Highlights
- Mga nagawa ng Pangulong Duterte, sentro ng SONA 2021
- Iligal na droga sa Pilipinas, malaking problema pa din ng bansa
- Paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, naudlot dahil sa pandemya
Laman ng huli at ika-anim na State of the Nation Address o SONA ng Pangulo ang kanyang mga nagawa sa nagdaang limang taon sa termino.
Kabilang dito ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Universal Health Care Law, Malasakit Centers Act at Free Irrigation Act.
War on drugs
Aminado naman ang Pangulo na nananatiling problema ng bansa ang iligal na droga. Ayon sa Pangulo, inakala niya na magiging madali ang laban sa iligal na droga.
Sa kabila nito, ipinagmalaki ng Pangulo na nalansag niya ang mga heneral ng pulisya na nasa likod ng paggawa at pagpapakalat ng iligal na droga.
Bilyong pisong halaga rin aniya ng iligal droga ang nasamsam ng mga otoridad at libu-libong drug suspect ang naaresto. Ang problema raw ngayon ng bansa ay ang importasyon ng iligal na droga.
Katiwalian sa gobyerno
Bukod sa droga, sinabi ng Pangulong Duterte sa kanyang SONA na mahirap ding alisin ang katiwalian sa gobyerno.
Sinabi ng Pangulo na para mapigilan ang katiwalian, kailangang magdeklara ng martial law at sibakin ang lahat ng nasa pwesto.
Sa kanyang SONA sinabi rin ng Pangulong Duterte na ginawang prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapalakas sa kakayahan ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police.
Aniya, sa pamamagitan nito, mapapalakas ang defense capability ng bansa, mas mapo-protektahan ang ating teritoryo at soberenya laban sa mga banta.
Pinamamadali rin ng Pangulo ang rehabilitasyon ng Marawi City sa Lanao Del Sur na pinadapa ng mga terorista nuong 2017.
Health at social issues
Inihayag ng Pangulong Duterte ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa pagharap sa COVID-19 pandemic.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga laboratoryo na nagsasagawa ng COVID-19 tests, at ng treatment at monitoring centers, gayundin ng mega quarantine facilities.
Iniulat ng Pangulo na nasa 30 milyong doses ng bakuna laban sa covid ang natanggap na ng Pilipinas.
Bilang tulong naman sa mga naapektuhan ang kabuhayan ng pandemya, sinabi ng pangulo na ipinasa ang pondong Bayanihan One at Bayanihan Two.
Nagpasalamat din ang Pangulong Duterte sa mga health workers at sa iba pang frontliners sa laban ng bansa sa COVID-19.
Nagpasalamat din siya sa pribadong sektor; pinapurihan ang mga lokal na opisyal at binanggit ang tulong na ipinagkaloob ng international development partners ng bansa, sa laban sa COVID-19.
Aminado ang Pangulo na naudlot ng COVID-19 pandemic ang patuloy na paglago ng ekonomiya. Bago raw ang pandemya, kabilang ang Pilipinas sa “fastest growing economy” sa mundo.
Ipinagmalaki naman ng Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang mga infrastructure projects ng kanyang gobyerno, kasama na ang pagpapabuti sa sistema ng pampublikong transportasyon gaya ng MRT 3, LRT-2 East Extension Project at ang bagong passenger terminal sa Clark International Airport.
Mas mabilis na rin umano ang mga transaksyon sa gobyerno sa tulong ng ipinasang “Ease of Doing Business Act.”
At lalo pa raw mapapabilis ang mga transaksyon ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng pPhilippine identification system.
Agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea
Sinabi ng Pangulo na ipaglalaban ng Pilipinas kung ano ang nararapat para sa mga Pilipino. Iginiit din umano ng Pilipinas ang panalo nito sa Arbitral Tribunal laban sa China hinggil sa West Philippine Sea.
Sa kabila nito, aminado ang Pangulo na labas sa kanyang kapangyarihan ang pagpapatupad ng naturang ruling.
At bago tinapos ng Pangulong Duterte ang kanyang sona, nanawagan siya sa kongreso na ipasa ang mga panukalang batas para sa ikabubuti ng mga Pilipino.
Kabilang dito ang paglikha ng departamento para sa mga OFW, gayundin ang paglikha ng Center for Disease Prevention and Control, at ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines.
Isinulong din ng Pangulo ang paglikha ng Department of Disaster Resilience.