Maraming Pilipino ang nanibago sa mga kakaibang kaugalian at kultura sa Australia. May nakakabigla, pero mayroon ding nakakatuwa.
Sinasabing dadaanan ka muna sa butas ng karayom bago ka makapaunta sa Australia lalo na kung skilled worker ang entrada mo dito. Dadaan ka muna kasi sa madaming pagsusulit, interviews at kailangan din ng malaking halaga ng pera.
Gayon din kung estudyante o bilang turista. Bahagya namang maalwan kung nakapangasawa ka ng isang Australian citizen kailangan lang ay kasal o partner visa.
Bukod sa iba't-ibang proseso, sigurado dadaanan mo din ang proseso ng pag-unawa at pagtanggap ng kanilang kultura at kaugalian.
Highlights
- Marami sa mga bagong salta ang naninibago sa mga kakaibang kaugalian at kultura sa Australia.
- May mga nakakabigla at mayroon ding mga nakakatuwang karanasan.
- Ibinahagi sa atin ng ating mga kababayan ang ilan sa mga di nila malilimutang karanasan nang sila ay dumating dito sa Australia.
Pakinggan ang podcast
KKK: Kanya-kanyang kain
Tulad ni Angelina Abo, taong 2000 minsan pumunta siya sa bahay ng kaibigang Autraliana alas dose ng tanghali, inabutan niyang nakain ang buong pamilya. Out of place ang kanyang pakiramdam dahil hindi siya inalok na kumain. Sa Pilipinas kasi aalukin ka at hindi pwedeng hindi ka kakain kahit na anong ulam.
“Wala, nakaupo lang ako sa couch nila, habang nakain silang lahat. Iba siyempre ang pakiramdam kasi sanay tayong mga Pinoy na kapag inalok na kumain, dapat kumain ka kasi nakakahiya sa may bahay.”
Kapag naunang dumating ang order nilang pagkain, kakain na agad sila di tulad ng mga Pinoy na sabay-sabay kumain, hintayan ika nga.
Dismayado din sila ng kanyang pamilya. Excited kumain sa Mcdonalds mula sa mahabang biyahe, pero walang kanin at spaghetti. Tiyaga sa burger at pritong manok na walang gravy.
Children's party
Minsan din siyang umattend ng children's party, gutom ang kanyang inabot dahil mga bata lamang pala ang puwedeng kumain.
“Ayon naka tindig lang ako sa isang tabi, habang nakain sila ng sandwich, nuggets at cake. Tawa ng tawa ang asawa ko nung pag-uwi namin sa bahay kasi maputla na daw itsura ko.”
Dishwasher
Bago lamang sa barkong pinagtatrabahuhan si Jeff Manlapit. Taong 2014, nabigla siya ng makita niyang inilagay ng kanyang katrabaho sa dish rack ang pinggan na puno pa ng sabon. Hindi niya napigilan na magtanong.
“Sabi niya sa akin hindi daw talaga sila nagbabanlaw kasi sayang ang tubig. Minsan naman banlaw lang, hindi na sinasabon.”
'Drug store'
Minsan naman siyang nagtanong habang nasa mall. Do you know where is the nearest drugstore? Kumukulo kasi ang kanyang tiyan at nais na bumili ng Loperamide. Tiningnan siya ng nito at bahagyang napatatawa.
“Chemist pala ang tawag nila sa botika, napagkamalan tuloy ata akong druglord”
Payong
14 years old naman ng dumating sa Australia si Janic. Habang naglalakad siya patungo sa paaralan, may grupo ng estudyante na nag-uusap at tumatawa. Ramdam niya na siya ang pinag-uusapan.
“Sabi sa akin nung kaklase ko na Pilipino, pinagtatawanan daw ako kasi nakapayong ako. E mainit lang naman ang panahon. Ginagamit lang nila ang payong kapag naulan. Ay naku, basta ako wala akong paki, kesa masunog ang balat ko.”
Malamig na sugpo
Nagulat din siya sa mga tao sa mall na naka-paa lamang. Hindi naman niya nakain ang sugpo sa isang handaan kasi malamig iyon at malansa.
Napatingin naman sa kanya ang kanyang mga kaklase nangg minsang napabahing ng malakas sa loob ng classroom, sila kasi mahina kung bumahing parang may silencer ang mga bibig.
Aged Care
Nakakalungkot naman dahil ang mga matatanda dito karamihan ay sa aged care ang bagsak, maaring ayaw magpaalaga sa mga anak o ayaw alagaan.
Maraming libre
Matutuwa ka naman dahil pwede mong kunin ang mga gamit nila na for free sa labas ng kanilang bahay, hindi sila gaaanong nag-rerepair ng kanilang mga TV, radyo at iba pang mga kagamitan sa bahay.
Natutuwa ka din sa istilo ng pamamahala dito kasi nararamdaman mo ang benipisyo ng buwis na kinakaltas sayo. Libre ang pagpapagamot, mabilis ang proseso ng mga papeles, walang entrance fee sa mga beaches, libreng mga palaruan at madami pang iba.
Hindi rin sila mapagtanim ng galit at tipikal na magagalang at higit sa lahat mahal nila ang kalikasan wala kang makikitang poultry ng manok o babuyan basta basta.
Sa pagdaan ng panahon, mararamdaman mo na lang na naka-adjust ka na at natutunan mo na rin ang kanilang mga kultura. Mapapatawa ka na lang at napakamot sa ulo sa mga kwentuhang Pinoy tulad nito.
BASAHIN O PAKINGGAN DIN