Highlights
- Sa Australia nakatagpo ng katuwang sa buhay si Myrna Punay, isang caregiver
- Dahil sa hindi inaasahang pagkabulag ni Myrna, nagpatong-patong ang gastusin nilang mag-asawa
- Sa pamamagitan ng isang concert, nagsama-sama ang komunidad Filipino sa Sydney upang makatulong sa mga kababayang nangangailangan tulad ni Myrna
Pag-ibig ang nagdala sa 61-taong-gulang na si Myrna Punay sa Australia. Hindi nya akalain na sa kanyang edad ay makakahanap siya ng katuwang sa buhay sa pamamagitan ng online dating noong 2018.
Kwento ni Myrna, “Yung katrabaho ko sa opisina, siya yung naglagay ng pangalan ko sa online site. At that time naman, si Mr Leslie, biyudo sya, six years ago, yung anak naman nya ang naglagay sa kanya sa site na yan.”
Makalipas ang ilang buwan, inimbitahan sya ng nakilalang si Reymond Leslie, isang 76-year-old na Aboriginal Elder, para bumisita sa Australia.
Sa maikling panahon ay napalagay ang loob nila sa isa’t isa.
Dating caregiver sa Taiwan si Myrna. Mag-isa niyang itinaguyod ang apat na anak matapos makipaghiwalay sa asawa noong 2003.

Myrna Punay with her husband Reymon Leslie Source: Supplied by Myrna Punay
Sa patuloy na pagpupursige, napagtapos niya ang apat na anak sa Pilipinas. Nakahanap siya ng trabaho bilang branch manager ng isang recruitment firm sa Dumaguete.
Pero nagdesisyon siyang iwan ang lahat para bumalik sa Australia at alagaan si Ginoong Leslie.
“Bumalik ako noong July 2019, yung letter na binigay namin sa immigration, may medical certificate galing sa doctor niya. Marami siyang health problems eh, hip at shoulder replacement at knee at arm operation. Kailangan talaga niya ng kasama dito.”
Hindi inaasahang pagkabulag
Hindi marangya pero masaya sa bagong buhay si Myrna at Rey.
Hanggang noong Setyembre 2020, isang insidente ang bumago ng lahat.
“Habang nagdidilig ako ng halaman, naghilamos ako ng tubig sa hose tapos nangati ang mata ko. Sobrang kati kaya nilagyan ko ng eye drops. Akala ko masakit lang sa mata tapos kinabukasan blurry na ang paningin ko. Hindi ko na makita yung sarili ko sa salamin.”
Takot ang unang naramdaman ni Myrna sa di maipaliwanag na pagkawala ng kanyang paningin. Dahil naka- tourist visa, wala siyang Medicare o health insurance na magagamit sa pagpapagamot at hindi rin sapat ang inaasahang pensyon ni Rey para sa kanilang gastusin.
Sa halip na maging tagapag-alaga, siya ngayon ang inaalalayan ni Rey sa kanilang tahanan. Dahil sa pagkabalisa, kakulangan ng perang pambayad sa pagpapagamot at takot, halos nawalan na ng pag-asa si Myrna para mabuhay.
Liwanag ng pag-asa
Hanggang isang kapitbahay ang nag-alok sa kanya na pumunta sa isang simbahan. Dito siya nagkaroon ng mga bagong kakilala at kaibigan tulad ni Pastor Rudy at Marion Tan ng FCF Life Centre.
Sa udyok ng mga kasama sa simbahan, naglakas loob si Myrna at Rey na pumunta sa ospital. Pero nang singilin ng $350 para sa konsultasyon, napaatras ito. Mabuti na lang at isang nurse ang nag-abiso sa kanila na magbaka-sakali sa emergency ward.
“Sinabi ko sa kanila yung sitwasyon ko. Anim na oras kaming naghintay hanggang macontact nila si Dr Andrew White.”
Dahil sa pagmamagandang loob ng ilang doctor sa Westmead Hospital sa pangunguna ni Dr Andrew White, libreng operasyon sa isang mata ang kanilang ginawa para kay Myrna.
Matagumpay ang unang operasyon. Pero kailangan pa rin ni Myrna na makalikom ng pondo para maipagamot ang kaliwang mata na aabot ng $5000-$7000.
Sa pagtutulong-tulong ng komunidad, mga kaibigan at mga donors, nakalikom ng $3,200 sa kanyang Go Fund Me account si Myrna.
Pagtutulungan ng komunidad Filipino
Sa pagkakataong ito, nakilala naman nya ang ilang mga leader ng Filipino communities. Isa si Violi Calvert sa nag-alok ng tulong para maisama sya sa mga benepisyaryo ng isang Concert for a cause.
Bahagi ng Selfless Love Concert na ginanap noong March 28, 2021 ang mga Filipino-Australian singers na sina Samantha & Sean Aguala, Prody & Shirley Bartolome, Christopher Booth, Juliana Carvajal, Micah Gabriel, Criz Guce, Jhoanna Marie Guines, Porsha Pepic.
Napuno ng mga awiting nagbibigay pag-asa ang FCF Life Centre sa Minchinbury.

Source: Supplied
Ang kinita mula sa concert ay hinati naman sa kanya at mga benepisyarong international students at mga kababayang nangangailanagn ng tulong.
“Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng bumuo ng concert at kina Pastor Tan dahil pumayag sila na gawin sa church.
“Kung naging hopeless man ako before dahil hindi ko nakilala ang mga tao sa church. Nabigyan ako ng lakas ng loob na maghanap ng paraan at nakakilala ako ng mga taong handang tumulong sa akin.”
Marami mang pagsubok na pinagdaanan, marami ding natutunan si Myrna sa kanyang karanasan.

Source: Supplied
Naging patunay din ang kanyang kwento sa hindi nawawalang bayanihan ng mga Pilipino sa oras ng pangangailangan.




