Key Points
- Bukod sa paparating na holidays na siyang tinuturing na peak season ay dalawa pa sa dahilan ng delay sa shipping ang covid-19 pandemic at mga bagyo ayon kay Lowella McAllister na business operator ng mga balikbayan box.
- Maliban sa pagkaantala ay isa ring pinangangambahan ng ilang Pinoy na mga nagpapadala ang pagkawala ng kanilang mga bagahe.
- Nagbigay naman ng payo si Lowella kung paano maiwasan ang pagkawala o pagkasira ng laman ng box.
Mga tsokolate, sapatos, damit, spam, Sabon at mga laruan.
Kasabay ng pagdami ng mga Pinoy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa ay ang pag-usbong ng pagpapadala ng balikbayan box na naglalaman ng mga iba’t ibang klaseng produkto na kung ilarawan ng mga Pinoy ay “imported”.
Para kay Jennie Obra Tutaan ng Brisbane, ang pagpapadala ng balikbayan box ay sumisimbulo ng koneksyon sa kaniyang mga kamag-anak kahit malayo sila sa isa’t isa.
"Excited din sila, laging nagtatanong kung kailan ba darating. Tapos ang masaya pa na isa ay yung magvideo call kami pag magbubukas na sila ng box," pahayag ni Jennie.

Balikbayan box sender Jennie Obra-Tutaan
Mula noon ay kasama na sa kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang salitang balikbayan, pinaikling salita para tukuyin ang mga Overseas Filipino Workers na nagbabalik sa kanilang bayang sinilangan.
Kasama rin sa natatanging kultura sa Pilipinas ang mahaba at makulay na selebrasyon ng Pasko.
Para sa mga Pilipino, ang kapaskuhan ay panahon ng pagbibigayan. Kaya naman kahit malayo sa mga mahal sa buhay ay gumagawa pa rin ng paraan ang mga Pilipino dito sa Australia na maipaabot ang kanilang mga aginaldo sa Pilipinas sa pamamagitan ng balikbayan box.

Balikbayan box sender Jen Sunga
Kwento ni Jen, "Iba yung sayang dulot niya, ganun din pakiramdam ko noon nung ako nakakatanggap ng box, masaya rin na ako na mismo yung nagpapadala. Kahit sabihin natin na medyo magastos pero hindi yun matutumbasan ng saya na nakukuha mo pag nakikita mo rin silang masaya."
Pero sa likod ng saya ay may pangamba ang ilang kababayan na baka hindi umabot sa Pasko ang kanilang mga padalang regalo.
Sa tuwing magdi-Disyembre kasi ay nagkakasabay-sabay ang mga nagpapa-kahon.

Balikbayan box sender Jane Robiso
"Siyempre sayang naman kung hindi makaabot. If ever bibili na naman sila ng pampasko tsaka ineexpect na kasi nila, excited na sila. Nakaka -disappoint pag hindi nakaabot. Sana bago mag-Pasko andun na, kasi parang andun na rin ako pag nakarating na. Dadaan pa kasi ng Singapore. Yun ang worry ko na ma-delay," lahad ni Jane.
Ganito rin halos ang sitwasyon ni Sally Marcelino. Sa mahigit dalawang dekada niyang karanasan na magpadala ng balikbayan box ay napansin niya ang mas matagal na pagkaantala ng delivery sa nakalipas na dalawang taong pandemya.

Balikbayan box sender Sally Marcelino
Hindi naman maiiwasan ang aberya sa pagpapdala.
Ipinaliwanag ni Lowella McAlister, business operator ng Chenvel Balikbayan delivery services sa Sydney, ang mga dahilan ng posibleng pagkaantala ng mga balikbayan box.
Bukod sa port congestion, in and out of lockdown din ang China at doon dumadaan yung mga boxes. Kaya inaabisuhan ko mga clients ko na kung gusto nila makarating ng Pasko, Sept or Oct pa lang dapat napadala na nila.
Bukod sa paparating na holidays na siyang tinuturing na peak season ay isa pa rin sa dahilan ng delays sa shipping ang COVID-19 pandemic at mga bagyo.

Chenvel Balikbayan Delivery Services Operator Lowella McAllister
Kaya naman doble ang diskarte ni Lowella sa pamamahala ng kaniyang negosyo.
"It is hard to manage but I have to accept it. Maraming clients na upset but it’s out of my control. Kaya I try to have a good relationship with my supplier para may back up para ma-cater ko mga kliyente ko," banggit ni Lowella.
Bukod sa pagkaantala ay isa ring pinangangambahan ng mga nagpapadala ang pagkawala ng kanilang mga bagahe, na siyang naging karanasan ni Sally.
I had this bad experience na nabuksan yung box tapos halos kalahati yung nawala.Sally Marcelino
Nagbigay naman ng payo si Lowella kung paano maiwasan ang pagkawala o pagkasira ng laman ng box.
"Siguraduhin nila na tama ang details na sinulat na sa receiver para madaling kontakin at hindi pabalik balik yung magdedeliver. Sa pagpapack ng breakables dapat naka bubble wrap at secured para hindi mabasag kasi hindi naman namin yun liability."
Ang diskarte naman ni Jen Sunga ay ang paglista ng inventory ng laman ng mga ipapadala niya sa Pilipinas para walang labis, walang kulang.
Nakalista lahat, naka itemised na para siguradong lahat ay matanggap nila.Jen Sunga
RELATED CONTENT

Pamaskong handog: Balikbayan box o Pera?