Ngayong bukas na ang Cebu province sa tourism activities, nilinaw ni Governor Gwen Garcia na hindi ito nangangahulugan na maari nang maglabas-pasok ang mga turista sa probinsya anumang oras.
Sa Executive Order 20-A na inilabas nitong July 23, nakasaad na kailangang magresigter sa online portal ng Cebu province ang sinumang gustong pumasok ng probinsya.
Layon daw nito na malimitahan ang mga turista at malaman ang kanilang mga destinasyon.
Ang lahat ng kailangang bayaran ay maaring gawin online o sa pamamagitan ng remittance centers.
At oras na magtagumpay ang online registration ay iisyuhan ng radio frequency identification o RFID ang isang turista. Ang RFID ay dapat raw suotin sa buong biyahe niya sa cebu province.
Kailangan rin daw sundin ang lahat ng health protocols gaya na lamang ng mandatory wearing of facemasks, physical distancing at 50% operating capacity ng mga establisyamento.
Ang Boracay naman ay naghahanda na rin sa posibleng pagbubukas ng turismo sa kanilang area.
Kilala ang Boracay bilang isa sa pinakasikat na tourist destination dito sa pilipinas.
Nag-install na ng mga thermal scanners at health screening facilities ang LGU sa mga entry points ng isla.
Drive-thru at walk-thru COVID-19 testing
Sa ibang balita, operational na ang drive thru at walk thru covid 19 testing para sa mga gustong sumailalim sa swab testing sa Vicente Sotto Memorial Medical Center dito pa rin sa Cebu City
ito ang pinaka unang mass testing sa labas ng Metro Manila.
Ngunit bago maka-avail sa nasabing serbisyo ay kailangan munang magpasa ng online application sa facebook page ng vsmmc para makakuha ng appointment.
Apat na araw ang kailangang hintayin bago matanggap ang resulta ng swab test sa pamamagitan ng email.
Sa ngayon, ay nasa modified enhanced community quarantine ang cebu city... Anim na area naman sa limang barangay sa syudad ang isinailalim sa lockdown dahil sa patuloy na pag akyat ng bilang ng covid 19 sa kanilang komunidad.
Maalalang itinaas sa enhanced community quarantine ang cebu city dahil sa mabilis na pagdami ng covid 19 positive cases.
Sa state of the city address naman ni cebu city mayor edgardo labella, sinabi niya na sa gitna ng pakikipaglaban sa covid 19 pandemic ay bumubuo na sila ng mga programa para sa mga nawalan ng trabaho.
Ilan dito ay ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga maliliit na negosyante at libreng training para sa mga gustong magnegosyo.
Ayon kay Labella, prayoridad nila ngayon ang makapag-generate ng trabaho sa mga cebuanos.
Tututukan rin daw ng LGU ang mga programa sa barangay at digitalization ng City Hall services.