Highlights
- Ayon sa website ng Services Australia, ang Disability Support Pension ay tulong pinansyal sa mga may permanenteng pisikal, intetelektwal o psychiatric na kondisyon na maaring pumipigil sa indibidwal na magtrabaho.
- Para makatanggap nito, kailangan pumasa sa mga panuntunan na medikal at hindi medikal. Ito ay depende sa bawat kaso o sitwasyon at may assesment na pagdadaanan.
- Bagaman nakakatangap ng nasabing pension, nagtrabaho bilang part time si ‘Dudz’ sa ilang factory bagong naging resident artist, art teacher at library helper sa ilang eskwelahan.
Pakinggan ang audio:
“Nakikita ko yung iba na mga taong malalakas pa, mas malakas pa sa akin, palaboy-laboy nanghihingi ng coins so why me, bakit ako na-try ko even with my disability, sabi ko faith lang and trust to yourself”
Hindi naging hadlang kay Ponciano Aguilar o mas kilalang ‘Dudz’ mula sa Melbourne ang kanyang kapansanan upang makapunta sa Australia, magtrabaho, maging isang artist at mamuhay ng masaya.
Tatlong taong gulang si Dudz ng magkasakit ng polio. Sabi ng kanyang magulang, mata lamang ang kanyang naigagalaw noon na tila lantang gulay pero unti unti itong sumigla sa mga sumunod na taon.

Visual Artist Ponciano 'Dudz' Aguilar Source: Ponciano Aguilar
Nagtapos siya kursong Fine Arts Major in Painting sa University of Santo Tomas sa Maynila. Nagtrabaho sa art gallery ng pamilya at sa iba’t ibang kumpanya bago nagdesisyon na sumunod sa mga kapatid at ina sa Australya.
Dito na niya sinubukang mag-apply sa pamamagitan ng Skilled Visa Points system at masusi ang assessment maging sa kanyang kalusugan lalo’t naideklara na siya ay may kapansanan.
Pumasa si Dudz at 1994 siya nakatuntong sa Australia kung saan namangha siya sa mga benepisyo sa mga person with disability.
Nakikita ko ang iba na mas malala pa sakin, ako kasi nakakatayo na sa Pilipinas pa lamang.
Kwento pa ni Dudz, "Nagtanong ako sa Centrelink kung pwede maghanap ng trabaho at sabi sakin na yes. Binigyan kami ng 36 hours, naging law ngayon yun na huwag ka lalagpas sa 36 hours kundi magkakaproblema ka sa Disability pension mo."
Isa si Dudz sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya matapos na magbawas ng empleyado sa eskwelahan na kanyang pinapasukan.
Kinuha siya ng Australian-Filipino Community Service na maging art teacher sa mga senior citizen bilang art theraphy.

Ponciano Aguilar teaching art classes Source: Ponciano Aguilar
Masaya siya at nabigyan siya muli ng pagkakataon hindi lang magturo kundi maging inspirasyon sa kanyang mga estudyanteng nakakatanda.
Kamakailan lamang ay kasama ang kanyang mga artwork sa naganap na Serbisyo, Sining at Kwento na exhibisyon ng grupo sa Immigration Musuem.

Ponciano Aguilar artworks exhibited at the Immigration Museum in Melbourne Source: Australian-Filipino Community Services
Ilan sa mga tampok niyang artwork ay mga simbolo ng pagka-Pilipino.
May mga pagkakataong hindi naging madali ang buhay para kay Ponciano 'Dudz' Aguilar pero gaya ng kanyang pagpipinta… nilagyan niya ito ng iba’t ibang kulay hanggang maging isang obra maestra.

Ponciano Aguilar artworks Source: Ponciano Aguilar