Si Ms Romulo ay nananatiling matatag sa kanyang laban sa pagpapaalis sa kanila sa bansa kasama ng kanyang dalawang anak na babae, dahilan upang mawalay siya sa kanyang walong taong gulang na anak, matapos siyang mapagkalooban ng 12-month bridging visa extension nang makialam sa kaso ang Assistant Minister for Home Affairs.
Noong Miyerkules, dalawang linggo bago sila nakatakdang ma-deport, ang aged-care worker na si Bernadette Romulo at ang kanyang dalawang anak na babae ay nabigyan ng ika-apat na pagpapaliban.
“The Assistant Minister has used his ministerial intervention power to grant a 12-month reprieve to Bernadette Romulo and her family," sinabi ng tagapagsalita ng Department of Home Affairs sa SBS Filipino.
"This will give Ms Romulo time to finalise other outstanding matters."
Ang ina na nakabase sa Brisbane ay dumating sa Australya 11 taon na ang nakakaraan, kasama ang kanyang dalawang anak at ang kanyang partner noon na may hawak na temorary working visa. Matapos maghiwalay ng magkapareha, nagkaroon siya ng anak, si Giro, sa sumunod niyang partner. Si Ms Romulo at ang ama ni Giro ay nagkahiwalay din, at siya ang naitalagang primary carer ng bata. Si Giro ay walong taong gulang na ngayon at isang mamamayang Australyano at hindi siya maaaring umalis ng Australia dahil sa custody rights ng kanyang ama.
Si Ms Romulo at ang kanyang mga anak ay nakatakdang mapaalis ng bansa noong ika-8 ng Mayo subalit naipagpaliban ito hanggang ika-14 ng Hunyo.
Si Ms Romulo ay nakipagpulong sa mga opisyal ng immigrasyon noong ika-14 ng Hunyo. Nabigyan sila ng final extension at sinabihan na umalis sa bansa sa ika-11 Hulyo, bago pa sila mapagkalooban ng ika-apat na reprieve na aabot ng isang taon.
Sa ilalim ng Migration Act, ang Ministro ay maaring makialam sa anumang oras. Nakasaad sa Section 402.8 ng alituntunin ng batas na: "Strong compassionate circumstances such that failure to recognise them would result in irreparable harm and continuing hardship to an Australian family unit or an Australian citizen.”