Ano ang mga pagbabago?
Noong kasagsagan ng pandemya, niluwagan ng gobyerno ang restriksyon sa pagtatrabaho ng mga may hawak ng student visa. Enero 2022 ng tinanggal ang karaniwang limitasyon na 40 oras kada dalawang linggo o fortnight para matugunan ang kakulangan ng manggagawa.
Ang pagluluwag na ito ay matatapos na sa ika-30 ng Hunyo 2023 ayon sa Department of Home Affairs.
Sa pahayag ng DHA, sinabi nitong “ang pagbalik sa limitasyon ay magsisiguro na ang mga may hawak ng student visa ay makakatutok sa pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon at kwalipikasyon mula sa Australia habang nasusuportahan ang sarili sa pinansyal na aspeto, magkaroon ng mahalagang karanasan sa trabaho at makatulong sa pangangailangan ng manggagawa ng bansa.”

Bukod sa limitasyon na 48 working hours para sa mga international student, inanunsyo din ng gobyerno ang pagpapalawig ng post-study work rights para sa mga international students na nagtapos mula sa Australian higher education provider.
Enabling students that gain an education in Australia to stay longer and contribute to our economy benefits us all.Minister for Home Affairs Clare O'Neil

Dagdag nitong “matapos mawala ng dekada sa immigration at skills, humahanap ang pamahalaan ng paraan upang magamit ang mga skilled migrant sa pamamagitan ng mas pinag-ibayong training at mas naakma, iwas abuso na mga programa para sa mga temporary visa worker at estudyante.
Naglabas ang gobyerno ng listahan ng mga occupations and the eligible qualifications na gagabay sa mga nagtapos ng pag-aaral na makakuha ng mas malawak na work rights.
Sa opisyal na pahayag ng Ministro, sinabi nitong “target ng Australia ang mga skills na mas kinakailangan gaya ng sa kalusugan, pagtuturo, engineering at agrikultura.”
Ang mga pagpapalawig ng work rights na ito ay epektibo mula ika-1 ng Hulyo at ang ekstensyon ay mula dalawang taon hanggang apat na taon para sa piling bachelor’s degree, tatlo hanggang limang taon naman para sa master’s degree at apat na taon hanggang anim na taon para sa doctoral degree.
Sinabi ni Minister for Education Jason Clare na “matindi ang pagnanais ng mga negosyo at kumpanya na mapunan ang mga kailangang skilled worker, lalo na sa mga rehiyon.”

“We have got the second highest skills shortage in the developed world, according to the Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Skills shortages are everywhere," saad ni Minister Clare.
Dagdag din nitong “tuturuan at iti-train ang mga skilled worker. Ibig sabihin ay mananatili ito ng mas mahaba at gagamitin ang mga skill na natutunan sa Australia upang makatulong na mapunan ang kasalukuyang matinding kakulangan sa manggagawa.
Ano ang pulso ng mga international students sa pagbabago?
Bagaman ikinalugod ang desisyon sa pagpapalawig ng working rights para sa mga international graduates, marami pa ding foreign students ang nangangamba sa limitasyon sa working hours.
Isa na dito ang hospitality students mula Adelaide na si Navsheen Kachru na nagtatrabaho ng mahigit 48 na oras para mabayaran ang akomodasyon, pagkain at pribadong medical insurance.

Isa si Navsheen sa mga nakakaramdam ng mga pagtaas ng pangunahin bilihin sa bansa na bunsod na pagtaas ng inflation.
Sinabi nitong “kasalukuyang siyang kumikita ng mahigit $1000 kada linggo na posibleng malaki ang mababawas kapag naging epektibo na ang pagbabago.”
Malaki anya ang epekto nito sa kanyang pinansyal na estado sa gitna ng tumataas na renta at cost of living.
Positibo naman anya ang pagpapalawig ng karapatang magtrabaho sa mga international student.
May reaksyon naman ang Chief Executive ng Universities Australia na si Catrional Jackson, sinabi nitong “ang pagpapadali para sa mga talented international graduate mula sa mga unibersidad ng Australia na magamit ang kanilang natutunan sa bansa ay nararapat lamang.”

Giit nitong “ang desisyon na palawigin ang working rights partikular para sa mga PhD students, ay malaking bagay sa ekonomiya at sektor ng edukasyon.”
Para sa karagdagang mga balita, makinig sa SBS Filipino 10am - 11am (AEDT) o puntahan ang aming Facebook page.
