Kapulisan isinalarawan ang gantimpala sa pamamaslang, huwad na lugar ng krimen sa digmaan sa droga ni Duterte

MANILA, April 18 (Reuters) - Ang Kapulisan ng Pilipinas ay tumatanggap ng salapi para pumatay ng mga suspek sa paggamit ng droga, naglalagay ng ebidensiya sa mga lugar ng krimen at nagsasagawa ng karamihan sa mga pamamaslang na matagal na nilang isinisisi sa mga vigilante, pahayag ng dalawang nakatataas na opisyal na kritikal sa 'war on drugs" o digmaan sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

A police officer questions a drug suspect

Source: EPA/Rolex de la Pena

Sa pinaka-detalyadong salaysay na ng taga-loob ng sekretong mekanismo sa digmaan laban sa droga, hinamon ng dalawang nakatataas na opisyal ang paliwanag ng pamahalaan hinggil sa mga pagpaslang sa panayam sa Reuters.

Halos 9,000 katao, karamihan ay maliliit na gumagamit at nagbebenta ng droga ang napatay na mula noong manilbihan si Duterte sa upisina noong ika-30 ng Hunyo.   Sinabi ng kapulisan,  sangkatlo ng mga biktima ay binaril ng mga opisyal sa pagtanggol sa sarili sa panahon ng lehitimong operasyon laban sa droga. Naniniwala ang mga lupon ng mga karapatang pantao na marami sa natitirang biktima ay pinatay ng mga bayarang mamamaril na kumikilos sa suporta ng kapulisan o mga pulis na nagpapanggap bilang mga vigilante, na isang akusasyon na itinatanggi ng kapulisan.

Ang dalawang nakatataas na opisyal, isang retiradong opisyal ng paniniktik at isang aktibong kumander, ay nagsabing sa totoo lamang ang pamamaslang ay isinasagawa ng kapulisan, kasama rito ang karamihang isinasagawa ng mga umano vigilante. Sila ay nagsalita sa Reuters sa kundisyong hindi makikilala.

"Ito ay ginagawa ng Philippine National Police," pahayag ng retiradong opisyal ng paniniktik. "Ang killing machine ay dapat ilibing sa ilalim ng lupa."   Sinabi niya na siya ay galit sa epekto ng mga pamamaslang sa disiplina ng kapulisan at nais niya na
ilagay si Duterte sa "defensive." Hindi napagtibay ng  Reuters sa ibang malayang source kung ang kapulisan ang nasa likod ng mga pamamaslang ng mga vigilante. 
 
Ang Upisina ng Pangulo at ang Philippine National Police ay hindi tumugon sa mga katanungan ng Reuters.
 
'TANGING  ANG MAHIHIRAP LAMANG ANG NAMAMATAY'
 

Ang opisyal ang may-akda ng di-nailathalang 26-na-pahinang ulat sa pagsasagawa ng digmaan sa droga sa kagustuhang ma-i-organisa ang pagtutol sa kampanya ni Duterte.

Ang ulat na pinamagatang "The State-Sponsored Extrajudicial Killings in the Philippines,"  ay nagbibigay ng mga detalye sa umanong pamamaraan ng kampanya, mga may-utak dito, at mga nagsasagawa nito. Ang dokumento ay ibinahagi  sa mga lider ng Simbahang Katoliko ng Pilipinas  at sa Komiyson ng Karapatang Pantao.

Ilan sa mga akusasyon ng ulat laban sa mga indibidwal ay hindi makumpirma ng Reuters; kaya't hindi inilathala nito ang buong dokumento. Subalit, marami sa mga natuklasan ay sumusuporta at nagpapalawak sa mga dating imbestigasyon sa digmaan sa droga ng Reuters at ng mga independiyente lupon ng karapatang pantao


Sinabi ng ulat, ang pulis ay binabayaran hindi lamang para pumatay ng mga suspek sa droga, kundi pati para sa halagang P10,000 ($200)  bawat ulot -- mga manggagahasa,  mandurukot, swindler, miyembro ng gang, lasinggero at iba pang "gumagawa ng gulo'

Sinabi rin ng ulat, ang mga miyembrong sibilyan ng tinatawag na Davao Death Squad,  na ayon sa mga aktibista ng karapatang pantao ay pumatay ng daan-daan sa Davao, ay isinama na " to augment and assist"  o pang-dagdag at pantulong sa kasalukuyang pambansang operasyon laban sa droga.

Hindi isinama sa ulat ang mga dokumentaryong ebidensiya para sa mga akusasyon, na ayon sa opisyal ng paniniktik ay base sa 17 nag-silbi o dating pulis, kasama ang kumander na kinapanayam ng Reuters. Sinabi ng kumander ng kapulisan, siya ay sumang-ayon na magsalita dahil siya ay nadismaya sa mga awtoridad na tinatarget lamang ang mga maliliit na suspek ng droga."Bakit hindi nila pinapatay ang mga nag-susuplay?" ang kanyang tanong. " Mga mahihirap lamang ang namamatay."

Ang ikalawang bahagi ng ulat ay pulitikal, at sinasabing si Duterte ay mayroong malapit na ugnayan sa mga puwersang komunista sa Pilipinas. Marami sa militar at kapulisan ay nababahala sa mga nakikita nilang mga makaliwang sympathiser ni Duterte. Mula noong maupo sa puwesto, pinalaya ng Pangulo ang mga rebeldeng Komunista mula piitan para simulan ang pag-uusap sa kapayapaan.

Tinawag din ng ulat ang digmaan sa droga bilang isang  kampanya ng "social cleansing"  tulad ng paglunsad ni Mao Zedong sa Tsina,  na kung saan hangad ni Duterte na ang mga adik sa droga ay "physically eliminated" o pisikal na alisin.
 
BAGONG DAAN
               
Nirepaso ng Komisyon sa Karapatang Pantao ang ulat at ang mga salaysay ay maaaring magpasimula sa mga bagong daan sa patuloy na mga imbestigasyon, pahayag ng Taga-Pangulo Chito Gascon.  Kinumpirma ng mga opisyal ng simbahan na natanggap din nila ang ulat.

"Gagawin natin ang lahat na makakaya para sundin ang anumang daan na sa kahulu-hulihan ay magbibigay liwanag sa mga pamamaslang na ito sa pananaw na sa kahuli-hulihan ay mananagot ang mga nagsagawa nito," pahayag ni Gascon.
 
Ang panibagong paratang ay lumabas sa lumalaking kritisismo sa digmaan sa droga. Noong Pebrero, ang ma-impluwensiyang Simbahang Katoliko ay tinawag itong "reign of terror."  Ang kampanya ay nagpasimula rin sa mga protesa sa lansangan at mga pagsampa ng kaso.
 
Tinigil ni Ronald Dela Rosa,  ang hepe ng kapulisan,  ang mga operasyon ng kapulisan noong Pebrero pagkatapos lumabas na ang isang anti-drug yunit ay nang-kidnap at pumatay  ng isang negosyanteng South Korean noong nakaraang taon. Nagpatuloy, subalit bumagal,  ang  pamamaslang. Noong ika-6 ng Marso,  ipinahayag ni Dela Rosa na ipagpapatuloy nila ang operasyon.

Noong Marso, si Arturo Lascanas, isang dating pulis, ay tumestigo sa Senado hinggil sa kanyang  papel sa pamamatay na vigilante-style sa siyudad ng Davao, na kung saan naging mayor si Duterte. Si Lascanas ang ikalawang saksi sa Senado na ini-ugnay si Duterte sa Davao Death Squad. Itinanggi ni Duterte ang pag-uutos nang pamamatay, maging pangulo o mayor man.

Sa mga sumunod na interbyu, sinabi ni  Lascanas sa Reuters, sa mahigit isang dekada, siya ay binayaran sa pagpatay sa mga  suspek sa droga at kriminal. Noong simula ng dekada '90, sinabi niya, siya ay binayaran ng P3,000 hanggang P5,000 ($60-$100) sa bawat "trabaho" . Sa simula ng dekada 2000s , siya ay kumikita ng libu-libong piso sa bawat operasyon, sabi niya. Sinabi ni Lascanas, wala siyang pruwebang dokumento na magpapatunay sa kabayaran. Siya ay lumabas na ng bansa.

PAGTANGGAL SA MGA KAMERA 

Sa nakalipas na siyam na buwan, inamin ng kapulisan ang pamamaril patay ng mahigit na 2,600 suspek sa kanilang mga operasyon. Sinabi nila ang mga pamamaril na iyon ay naganap pagkatapos magpaputok ang mga suspek sa mga undercover na pulis na humuhuli sa kanila.

Subalit, ang mga tinatawag na "buy-busts"  ay mga planadong pamamatay, sinabi ng kumander sa Reuters. Sinasabi ng kumander ang mga target ay pinipili mula sa mga listahan ng mga suspek na  binubuo ng mga pulis at lokal na opisyal, na naki-kipag-koordinate para patayin ang mga security camera sa kapitbahayan na kung saan planado ang pamamaslang. Ayon sa ulat, ang mga ilaw sa poste ay pinapatay rin.

"walang tinatawag na lehitimong  buy-bust," pahayag ng kumander. " Kilala ng mga mangangalakal ang mga pulis at hindi magbebenta sa kanila."

Sa halip, sinabi niya, isang koponan ng mga police operative ang papatay sa target, na kadalasa'y walang armas, at sila ay naglalagay ng baril at droga sa lugar ng krimen para maipagtanggol ang paggamit ng nakamamatay na puwersa.
       
"kailangan naman mag-lagay ng ebidensiya para sa legalidad  ng operasyon." pahayag ng kumander. "Kami ay inatasan na gawin ang mga operasyong ito, kaya't kailangan namin protektahan ang sarili."

Sinasabi ng kumander, nilalagay ng mga opisyal ang baril sa kamay ng patay na suspek at hinihila ang trigger ng daliri ng biktima para ipakita ng forensic testing na ang suspek ay nag-paputok ng baril.

Karamihan ng mga suspek sa presinto ay binabaril ng mga baguhang pulis na gustong-gusto na mag-karoon ng karanasan o ni-nonomina ng kanilang mga amo, pahayag ng kumander. Tinatawag ito ng mga amo bilang "baptism by fire."
 
Ang bawat miyembro ng koponan ay kaagad binabayaran base sa dalawang bagay, pahayag ng kumander: ang kanyang papel sa pamamaslang at ang halaga ng target.

CASH REWARDS
 
Ayon sa ulat,  ang salaping  "reward scales" para sa pamamaslang sa droga ay mula  P20,000 pesos ($400) para sa  "street level pusher and user,"  hanggang sa P50,000 pesos para sa miyembro ng "neighborhood council,"  isang milyong piso para sa "distributors, retailers and wholesalers," at limang milyon sa  "drug lords."

Pumapatay ang mga pulis para sa pera, sabi ng kumander, at dahil na rin sa takot: kahit ang mga pulis ay takot na maisama sa "watch list" ng mga suspek sa droga na binuo ng mga pulis at lokal na opisyal. 

Ang mga opisyal ay pinatay sa hindi pagtulong, pahayag niya. Sinabi pa niya na siya ay mulat sa dalawang kaso subalit hindi na nagbigay ng mga detalye.   

Iniulat ng Reuters noong nakaraang taon na ang watch list ay tunay na hit lists, na kung saan marami sa mga nababanggit ay namamatay.  

Ipinakita pa ng isang imbestigasyon ng Reuters,  pinatay ng mga pulis ang 97  na porsyento ng mga suspek na nakaharap nila sa marahas na buy-bust operations, ang pinaka-matibay na ebidensiya na pinapatay nang walang dahilan ng mga pulis ang mga suspek.

Sinabi pa ng opisyal ng intelehensiya, nakiki-pagtulungan ang mga pulis dahil alam nila ang mahinang sistema ng disiplina sa kapulisan na nabigo rin na sapat na imbestigahan ang kahit anumang pamamaslang, na nangangahulugan ay walang pag-asa na mahuli.

Isang senyales na tagumpay ang digmaan sa droga, pahayag ng pamahalaan, ay mahigit sa isang milyong gumagamit at nagtutulak ang boluntaryong sumuko sa kapulisan, isang proseso na tinatawag na "surrendering".

Subalit sinabi ng kumader, ang mga pulis ay binibigyan ng quota ng "surrenderers," o mga sumsusuko, at pinupuno nila ito sa paggamit ng mga ordinansa na hulihin ang mga lalaki na lasing o walang suot na damit -- isang maliit na paglabag sa batas na tawag ay "half-naked" -  at pinipilit silang i-rehistro bilang mga suspek ng droga.
 

 


Share

Published

Updated

Presented by Ronald Manila

Share this with family and friends


Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand