Nagbabayad ng $285 ang karamihan ng nag-aapply para maging mamamayan ng Australya, ngunit ang mga nahihirapang indibidwal gaya ng mga pensyonado at balo ay matagal ng pinagbibigyang magbayad ng concession rate na $20 o $40.
Subalit, noong Huwebes ng nakaraang linggo, inihain ni Mr Dutton ang bagong patakaran na nagtatanggal sa concession. Magsisimula ang pagbabagong ito sa Hulyo 1. Ipinangako na ng mga Greens na itataob nila ang regulasyon pagkaupo muli ng parliyamento sa susunod na linggo.
Ang mga apektado ng bagong regulasyon ay ang mga may hawak ng pensioner concession card, at ang mga tumatanggap ng welfare payments, kasama ang Newstart, mga pensyon para sa mga matatanda, mga pensyon para sa mga may kapansanan, at bayad para sa mga magulang.
Hinihingi ng Federation of Ethnic Communities na baliktarin ang bagong regulasyon. Ang organisasyong ito ang kumakatawan sa mga migranteng grupo sa Australya.
Sa panayam niya sa SBS News, sabi ni chair Mary Patetsos, “This is a needless imposition. It puzzles me why you would want to create a hurdle that makes a resident who is entitled to claim for citizenship choose between paying their bills and applying for citizenship.”
Mawawalan din ng diskwento ang mga beteranong may hawak ng pensioner cards at tumatanggap ng bayad para sa pangsuporta sa sweldo, aged service, invalidity service at partner service; at ang mga balong may hawak ng health care cards.
Kasama rin sa pagbabago ang mga nag-aapply upang maging mamamayan ng pangalawang beses. Kinakailangan na rin nilang magbayad ng buong halaga.
Tinanong ng SBS News si Mr Dutton ukol sa kanyang komento sa mga pagbabago, ngunit sinabi niya na idaan na lamang ang lahat ng tanong sa Department of Home Affairs.
Ayon sa tagapagsalita ng departamento, nitong nakaraang 12 na buwan, tatlong porsyento lamang ng mga nag-apply para sa pagiging mamamayan gamit ang eksamen ang nagbayad ng concession fee. Hindi kasama dito ang mga naging mamamayan dahil sa pamilya o pag-aampon.
“Australia’s citizenship application fees remain internationally competitive and among the lowest in OECD nations,” sulat ng tagapagsalita.
“The Department is committed to ensuring that application fees remain compliant with the Australian Government Cost Recovery Guidelines.”
Pangako ng Greens na itaob ang bagong patakaran
Ang pagbabago sa bayad ay ibinahagi gamit ang isang pambatas na instrumento. Ibig sabihin nito ay hindi kinailagan ng legislation upang maipasa sa parliyamento ang regulasyon.
Subalit, maari pa ring gumalaw ang Senado upang itaob ang mosyon. Noong nakalipas na buwan, binawi ng pamahalaan ang mga kontrobersyal na pagbabago sa mga patakaran para sa parent visa sponsorship ng naging klaro na papasa ang isang disallowance motion.
Ayon kay Greens senator Nick McKim, itutulak nila ang disallowance motion pagkaupo ng parliyamento sa darating na linggo. Humihingi siya ng tulong sa Labor at crossbench na suportahan ang kanilang plano.
“It's an incredibly small-minded and vindictive move by this government,” sabi ni Senator McKim sa panayam sa SBS News. Ang panayam ay ginawa sa pamamagitan ng telepono habang nasa Hobart si McKim.
Kinwestyon ng senador kung bakit kailangan pang tanggalin ang diskwento kung kakaunti lamang sa mga aplikante ang gumagamit nito.
“If it's correct that this only applies to about three per cent of applicants in the recent past, it begs the obvious question as to why in fact the government is moving forward.”
Ayon din kay Ms Patetsos hindi nauukol ang pagbabago sa hangarin ng Australya na himukin ang mga migrante na maging bahagi ng komunidad. Maapektuhan pa daw ng mga pagbabago ang mga nahihirapang aplikante.
“We've always encouraged new arrivals and migrants to apply for citizenship as soon as they're eligible and that encouragement shouldn’t be dependent on a capacity to pay," sabi niya.
PAKINGGAN DIN