Key Points
- Nababahala ang Filipino-Australian na si Esperanza Welch sa kanyang kalusugan dahil kailangan niyang maghintay ng 2 buwan bago masuri ng kanyang doktor sa Warnambool, Victoria. Kabilang sa kanyang problemang kalusugan ay hika, mataas na kolesterol at nasa lahi din nila ang sakit sa puso at alta presyon.
- Halos mag-iisang taon ng nagbibigay ng serbisyong medikal si Dr Earl Pantillano sa mga Aboriginal at ibang Australians sa Cape York Peninsula at malalayong lugar sa Western Queensland bilang locum doctor.
- Ang locum doctor ang mga doktor na pumupuno o pansamantalang pumapalit sa mga kulang na healthcare professional sa mga malalayo at liblib na lugar sa Australia. Isa ito sa mga tugon ng gobyerno para mapunan ang kakulangan ng doktor sa bansa.
Umaabot sa dalawang buwan ang paghihintay ng isang Pinay sa Warrnambool para masuri ng kanyang doktor.
Dahil gustong humaba ang buhay para makapiling ang mga mahal sa buhay, siniguro ng 59-taong-gulang na si Esperanza Welch mula Warrnambool sa Victoria na humanap ng magaling na doktor o GP sa kanilang lugar.
Hindi naman ito nabigo, pero lumipat ito ng clinic dito na nagsimula ang kalbaryo ng disability support worker na si Esperanza.
Panganib kapag kulang ang doktor
Maselan ito sa pagpili ng doktor dahil sa kanyang kondisyon. Kasalukuyang may maintenance na gamot para sa hika at cholesterol. Nababahala kasi ito dahil nasa lahi nila ang sakit sa puso at alta-presyon.
“Mahirap talaga dahil kailangan ko ng reseta para makabili ng gamot sa hika. Kailangan ng blood test kada anim na buwan para sa aking cholesterol. Ang gusto ko makita ako agad ng doktor at may magagawa sila bago pa ako lumubha," kwento ni Esperanza.
Ang lugar ng Warnambool ay higit dalawang oras na byahe para makarating sa Geelong at halos apat na oras din papunta sa Melbourne kung saan naroon ang maraming espesyalistang doktor at malalaking ospital.
Aminado si Esperanza, mas komportable siya kung babae ang tumitinging doktor, kaya nagtitiis siya ngayon sa paghihintay sa kasalukuyang doktor lalo't nagustuhan nito ang paraan ng panggagamot sa kanya.

Ang pamilya ni Esperanza. Source: Esperanza Welch
Personal health remedy
Pero hindi pa rin nawawala ang pag-aalala nito lalo't may isyu ito sa kalusugan at nasa edad na ito. At para matulungan ang sarili sinusunod nito ang healthy lifestyle.
“Ang problema din kasi sa akin I tend to look for a female doktor. Kaya ngayon para healthy, nagsasayaw ako, kumakain ng tama at hindi masyadong kumakain ng karne.”
Hindi nag-iisa sa ganitong sitwasyon si Esperanza kung saan nakakaranas ng kakulangan sa doktor o GP sa kanilang lugar lalo na silang nasa tinatawag na ageing population o mga tumataas na ang edad at nakatira sa malalayong lugar sa Australia.
Ang karanasan ng pagiging locum doctor
Isa sa nakikitang solusyon ang mga locum doctors kung saan ang mga doktor mula sa mga malalaking syudad ay temporaryong pumapalit sa mga doktor sa mga malalayong lugar.
Isa hanggang dalawang linggo nananatili sa mga lugar na ito at binabalikan lang pagkatapos ng kanilang duty sa mga malalaking klinika sa syudad.
Isa na dito ang Filipino-Australian na si Dr Earl Pantillano mula Brisbane na kasalukuyang nagbibigay ng serbisyong medikal sa dalawang malalayong lugar sa Australia.
Una sa pinakahilagang bahagi ng Australia sa Cape York Peninsula na umaabot sa halos dalawang araw at kalahati ang byahe. At ang pangalawa ay sa Western Queensland na mahigit isang araw na byahe mula sa Brisbane. Kwento ni Dr Pantillano karamihan sa kanyang mga pasyente ay mga aboriginals.
Dagdag ni Dr Pantillano parang sinasariwa lang nito ang kanyang dating ginagawa noon nasa Pilipinas pa bilang 'Doctors to the Barrio', kung saan pumupunta sa mga malalayong lugar para maghatid ng medikal na serbisyo sa mga kababayan.
“First-world country na tayo pero majority ng mga doktor natin nasa mga syudad, so naisip ko katulad ng ginagawa ko sa Pilipinas, subukan kong pumunta sa malalayong lugar."
Sabi pa nito bilang isang locum doctor, dito napapatunayan ang kakayahan o galing ng isang doktor para suriin at gamutin ang isang pasyente.
Sa setup ng gamutan, sila na halos ang gumagawa ng lahat mula sa simpleng paglinis ng sugat hanggang sa pag-diagnose ng sakit ng mga pasyente.
"It’s a good challenge for us. Nagre-rely talaga kami sa clinical skills namin kapag ginagamot namin ang mga pasyente. At nakakatuwa yung expereince dahil na-appreciate ng mga pasyente ang mga ginagawa mo."
Dagdag nito, karamihan sa mga iniindang sakit ng mga Aboriginal at Torres Straight islander ay diabetes at alta presyon.
“They have more chronic heart illness, heart disease, pati common din sa kanila ang rheumatic heart fever yat trachoma.“
Kwento pa ng doktor base sa kanyang karanasan kahit nasa mga malalayong lugar ang mga pasyente, maswerte pa din ang mga ito dahil mas natutulungan sila ng gobyerong ma-access ang maraming serbisyo.
Solusyon sa kakulangan ng GP o doktor
Sa sitwasyong ito sabi ni Dr Pantillano hindi lang karagdagang doktor ang tugon sa hinaharap ng bansa may mga alternatibong magagawa pa ang gobyero.
“Hindi lang naman mga doktor, kasi like yong mga nurse practitioner pwede naman silang mag-treat ng sakit, mag training ng more Aboriginal health workers.
Kailangan ang manpower hindi lang naman mga doktor on the medical field aspect kasi nga may mga structures na naka-set up yong mag allied health saka yong extra na pagpunta ng mga tao dun para madevelop din sila para tumulong sa health system.”
Sa usaping insentibong inaalok ng gobyerno para sa mga doktor para lumipat at manilbihan sa mga malalayong lugar sabi ni Dr Pantillano.
"Mayroon akong nakita na incentive pero tingin ko hindi lang yung incentive ang dapat i-consider. Dahil nga mahirap ang buhay dun, kahit nadito tayo sa Australia I would not say it's easy na andun ka lang."
"Ang ginagawa ko, mayroon akong schedule na pupunta dun at babalik dito para hindi ako nasa-saturate ng practice dito ng practice dun. Hindi ko nararamdamang isolated ako kasi dalawa ang pinagpa-praktisan ko.
Sa ulat ng ABC, sa inilabas na pahayag ng gobyerno, isa sa nakikitang solusyon sa kakulangan ng GP at medical practitioners ay ang pagkuha ng mga doktor at health practitioners mula sa ibang bansa.
Inutusan na din nito ang mga kinauukulang tanggapan na bilisan ang ang proseso sa mga visa.
Nitong taong 2022 lang mula 160,000 tinaasan sa 195,000 ang bilang ng mga papapasukin manggagawa mula sa ibang bansa.
5,000 dito ay para sa health sector, 6,000 para sa mga infrastructure skills at halos 7,000 para sa sektor ng teknolohiya.
Sa karanasan ni Esperanza malaking tulong sa kanyang komunidad ang locum doctors pero hirit niya sana dagdagan din ang mga espesyalistang doktor para sa tulad niyang mas higit na nangangailangan dahil sa kanyang edad.
“Tingin ko, makakatulong talaga kung mag-import na sila ng mga doktor."