Pilipinong negosyo sa Australia.
Umaasa ang grupo na maipagpatuloy nila ang pagatataguyod at mapaunlad ang mga negosyong PIlipino at maihatid ang world-class na mga pagkaing Pilipino sa buong Australia.
"We look forward to getting back to our campaigns and projects, face-to-face cooking classes and more Mabuhay Nights."
"We still want to focus on uplifting the Filipino-Australian chefs' profiles. We will be partnering with a lot of organisations and community members so we can continue to do what we love to do - to elevate Filipino cuisine in Australia," bigay-diin ni Anna Manlulo.
'Salamat sa mga pagbabagong nagawa sa komunidad'
Batid naman ng community leader mula sa Philippine Community Council of New South Wales na si Cesar Bartolome, na nabago ang paraan ng pagta-trabaho nitong taon dahil na rin sa pandemya at sa kabila nito, ipinagpapasalamat niya na kahit paano ay naka-hanap tayo ng mga paraan para maipagpatuloy ang ating mga trabaho kahit na bahay o opisina man.
Totoo mang puno ng hamon ang taong 2021, pero maraming bagay pa rin tayong dapat na ipagpasalamat gaya na lamang ng ating mga napakinggan na pahayag ng ating mga kababayan. At sa anumang hamon na patuloy nating kakaharapin, sana’y makahanap tayo ng lakas na harapin at labanan ang mga pagsubok na ito.
Mahalaga din na humingi ng tulong kapag sa tingin natin ay hindi na natin makayanan ang mga pagsubog – dahil tiyak na mayroon tayong kapamilya, kamag-anak o kaibigan o maging ang komunidad – na handang makatulong sa atin.
At sa panibagong taon na ating kakaharapin, tuloy lamang tayong maging matatag at kumapit sa ating mga paniniwala – 'ika nga, wag na wag kang bibitaw.
Isang maligayang pagbati ng bagong taon at nawa’y mas maging masagana at malusog ito para sa ating lahat.
BASAHIN DIN