Sa edad na 14 anyos alam na ni Jakulaith Wolff bilang isang transgender man na wala syang bukas sa bansang Kuwait. Kaya sa murang edad, pinag-isipan nyang magpakalayo at mangibang bansa. Hindi kasi bukas ang Kuwait sa LGBTIQ community.
“Hindi ako mabubuhay sa komunidad na hindi ako tanggap, ang nais ko ay maging totoo sa sarili at maipakita kung ano ang kakayahan ko bilang ako, " madamdaming kwento ni Wolff.
Nagkatotoo nga ang kanyang pinangarap, 21 anyos sya ng makarating sa Australia. Puno sya ng pangarap at pag-asa pero sadyang mapagbiro ang tadhana, hindi naging madali ang lahat para kay Wolff.
“ Parang nawala ako sa focus ko, hindi ko na alam kung ano ang gagawin lalo pa't wala akong kakilala dito. Nahihirapan akong magsalita ng English. Takot na takot ako,” dagdag pa ng tansgender man.
Highlights
- Bilang ng homeless umabot na sa 120,000 sa Australia at inaasahang tataas pa ito dahil sa pandemya
- Kailangan nating unawain at respetuhin ang mga homeless at tulungan
- Para sa karagdagang suporta pumuta lang sa www.thegoodbox.com.au
At dumating nga ang panahon na naging kabilang sya sa 120,000 na indibidwal dito sa Australia na kahit saan lang natutulog o homeless. Pero matapos ang isang taon, nakahanap sya nga kalinga sa katauhan nila Gali Blacher at Maddy Jones, ang mga co-founders ng The Good Box.
Ang The Good box ay isang social enterprise na itinatag noong 2019 mula sa kanilang warehouse sa Brisbane. Dito binubuo ang mga gift boxes para sa mga taong naghahanap ng kalinga at yong walang matutuluyan. Dahil sa kanilang dedikasyon na maipagpatuloy ang gawain, iniwan nila Gali at Maddy ang kanilang mga regular na trabaho.
"Gustuhin man namin tulungan ang lahat nang homeless o palaboy . Pero hindi ganun kadali, iba-iba kasi ang kanilang mga pangangailangan hindi lang mga materyal na bagay pati pagkalinga," paliwanag ng isa sa founder na si Maddy.
Ang bawat box ay puno ng basic na pangangailangan gaya ng damit, lip balm, at hot chocolate. Pero di basta basta itong box, pinakatangi tangi ito dahil ang bawat box ay dinesenyo para ipakita ang bawat istorya at karanasan ng mga nag-iisa sa buhay o nakaramdam walang karamay.
Pinakamisyon nila Gali at Maddy, hindi lang ang pagtulong sa nanganagilangan kundi ang pagbigay halaga , pag-unawa at higit sa lahat pag-asa sa mga homeless o palaboy dito sa Australia.
“HIndi kasi nauunawaan kun bakit nasa lansangan kaya yong misconceptions na yon ang dahilan kung bakit hindi maganda ang ating pakikitungo sa kanila. At kapag ganun ung trato sa kanila, mag-isolate sila at domino effect na, hindi na sila bukas sa anumang tulong," dagdag pa ng co-founder na si Gali.
Umabot na sa higit 10,000 boxes ang kanilang naipamigay sa mga charities sa buong bansa, sa loob ng higit isang taon. At 60 % dito ay naipamigay sa Melbourne, pumalo kasi ang bilang ng mga homeless, matapos ang sunod sunod na lockdown dahil sa pandemya. Kwento ni Gali, gusto nilang bigyan ang lahat ng nangangailan pero aminado itong mangyayari lamang ito kung tutulong ang sino mang may magandang kalooban.
“Abot-kaya lang yong bawat box at talagang makapapakinabangan ito ng mga makakatanggap. Kailangan lang pumunta sa www.thegoodbox.com.au para makita yong ibat-ibang boxes na gusto nyong ibigay at seguradong makakarating sa gusto nyong tulungan. Ang importante makatulong sa nangangailangan," panawagan ni Gali.
Maliban sa gamit na kailangan ng homeless , kasama din sa loob ng box na ipinamimigay ang mga munting mensahe na nagbibigay pag-asa at inspirasyon. Ang mga mensaheng ito ay sulat kamay pa nga mga donor o yong mga bumili ng gift boxes.
Paraan ito na kahit papaano maipaabot nito ang mensahe sa makakatanggap ng regalo. Itong mensaheng ito, ang nagbigay lakas at pag-asa kay Jakulaith Wolff, para simulang tumayong muli sa sariling mga paa.
“Napakasaya ko nung makatanggap ako ng box, ang sabi ko nga sa sarili, may halaga pa pala ako dahil may tumulong sa akin. Ito talaga ang kailangan ko, malaman ko na may halaga pa ako,” pahayag ni Jakulaith.
Ang suportang kanyang naranasan mula sa iba ang nagbigay inspirasyon at lakas para tumayo at balikan ang kanyang gustong gawin, ang pagpipinta. At matapos nga mabenta ni Wolff ang kanyang painting ngayong taon, umaasa sya na sa pamamagitan ng inyong pag supporta sa The Good Box , kagaya nya marami pa ang makakatanggap nito at makapagsimulang muli tungo sa mas magandang buhay.