Patuloy na nadagdagdagan ang listahan ng mga bansang nasa ilalim ng travel ban ng Australia.
Ipinagbabawal ng Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) ang pagpasok at paglabas sa bansa patungong China, Iran, South Korea at Italy.
Nasa level 4 o pinaka mataas na level warning ang mga bansa dahil na rin sa dami ng kaso ng nagpositibo at namamatay sa novel coronavirus
Kung magmumula sa apat bansang nabanggit, sa ilalim ng travel restriction, tanging ang mga may permanent visa at Australian citizen ang papayagang makabalik sa Australia pero dapat sumailalim sa 14-day quarantine o self-isolation.
Para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng sakit sa Australia, itinaas na rin ang travel restrictions sa Saudi Arabia sa orange level o “reconsider your travel” habang sa Japan, Mongolia, Hong Kong, Indonesia, Thailand, Singapore, at Cambodia ay nasa yellow level o ‘exercise a high degree of caution’.
Ang mga foreign nationals naman na may record na nanggaling sa mga bansa sa listahan, ay makakapasok lamang sa Australia makalipas ang labing apat na araw ng kanilang transit sa ibang bansa at quarantine.
Pinag-aaralan na rin ng mga health officials kung isasama sa travel restrictions ang mga bumibiyahe mula sa Europe.
Sa Pilipinas naman, pinalawig na ang travel ban sa lahat ng bansa na mayroong naitalang local transmission ng Coronavirus.
Tanging mga Filipino citizen, kanilang anak at asawa, permanent residents at may diplomatic visa ang makakapasok sa bansa.
Ayon sa World Health Organization, 65 na bansa na kabilang ang Pilipinas, Japan, South Korea at US ang nagkaroon ng local transmission.
Inanunsyo ng bansang Qatar at Saudi Arabia na hindi muna sila magpapapasok ng sinuman mula sa Pilipinas.
Samantala, pinapayagan ang mga pinoy workers na bumalik sa China maliban sa Hubei province na epicentre ng virus.
Sa kabuuan, nasa 168,000 na ang mga nagpositibo sa virus. Ayon sa tala ng John Hopkins University, higit 4,700 ang namatay pero nasa 70,000 na ang mga nakarecover mula sa pagkakasakit.
ALSO READ/LISTEN TO
Share


