Highlights
- Mas mataas ang baha na dulot ng bagyong Ulysses kumpara sa bagyong Ondoy.
- Nahirapan din ang mga rescuers na maabot ang mga residenteng humihingi ng tulong.
- Nagsagawa rin ang Pangulong Duterte ng aerial inspection ng mga lugar na binaha at ng pinsalang dulot ng bagyo.
Kabilang sa matinding tinamaan ng pagbaha ang lungsod ng Marikina , ang lungsod ng Pasig, ang lalawigan ng Rizal at ang Bulacan.
Inihahalintulad ang bagyong Ulysses sa bagyong Ondoy nuong 2009 na nagbuhos ng maraming ulan at nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila, partikular ang Marikina.
May mga residenteng na-trap sa bubong ng kanilang tahanan dahil sa napakataas na baha.
Wala pang ipinalalabas na opisyal na tala ng mga nasawi sa bagyo.Pero batay sa on-the-ground operations ng mga lokal na pamahalaan, may naitala nang dalawang nasawi sa Rizal province, tatlo sa Cavite, tatlo sa Camarines Norte at isa sa Benguet, sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Lima naman ang nawawala sa Camarines norte habang tatlo ang sugatan sa Cavite
Agad namang nagparamdam ang Pangulong Duterte sa taumbayan, kasunod ng pananalasa ng bagyo. Nagbigay siya ng talumpati at tiniyak ang pagbibigay ng agarang tulong sa lahat ng naapektuhan ng bagyo.