Highlights
- Australian National University Infectious Diseases Physician Professor Sanjaya Senanayake nagsabing mas madaling nakamamatay ang dalang komplikasyon ng Covid-19 kaysa epekto ng bakuna
- Sa report ng Australia Health Department sa 100,000 Australians na may edad 18-29 anyos na bakunado ng AstraZeneca, 2 lang ang nai-ulat na nagka-blood clot.
- Lumalabas sa pag-aaral na 1 sa 1 milyong nabakunahan ng AstraZeneca na may edad 18- 29, ang namatay dahil sa pamumuo ng dugo.
Hindi na mapigilan ang pagkalat ng mga selfie at groupie o wefie photos sa social media habang nagpapabakuna laban sa Coronavirus lalo na ngayong pumapalo ang bilang ng kaso dahil sa Delta variant. Sa Australia punoan na din ang mga vaccination hubs, at kaliwat kanan na din ang mga clinic at botika na nagbibigay ng bakuna. Pero di pa rin nawawala ang ayaw magpabakuna dahil sa maling paniniwala o maling impormasyon na kanilang nakukuha. Kaya isa-isang pinasagot ng SBS ang mga pangkaraniwang vaccine myths o maling paniniwala sa mga eksperto.
Unang pinasagot ang paniniwalaang, “ Mas nakamamatay ang pagpapabakuna kaysa virus.”
Ayon kay Australian National University Infectious Diseases Physician Professor Sanjaya Senanayake isa itong maling paniniwala.
"Mas daling mamamatay ang isang tao dahil sa komplikasyon na dala ng Covid-19 kaysa bakuna, paliwanag ni Senanayake.
Dagdag pa nito, dahil sa Delta variant na virus, pumapalo sa tag-isang daan o kaya ay higit pa ang kaso ng tinatamaan ng virus kada araw sa Australia. Kaya dapat may pananggalang ang mga residente sa dala na peligro ng virus. Ang sabi ni Bond University Medical Professor, at practising GP, na si Dr Natasha Yates, kadalasan nakukuha ang maling paniniwala sa nagkalat na maling impormasyon sa social media .
"Marami akong mga pasyente nagsasabing nabasa at napanood nila sa social media. At karamihan doon hindi factual puro haka-haka lang," dagdag ni Dr. Yates.
Pangalawanng pinaniniwalaan, "Tatamaan ka din ng Coronavirus kahit nabakunahan na.”
Bagay na sinang-ayunan ni Professor Senanayake. Dahil ayon sa kanya, pwede pa ding mahawaan ng virus ang sinumang bakunado pero mas maliit ang chansang magiging malala ang kalagayan dahil bakunado na ito.
" kapag bakunado ka na ng Pfizer o AstraZeneca , 90 % protektado ka. Epektibo ang mga ito para hindi maging malala kung tamaan ng virus," saad nito.
Pero hindi lang pala sarili ang napo-proteksyonan kapag nagpabakuna, dahil kasama sa iyong naproteksyonan ang buong komunidad sabi ni Dr. Yates.
"Hindi lang protektado ng virus ang mga nabakunahan, nababawasan din ang transmission ng virus sa iba," sabi ni Yates.
Ang angatlong pinaniniwalaan "Hindi ligtas na gamot na AstraZeneca para sa may edad 50 pababa "
Sabi ng mga eksperto, ang gamot na AstraZeneca ay ligtas para sa lahat. May mga side effects lang pagkatapos ng bakuna, gaya ng pananakit ng braso, sakit sa ulo pero bihira lang ang kaso ng blood clots o pamumuo ng dugo ang nai-ulat.
Sa inilabas ng datos ng mga eksperto , sa 100,000 na Australians na may edad 18 hanggang 29 na nabakunahan ng AstraZeneca, 2 lang ang nai-ulat na nagka-blood clot.
At sa mga kasong iyon, 95 percent ay hindi ito nakamamatay.
Lumalabas din sa pag-aaral na 1 lang sa 1 milyong nabakunahan ng AstraZeneca na may edad 18- 29, ang namatay dahil sa pamumuo ng dugo. Ibig sabihin mas malaki pa ang chansa ng isang tao na mamatay sa aksidente o tamaan ng kidlat kaysa bakuna.
" Para maintindihan nang buo, dapat makipag-usap sa kanilang doktor o GP bago magpabakuna," payo ng Professor.
Pang-apat na pinaniniwalaan “ Hindi gagana ang bakuna, kailangan pa ng boosters."
Bagama’t nakaplano na ang mga bansang kagaya ng Germany at France na gawin ang booter shots sa kanilang mga residente, hindi nangangahulugan na hindi epektibo ang kasalukuyang doses ng bakuna na itinurok laban sa Coronavirus. Bagkus, sabi ni Dr. Yates ang booster shots ay tumutulong para mapanatili ang immunity ng isang tao laban sa virus sa mas mahabang panahon.
"May mga bakuna na dapat may booster, pero hindi ito nangangahulugan na hindi mabisa ang naiturok na gamot. Ginagawa ang booster shots, para mapanatili ang immunity ng katawan sa virus."
Sa ngayon patuloy pa ang pag-aaral ng mga scientists o dalubhasa para malaman kung hanggang kailan ang immunity ng isang tao na nabakunahan, para sa booster shots. Dagdag naman ni Dr Yates, ang booster shots o extra dose ay magiging panangga o dagdag proteksyon kung may bagong strain na kumalat.
" Isa sa mga concern natin sa virus ay nagbabago o nagmutate sila, mula sa Alpha ngayon may Delta variant at buti na lang mga bakunang gamot natin mabisa dun sa variants na iyon. Paano kung may bagong variant, kaya ang booster shots ay makakatulong panangga dun," pahabol na abiso doktor.
Kaya umaasa ang mga eksperto na sanay ang bawat residente dito sa bansa ay hindi magiging biktima ng mapanganib na Coronavirus, at ang natatanging depensa sa ngayon ay ang pagpapabakuna.