Key Points
- Unang tututukan ng mga volunteers ang mga lokal na komunidad sa Manila at Camarines Sur.
- Ayon kay Dr. Moya Collett, Deputy Head of Mission ng Australian Embassy, matagal nang nagpapadala ang Australia ng volunteers sa Pilipinas.
- Aniya, hanggang sa taong 2000, nasa walongdaang Australian volunteers ang nagtungo sa Pilipinas.
Kabilang sa mga bagong dating na volunteers si Peng-Sim Eng na nag-volunteer sa Center For Excellence in Special Education Foundation Incorporated na kilala rin bilang Stepping Stone Foundation.
Magsisilbi siyang Behavioral Management Coach na magtuturo sa mga Filipino teachers kung paano mag-develop ng mga plano para sa mga batang may special needs.
Volunteer din si Judith Berghan na magbabahagi ng kanyang kaalaman sa NGO na Development Action for Women Network para sa mga returning migrant workers, partikular sa mga babae at kabataan.
Sustainable livelihood officer naman para sa lokal na gobyerno ng Canaman, Camarines Sur si Lydia Jovero, na pinanganak sa Pilipinas at tatlong beses nang bumalik sa Canaman para tumulong sa pagsasagawa ng mga sustainability projects duon.
Magkatuwang sa adhikaing ito ang Australian Embassy, Australian Volunteers Program at ang Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency.
Buong pusong nagpasalamat sa Australian volunteers ang gobyerno ng Pilipinas na kinatawan ni National Economic Development Authority Assistant Secretary Greg Pineda.
Sinabi ni Pineda na sa pamamagitan ng volunteerism, yayabong ang cultural sensitivity at understanding ng Philippine organizations.