Hindi na bago para sa mga bagong dating sa Australia, tulad ni Jing Wang ang pagkadismaya sa malalaking gastos tulad ng pagbili ng sasakyan.
“Bumili kami ng bago at mamahaling sasakyan pero matapos ang tatlong linggo nasira ang makina nito. Hindi ito makatarungan para sa amin.”
Highlights
- Kalimitang nabibiktima ng paglabag ng consumer law ang mga bagong salta
- Nalalapat ang consumer guarantees sa mga produkto at serbisyo na binili ng mga mamimili sa ilalim ng Australan Consumer Law.
- Awtomatikong nalalapat ang mga garantiya ng consumer boluntaryo man o pinahabang warranty na ibinigay ng isang nagbebenta o taga-gawa.
Ang mga bagong dating sa Australia ay pangkaraniwang biktima ng paglabag ng consumer law
Si Olivia Nguy mula sa Liverpool Migrant Resources Centre ay regular na nakikipag-ugnay sa mga bagong dating sa bansa gaya nila Jing, na may reklamo tungkol sa nabiling produkto at serbisyo dito sa bansa.
Ayon sa kanya karamihan sa mga reklamo ay tungkol sa kontrata ng mga babayaran gaya ng tubig, kuryente at gas na sinusundan ng mga tawag sa telepono o may bumibisita sa bahay, na ayon sa mga consumer ay nakakalito.
“Maraming reklamo tungkol sa telepono at internet providers, gaya ng hindi nila alam ang mga tuntunin at kapag kumalas sa kontrata may mga babayaran pa pala,” dagdag ni Olivia.
Samantala, ayon sa CEO ng Westjustice na isang legal centre sa komunidad na naka-base sa Melbourne na si Denis Nelthorpe, karamihan umano sa kanilang tinutulungan ay mga bagong dating sa Austalia mula sa mga non-English speaking na bansa at problema nila ay may kaugnayan sa consumer law.
Babala ni Mr Nelthorpe may mga walang konsensyang negosyante talaga na target ang mga bagong salta sa bansa.
Alam ng mga taong ito na madaling ma-engganyo ang mga bagong dating na pumirma ng kontrata o pumasok sa mga kasunduan ng walang tanong.
Mga garantiya sa mga mamimili
Paliwanag ni Olivia Nguy mula sa Liverpool Migrant Resources Centre ang kakulangan sa kasanayan na magsalita ng Ingles at impormasyon ay nagdudulot sa mga bagong dating sa bansa na basta-basta na lang tumanggap ng anumang inaalok sa kanila.
Ang Australian Consumer Law ang nagbibigay proteksyon sa mga mamimili na obligahin ang mga negosyante na dapat may kalidad ang mga binebentang produkto.
Sinasaklaw ng mga garantiya ang mga kalakal na wala pang $40,000 at yong higit sa halagang iyon na ginagamit para sa personal o pambahay na paggamit.
Kinakailangan na ang mga proddukto ay ligtas, matibay at walang sira. Kasabay din nito ang maayos na ibinibigay na serbisyo kapag may kinakailangang ayusin sa produkto.
Ang halaga ng threshold para sa mga produkto o serbisyo ay tumaas sa $100,000 simula pa noong Hulyo 1, 2021.
Proseso sa paghahain ng reklamo
Kapag may reklamo sa nabiling produkto, kinakailangang sundin ang proseso ng paghain ng reklamo. Una dito ay kinakailangang ipabigay-alam ang reklamo sa nagbenta o tindahan o sa service provider.
Ayon kay Australian Competition and Consumer Commission Deputy Chair Delia Rickard ang ACCC ay nagtataguyod ng patas na kalakalan sa ilalim ng Australian Consumer Law.
Kapag bumili ng produkto o serbisyo at hindi gumana ayon sa kanyang function, hindi ito katanggap-tanggap na kalidad, kaya ito ay mapanganib at dapat itong isauli sa nagbenta, maaaring ayusin o ipabalik ang pera o refund o papalitan.
Ang website ng ACCC ay nagbibigay ng kompletong impormasyon para sa hindi nagsasalita ng English.
Kinikilala ng ACCC na ang kakulangan sa pagsasalita at pag-intindi ng English ay maaaring maging balakid ngunit sinasabi ni Delia Richard na ang impormasyon tungkol sa mga karapatan ng consumer ay isinalin sa maraming lingwahe kabilang dito ang Arabic, Chinese, Dari at Dinka.
“Kapag tumungo sa ACCC website makikita ang mga link sa home page, ang mga impormasyon para sa hindi nagsasalita ng Ingles at makikita mo din ang mga pahayag tungkol sa karapatan ng mga mamimili.”
Ang ipatupad ang karapatan ng mga consumer ay isang malaking hamon lalo’t may mga negosyante at mga service provider na nanloloko at hindi nagbibigay ng tamang serbisyo. Kapag ang reklamo ay binabalewala may payo si Delia Rickard.
“Kung binabalewala nila ang inyong mga reklamo, dalhin nyo ito sa inyong local Fair Trading agency, lalo’t kung ayaw humarap sa inyo ng mga ito at tumungo sa Human Rights Commission lalo’t lumalabas na posibleng kasama dito ang isyu ng racial discrimination.”
ACCC mobile phone app
Inilunsad ng ACCC, ang isang mobile phone App na nagbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon para sa mga consumer.
Dito makikita ang mga sagot sa tanong gaya ng ‘Kailan ko makukuha ang refund?’ Ano ang aking karapatan at tumutulong sa pagsulat ng reklamo o email sa isang kompanya.
Dagdag ni Delia Rickard isa itong mabisang paraan laban sa hindi patas na mga kasanayan sa negosyo.
Kung hindi iyon gagana, sabi ni Delia Rickard, pinakamahusay na gawin ang pumunta nang direkta sa ACCC at magsampa ng isang pormal na reklamo.