Pakinggang ang audio
Naantala ang pagpapatupad ng bagong Agriculture visa sa Australia.
Disyembre taong 2021 pa inasahang magdadala ng mga manggagawa sa sakahan ng bansa mula sa mga bansa sa Sourtheast Asia, pero hanggang ngayon wala ni isang bansa ang nagkompirma.
Kaya naging sanhi ito ngayon ng tensyon sa loob mismo ng gobyerno.
Ayon sa Cherry farmer na si Tom Eastlake, dahil sa pandemya apektado ang kanilang negosyo lalo’t hirap silang makakuha ng mga manggagawa mula sa ibang bansa at kahit mula sa kanilang mga lugar.
Highlights
- Foreign Minister Marise Payne nangakong pabilisan ang paggawa ng kasunduan sa Agriculture visa ng mga bansa sa ASEAN
- Inaalala ng mga bansa ng ASEAN ang proteksyon ng mga manggagawa, lalo na ang pagbibigay ng mababang sahod
- Secretary ng Australian Workers Union, Daniel Walton nakikipangpulong sa mga embahada ng Southeast Asian na kung maaari huwag makipagkasundo sa Agriculture visa ng bansa
"Ang hirap makahanap ng katulong sa pag-ani o pagtatanin ng aming mga produkto, dati kasi may lokal na residente pati mga international travellers andito pero ngayon wala kang mahahanap, kaya apektado ang aming negosyo."
Dagdag nito dahil kulang ang katulong sa pag-ani ng mga prutas at ibang produkto sa kanilang mga sakahan, karamihan sa kanilang produkto ay natatapon lang kaya apektado ng lubos ang sektor ng agrikultura.
"Hinahayaan na lang namin na 40 hanggang 50porsyento ng aming produkto ang mahulog sa lupa gaya ng prutas at malanta na lang dahil wala kang mahahanap na mag-ani, kaya hirap ang industriya ngayon."
Ayon sa gobyerno ang mga manggagawa ay mula sa sampung bansa na kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
Kabilang dito ang mga bansa na Thailand, Cambodia, Brunei, Myanmar, Philippines, Malaysia, Laos, Vietnam, Singapore, at Indonesia.
Sa kasalukuyan may apat na bansa na ang kanilang kinakausap para makatulong sa krisis ng manggagawa sa sektor ng agrikultura ng bansa.
At sa apat na yon, ang bansang Indonesia pa lang lumagda sa kasunduan, habang ang tatlo walang pang pinal na desisyon.
Ayon kay Agriculture Minister David Littleproud sa panayam nito sa SBS -ang pag-usad ng visa na ito na unang inanunsyo noon pang Hunyo taong 2021 ay nakasalalay kay Foreign Minister Marise Payne.
" Nakakapanghina ng loob dahil nung Oktubre pa sana ito ipapatupad kaso ang bilateral agreement hindi pa natapos ng Department of Foreign Affairs and Trade. Sana sa Enero o Pebrero tapos na at bigyan din ng pathway na PR para manatili sa bansa."
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs ang bilateral na kasunduan ng Indonesia at ng Australia ay umuusad na pero dapat magkasundo ang dalawang bansa sa nailahad na kasunduan.
Pero sabi ng mga embahada patuloy ang pakikipag-usap ng Australian government sa kanila pero wala pang pinal na desisyon .
Kumambyo naman si Foreign minister Marise Payne sa Senate Committee, minamadali na ng gobyerno ang kasunduan para matapos sa madaling panahon.
"Umuusad naman ang pakikipagkasundo natin sa Indonesia kailangan lang natin mabigyan ang mga manggagawa ng proteksyon, at umaasa akao ng matatapos naa ng proseso sa madaling panahon."
Base sa malayang kalakalan ng bansa, o free trade deal sa United Kingdom inaalis na ng Australia ang kautusan na dapat magtrabaho ng walumpu’t walo na araw sa mga sakahan silang mga Bristish backpackers para maaring manatili sa bansa ng dalawang taon.
Inamin din ni Littleproud nabagalan sila sa proseso ng programa at katiting lang sa kabuuang problema ng kakulangan ng manggagawa sa sakahan ang naipakita nito .
Kaya hinimok ng mga MP sa regional area na mdaliin ito at agarang solusyonan ang problema lalo’t eleksyon na naman, pero nauna ng nagbangayan ang partido ng National at Liberals dahil dito.
" Sana madaliin ng tapusin ng Department of Foreign Affairs and Trade ang kanilang trabaho para masimulan ng maipatupad ang bagong visa."
Isa sa mga inaalala ng mga naturang bansa na baka ma-abuso ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa. Patunay dito ang umano'y nangyaring pagbibigay ng mababang sahod sa mga Pacific Island workers na ayon sa kanila umabot lang sa $100 dollars ang sahod sa loob ng isang linggo.
Kaya ikinampanya ng Secretary ng Australian Workers Union na si Daniel Walton sa mga embahada ng mga bansang kasapi ng ASEAN na huwag makipagkasundo sa Agriculture visa program ng bansa.
" Nakikipagpulong ako sa karamihan ng mga embahada sa Southeast Asia at mga kaibigan natin sa Pacific Islands. Ipinaparating ko sa kanila na kung maaari magin maingat sa pakikipagkasundo.
Dahil may mga kasalukuyang kasunduan na pero marami ang naaabuso. May naiulat na nagtatrabaho ng 64 na oras sa isang linggo at ang sahod ay $100, hindi lang ito nangyayari sa mga Pacific Islanders, marami pa ang mga visa holders na nakakaranas ng ganito."