Panaderya na pagmamay-ari ng Pilipino sa Doonside, nailigtas sa kawalang-trabaho ang ilang estudyante habang kanilang benta'y dumoble

Mix N Match Bakehouse Doonside

Greg Barreda (L-R), Cyrelle Trigo and Hannah Trigo of Mix N Match Bakehouse in Doonside in western Sydney. Source: Supplied

Kung maraming negosyo ang hirap na makapagpatuloy at makabawi sa kanilang kita, labis naman ang pasalamat ng isang panaderya sa Doonside, sa kanlurang Sydney na sila'y makatulong at mapanatili sa trabaho ang kanilang mga tauhan nang dumoble ang kanilang benta sa kabila ng mga paghihigpit kaugnay ng COVID-19.


Nakita ng Mix N Match Bakehouse na halos dumoble ang kanilang benta sa panahon ng pandemya.

"Tumaas significantly ‘yung sales namin, mga 80 to 100 percent increase mula sa dati naming sales bago nitong pandemic,” paglalahad ng isa sa kasosyo na si Greg Barreda.

 


Mga highlight

  • Nasaksihan ng Mix N Match Bakehouse sa Doonside ang 80-100 % na pagtaas sa kanilang benta sa kabila ng mga naging paghihigpit kaugnay ng pandemya na nagsimula noong Marso.
  • Dahil tuloy ang kanilang negosyo, nakatulong sila sa kanilang mga tauhan na makapanatili sa kanilang trabaho.
  • Umaasa sa magandang takbo ng kanilang negosyo, isa pang branch ang kanilang bubuksan nitong Agosto na hangad nilang makapagbigay pa ng dagdag na trabaho sa ilang mga kababayan.
Napansin ng mga may-ari ng Bakehouse ang pataas na demand sa kanilang produkto simula pa lamang ng Marso at lalo pa itong tumaas noong Mayo at maging hanggang sa mga araw na ito.

Tuloy ang pagmamasa sa gitna ng pandemya

Patuloy na bukas ang panaderya nila G. Barreda kahit pa nga nang mga panahon na umiiral ang mga lockdown sa NSW na tumagal din ng mahigit tatlong buwan.

Buwan ng Marso ng sinimulang ipatupad ng New South Wales ang mga paghihigpit sa coronavirus na naging dahilan ng pansamantalang pagsasara ng ilang negosyo o kaya'y sapilitang magbawas kanilang operasyon,
Breads and cakes
Best sellers. Malunggay pandesal, ube cheese pandesal, yema cake and ube makapuno cake (clockwise) Source: Mix N Match Bakehouse
"Natakot din kami kasi nga sa mga ipinatupad na restrictions mula stage 1 hanggang stage 3, ang kinakatakot namin ay kung umabot ng stage 4 dahil doon talagang sarado lahat at pharmacy lang at supermarket ang puwedeng magbukas," pag-amin ni Greg Barreda na isa ring accountant.

Ngunit dahil sa hindi kinailangang magsara ng Mix N Match Bakehouse, napanatili nila ang trabaho ng kanilang mga tauhan na karamihan ay mga international student.
Masaya din kami kasi kahit papaano nakatulong kami sa mga kasamahan namin sa shop. Nakapag-trabaho pa rin sila sa amin. Karamihan kasi ng mga kasamahan namin sa bakery ay mga international students kaya masaya rin kami kasi sila hindi masyadong naapektuhan ng current sitwasyon natin.
Hindi rin humingi ng suportang tulong mula sa gobyerno ang panaderya dahil nga sa tumaas naman ang kanilang benta.

"Noong sinimulan ng government 'yung mga pagbibigay ng tulong tulad ng Jobkeeper, sa mga negosyo, hindi kami nag-avail kasi sabi namin okay naman kami, kaya hindi kami nag-apply dahil nga hindi naman bumaba ang sales namin," pahayag ni G. Barreda.

Pagbibitiw sa propesyon para tutukan ang panaderya

Sa ganda na rin ng takbo ng negosyo, noong huling bahagi ng Mayo ay nagdesisyon si Greg Barreda na magbitiw na sa kanyang regular na trabaho bilang isang accountant para ganap na matutukan ang bakery.

"Kasabay na rin ng magandang kalagayan ng negosyo, bago pa man itong pandemic, pinag-iisipan ko na rin talagang magbitiw bilang accountant dahil sobra na 'yung trabaho ko at isinasabay ko pa itong bakery," kwento ni G. Barreda.

Pinag-isipan din namang mabuti ng dating accountant ang kanyang pasya at sabi nga niya, "grabe na din kasi 'yung stress ko noon, full-time akong accountant tapos pagtapos pa ng trabaho ko sa weekend eh nasa bakeshop ako, wala talaga akong pahinga noon. Sabi ko nga, sana dati ko pang ginawa na magbitiw at dito na ako sa Bakehouse tumutok."
Mix N Match Bakehouse Doonside
Showcasing their products at last year's Fiesta Kultura in Fairfield, NSW. Source: Mix

'Business with a heart': Kinabukasan ng panaderya at pagtulong sa iba

Apat na taon na ang Mix N Match, at sa panahong ito sinisiguro ng mga may-ari ng panaderya na ang bawat tao na makakasama nila sa kanilang pagta-trabaho ay itinuturing nilang kapamilya.
Laging babalik ka sa kung ano ba talaga ang purpose mo bakit ka nag-business. Oo, basically ang purpose natin na mag-business ay para kumita, pero along the way, ‘pag kumita ka kasi nalalaman mo na may natulungan ka pala directly or indirectly.
Sa simula pa lamang ng kanilang pagnenegosyo, malawak na talaga ang hangad ng magpipinsan na sina Hannah Trigo, Cyrelle at Greg Barreda na madala sa iba't ibang bahagi ng Australya ang kanilang mga produkto.

"Kaya nagbitiw na ako kasi ang plano talaga naming ay magtatayo kami ng iba pang branch para in a way makakapag-generate kami, kahit konti lang, ng employment para at least makatulong din kami not only sa mga tao kundi sa society itself," ani G. Barreda.

Sa layunin nga na mapalawig pa ang kanilang negosyo upang makapagbigay din ng kaunting trabaho para sa iba, "magbubukas na rin kasi ang isa pa naming branch sa Rooty Hill kaya naisip ko na ito na 'yung tamang panahon para mag-concentrate na sa bakery."

"Itong pagbe-bakery for life na ito eh. Long term ang vision namin dito na sana masakop din namin ang buong Sydney and later on Melbourne at maging Australia-wide kasi along the way may matutulungan ka at may tutulong din sa amin. Ibabalik din namin ito sa mga taong tumulong sa amin at nangangailangan ng tulong," pagtatapos ng dating accountant at ngayo'y full-time bakehouse co-owner.

BASAHIN DIN / PAKINGGAN



Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand
Panaderya na pagmamay-ari ng Pilipino sa Doonside, nailigtas sa kawalang-trabaho ang ilang estudyante habang kanilang benta'y dumoble | SBS Filipino