Nagbigay ng pahayag ang batikang mamamahayag na si Maria Ressa noong Miyerkules at sinabing nalaman lang niya ang tungkol sa parangal ilang oras matapos siyang mag-piyansa sa korte para sa tax evasion charges laban sa kanya.
"What a strange day I had yesterday," sabi ni Ressa sa isang panayam sa Maynila.
Kinilala ng Time magazine sa taunang edisyon nito ang ilang mamamahayag, kabilang ang pinatay na kolumnista na si Jamal Khashoggi, kung saan binigyang pansin ang kahalagahan ng mga ginagawa ng mga reporter sa pagsisiwalat ng mga katiwalian.
Si Ressa, na co-founder ng online site na Rappler, ay agresibong binabatikos ang pamamalakad ng Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte.
Kamakailan, sinampahan siya ng kaso na tax fraud, na ayon sa karamihan ito ay nakikitang reaksyon ng pamahalaan sa paraan ng pag-uulat ng Rappler.
Iginiit ni Ressa na siya ay nagbabayad ng tamang buwis.
Tinagurian ng Time Magazine ang mga mamamahayag na "the guardians." Bukod kina Khashoggi at Ressa, kabilang din ang taga Capital Gazette sa Annapolis, Maryland at ang mga reporter ng Reuters na sina Wa Lone at Kyaw Soe Oo, na nabillanggo sa Myanmar ng isang taon.
Ayon kay Ressa, ang pag-pressure ng gobyerno sa mga mamamahayag ay nagtutulak sa kanila na "mas pagbutihin ang kanilang trabaho."
"We were forced to do a better job as investigative journalists. The more you try to silence alternative views, critical questions, the more you seem like you have something to hide,” pahayag ni Ressa.