Halos apat na buwan mula nang manganak ang kanyang asawa sa kasagsagan ng lockdown sa Maynila, naisip ng dating misyonaryo mula Brisbane na pinakamabuti na dalhin na lamang niya sa Australia ang kanyang mag-ina lalo na't wala naman silang mga kamag-anak sa Maynila.
"Medyo mahirap din minsan kasi nakakabaliw, nasa loob lang kami palagi. Lalo na ngayon na nasa lockdown kami, walang pwedeng pumunta dito sa bahay. Wala kaming pwedeng mapuntahan, at mabisita," pagbabahagi ng unang pagkakataon na ama.
Mga highlight
- Maraming pamilya ang hindi magawang magkasama-sama, lalo na't magkakayo, dahil na rin sa mga restriksyon.
- Dahil sa isolasyon dulot ng mga limitasyon para maiwasan ang coronavirus, marami ang nakakaramdam ng pagkabalisa.
- Ang Australyanong Youtuber at bagong ama na si Dwaine Woolley ay labis ang nararamdamang pagkabalisa na walang mga kamag-anak na makabisita sa kanila ngayong sarado ang mga hangganan.
Noong una'y nagdesisyon si Dwaine Woolley at kanyang asawa na si Shanta Salburo-Woolley na sa Leyte muna dalhin ang kanilang anak na si Nitro.
Tubong-Leyte si Shanta at doon naninirahan ang kanyang pamilya.
Ngunit naisip ng mag-asawa, na higit na kilala sa social media bilang Dwanta (ang kanilang pinaghalong pangalan mula sa Dwaine at Shanta), na maging sa Leyte ay marami ding kaso ng coronavirus.
"Naisip namin na sa Leyte na lang kami. Pero nagbago ang isip namin kasi kahit sa Leyte, lockdown din. Kahit na lilipat kami sa Leyte, ganun pa din, may lockdown pa din. Walang masyadong freedom and I'm worried na if we move to Leyte, matagal pa kaming makakapunta sa Australia," kwento ng 30-taong gulang na ama.
Sanay si Dwaine Woolley sa malaki at masayang pamilya bilang panganay sa anim na magkakapatid.
"My family is really big. Marami akong kapatid, mga tito, tita, my grandparents and so I was worried na hindi nila makikita si Nitro habang baby pa siya. So we decided na sa Australia muna kami kasi my family is there at saka mas may freedom doon, so mas maging maganda ang paglaki ni baby Nitro doon sa Australia kaysa sa lockdown sa Leyte,"
Sa ngayon, inaasikaso na ng bagong ama ang mga kinakailangang dokumento ng kanyang anak at asawa para sa pagproseso ng kanilang pagpunta sa Australya.

First-time dad Dwaine Woolley taking his baby, Nitro, out for a walk just by their condominium complex. Source: Facebook/Dwaine Woolley
Umaasa ang aktor at mang-aawit na si Dwaine Woolley na bago matapos ang taon ay madala na sa Brisbane sa Queensland ang kanyang mag-ina, kung saan naroon ang kanyang buong angkan.
"Hopefully, sa November maayos na at maka-biyahe na kami papunta ng Queensland," lahad ni G. Woolley.
Bago ang pandemya, masayang namamalagi sa Maynila ang dating misyonaryo at musikero na naging aktor kasama ang kanyang misis na si Shanta Salburo upang doon bumuo ng kanilang pamilya.

Youtube star couple Dwaine Woolley and Shanta Marie Salburo-Woolley with their first-born baby, Nitro. Source: Facebook/Dwaine Woolley
Abala sa kanilang pagta-trabaho bilang isang event host at isang Youtuber na kamakailan ay ipinagdiwang ang kanilang mahigit 1-milyon na subscribers.
Ngunit sa gitna ng pandemya at pagiging malayo sa mga kamag-anak, matinding pagtitimbang ng kanilang sitwasyon ang kanilang ginawa.
At para sa dating You're My Foreignoy finalist ng GMA-7 Network at drummer ng Australian band na Mayan Fox, pangunahin niyang isipin na mailagay sa mabuti ang kanyang munting pamilya at maayos na mapalaki ang kanilang sanggol sa isang malusog, ligtas at mas malayang kapaligiran.

"I want my baby to grow seeing other family members and I have a big family in Queensland". Source: Facebook/Dwaine Woolley
Batid din niya na hindi madali ang kanilang pagdadaanan para makalipad patungong Australia, ngunit bilang isang unang pagkakataong ama, gagawin niya ang lahat, tulad na lamang ng ginawa ng kanyang tatay para sa kanya, upang matiyak ang ligtas at maayos na pamumuhay para sa kanyang sanggol na anak.
BASAHIN DIN/PAKINGGAN