Ang bangkay na natagpuan sa isang wheelie bin sa isang storage facility sa Melbourne ay nakilala na isang graphic artist na si John Christianos na naireport na nawawala higit 17 taon na ang nakakaraan.
Natuklasan ng mga mangagawa ang mga labi ni Mr Christianos, 40, noong Hulyo 13 sa Oakleigh South habang nililinis nila ang isang storage unit.
Nawala siya noong 2001 at huling nakita sa isang residential home sa Bentleigh East.
Ipinanganak sa South Australia, sinabi ng Victoria Police na si Mr Christianos ay nahiwalay sa kaniyang pamilya bago siya nawala.

Napag-alaman sa isang pagsisiyasat noong 2011 na namatay siya noong o pagkatapos ng Hunyo 11, 2001.
Gayunpaman, hindi pa matukoy ang mga nangyari at ang dahilan ng kanyang pagkamatay.
"Even though it has been over 17 years since he was last seen, we believe that it is likely there are still people out there who know what happened to John," sinabi ni Missing Persons Squad Detective Inspector Andrew Stampe sa isang pahayag noong Martes.
"Clearly something significant has happened after John left his home for his body to be dumped in a bin and locked up for so many years."
Si Mr Christianos ay nagtatrabaho bilang graphic artist bago pa man siya nawala..
Sinabi ng Victoria Police na kilala siya sa pulisya sa iba't-ibang estado kasama na ang paggamit ng droga at mga kaso ng pag-atake.
