Key Points
- Inilunsad ng grupong Support Network for International Students ang kampanyang Scrap the Cap na layong hamunin ang pagpapatupad ng limitasyon sa pagtatrabaho ng mga international student.
- Ayon sa SNIS, napatunayan na ng mga international student na kaya nilang balansehin ang pag-aaral at pagtatrabaho noong kasagsagan ng pandemya.
- Ilang aktibidad gaya ng petisyon, protesta at open letter ang ginagawa ng grupo para sa kampanya.
Hindi patas anya para sa international student na si Abigail Ildefonso ang pagbabalik ng limitasyon sa oras ng pagtatrabaho sa mga student visa holder sa Australia.
Mula sa ika-1 ng Hulyo, 2023, magbabalik ng work restrictions para sa mga holder ng student visa at may limitasyon ng 48 na oras kada fortnight.
Matatandaang pansamantalang tinanggal ng gobyerno ang work-hour cap, kung saan pinapayagan ang mga international student na magtrabaho nang higit sa 20 na oras kada linggo.
Nasa kanyang huling taon na siya sa kurso ng Bachelor of Nursing sa isang unibersidad sa Melbourne na may tuition na higit sa $30,000 kada taon.

International student Abigail Ildefonso
"Mula noong dumating ako dito noong 2019, mayroong $100 na pagkakaiba sa aming lingguhang gastusin sa grocery dahil sa pagtaas ng presyo."
Walang subsidiya
Nakakakuha ng 60 working hours kada fortnight si Ildefonso sa kanyang healthcare job, ngunit takot siyang malimitahan ng pagbabalik ng work-hour cap ang kanyang kakayahan na magbayad para sa lahat ng kanilang mga pangangailangan tulad ng childcare.
"Ang isa sa mga dahilan kung bakit nakakapag-balance ako ng trabaho, pag-aaral, at buhay ay ang childcare. Hindi nakakatanggap ng subsidiya ang mga international student, kaya nagbabayad ako ng buong halaga na $140 kada araw," aniya.
"Kung ibababa nila ang working hours, mababawasan din ang aking kakayahan na magbayad para sa childcare, at kung hindi ako makakabayad, ako na ang mag-aalaga ng aking anak, na magdadala sa akin palabas ng workforce."

International student Abigail Ildefonso with her husband and son.
Sinabi ng gobyerno sa kanilang website na ito ay upang matiyak na makapagtuon ang mga student visa holder sa pagkuha ng de-kalidad na edukasyon at kwalipikasyon sa Australya habang kayang suportahan ang kanilang sarili sa pananalapi, magkaroon ng mahahalagang karanasan sa trabaho, at magkontribyut sa pangangailangan ng lakas-paggawa ng Australya.
Scrap the Cap
Inilunsad ng grupong Support Network for International Students (SNIS) ang kampanyang "Scrap the Cap!" na layong hamunin ang pagpapatupad ng limitasyon sa oras ng pagtatrabaho ng mga estudyante mula sa ibang bansa.
Itinatag ang SNIS noong Setyembre 2020 kabilang ang maraming organisasyon at indibidwal, gayundinang mga mag-aaral na internasyonal at ang mga tagasuporta nila. Ang pangunahing layunin nito ay itaguyod ang kalagayan at karapatan ng mga mag-aaral na internasyonal sa pamamagitan ng iba't ibang mga programa at estratehiya.
Ayon sa kanyang Coordinator na si Ness Gavanzo, ang grupo ay naglalayon na kilalanin ang malaking kontribusyon ng mga mag-aaral na internasyonal sa ekonomiya ng Australya at alisin ang mga paghihigpit sa kanilang mga oras ng trabaho.
"Noong panahon ng pandemya, karamihan sa mga international students ang nagtatrabaho sa mga esensyal na trabaho at serbisyo dahil ang mga mamamayan at mga permanenteng residente ay maaaring makatanggap ng Job Keeper allowance o humingi ng suporta mula sa Centrelink, ngunit hindi ito maaaring gawin ng mga (internasyonal) na mag-aaral," sabi ni Gavanzo.
Ito ang panahon kung saan napatunayan ng mga international students na kaya nilang balansehin ang pagtatrabaho ng higit sa 40 oras habang pinapanatili ang kanilang pag-aaral.Ness Gavanzo, Support Network for International Students
Ilang online petition, mga protesta, open letter at ibang aktibidad ang ginagawa ng grupo.
‘Nararapat na Balanse’
Sa isang pahayag na ibinigay sa SBS Filipino, isang tagapagsalita para sa Kagawaran ng Home Affairs ay nagsabi na kinikilala ng Australyanong Pamahalaan ang mahalagang kontribusyon na ginagawa ng mga international students sa lipunan ng Australya.
Itinuturing ng pederal na gobyerno ang 48 na oras kada dalawang linggo ay isang nararapat na balanse sa pagitan ng trabaho at pag-aaral, na kinikilala na ang pag-aaral ay ang pangunahing layunin ng Student visa.Department of Home Affairs Spokesperson
Idinagdag nila na bilang "bahagi ng mga kinakailangan para sa Student visa, kailangan ng mga mag-aaral na ideklara na may sapat silang pera upang suportahan ang kanilang pananatili sa Australya, kasama na ang gastos sa pamumuhay, kurso at gastusin sa paglalakbay."
"Ang pagtaas na ito ay makakatulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mahalagang karanasan sa trabaho at magkontribusyon sa mga pangangailangan ng Australyanong workforce habang sila ay nag-aaral."
RELATED CONTENT

Trabaho, Visa, atbp