Nagkaroon ng magandang panimula ang Russia sa kanilang unang laban sa World Cup.
Sa score na five-nil, tinambakan ng Russia ang Saudi Arabia sa kanilang laban sa Moscow.
“Ang game ay naging pabor sa Russia. Dahil sila ang host nation, maganda ang pinakita ng Russia. Maganda ang laro sa first half,”panimula ng ating Pinoy football analyst, Elmer Bedia.
Nakuha ni Iury Gazinsky ang opening goal ng torneo sa ika-12 minuto ng laro, na siyang naging magandang panimula ng laban.
Ang substitute na si Denis Cherysehev ay nakakuha ng puntos sa ika-43ng minuto ng laro, at nagtala ng iskor na two-nil sa half time.
Walang gaanong naging kaganapan pagkatapos ng break, subalit naging maganda ang pagtatapos ng Russia at nakuha nilang makakuha ng tatlo pang goal sa huling dalawpung minuto ng laro.
Nakuha ni Cheryshev ang ikalawang goal, at nakakuha din ng isang goal ang substitute na striker na si Artem Dzuyba.
“Sa 87 minutes medyo nagkagulo. May yellow card from No. 17 Saudi player and No. 11 from Russia. Then sa 90 minutes, naka-score sila ng pang-apat na goal.”
Ang batang manlalaro na si Alexsandr Golovin ay nakapuntos ng isang kamangha-manghang free-kick sa stoppage time, para sa magandang pagtatapos ng laban.
Ang susunod na laro ng Russia ay nakatakda sa ika-20 ng hunyo, laban sa Egypt.
Ang Saudis naman ay maglalaro laban sa Uruguay sa ika-21 ng Hunyo.