Key Points
- Layunin ng pinakaunang longest boodle fight na ginanap sa Sydney na maipakilala ang pagkaing Pinoy at ang tradisyonal na pamamaraan ng pagkain gamit ang kamay na tinatawag na 'Kamayan'.
- 75 ka tao ang dumalo sa isinagawang longest boodle fight sa Sydney at umaasa ang mga organiser dadagsa ang mga tao sa susunod na taon.
- Ang Sizzling Fillo at Filo Station ang naghanda ng mga pagkain sa boodle feast, bukod sa mga Pinoy dumalo din sa kainan ang ibang lahi.
Ayon sa organiser ng at founder ng Filipino Food Month na si Anna Manlulo, ang boodle feast sa Sydney ay isang paraan para maipakilala ang pagkain at kultura ng mga Pinoy na magsalu-salo bilang isang malaking pamilya.
Ang boodle fight, ay bahagi ng kulturang Pilipino, ito ay ang pagkain na may istilo na pang-militar, kumakain nang walang anumang kubyertos at pinggan, sa halip ay ginagamitan ng dahon ng saging at sariling mga kamay.

Isa sa dumalo sa longest boodle fight sa Sydney ang Filipino- Australian na si Happy Ferarin [gitna], kwento niya espesyal ang pagkakataong ito dahil sinadya niyang isama ang kaibigang Australian na si Briana Collins [kaliwa] at isa pang kaibigan [lalaki] para first-time ma-experience ang pagkakamay.
"It was really good the food is delicious. I think my favourite is pork, Krispy pata, Salamat," sabi ni Briana Collins.

Samantala, bumyahe pa ng dalawang oras mula Newcastle makarating lang sa Sydney si Vivian Lucero kasama ang buong pamilya. Sabi pa nito, sa higit 35 taon niya dito sa Australia ito ang unang beses na makadalo sa salu-salo na kumain na nakakamay .
Hirit pa nga nito sanay dalasan ang ganitong pagkakataon para maipakita sa iba ang mayamang kultura at tradisyon ng mga Pinoy.

Inamin ng isa sa mga kasamang naghanda ng boodle feast na ito na si Chef Nina Cruz, na may ari din ng Sizzling Filo, bagama’t higit isang dekada na silang gumagawa ng boodle fight sa kanilang restorant, ramdam niya ang kakaibang saya na maipakita sa ibang lahi kung gaano kasarap ang pagkaing Pinoy.

Puno naman ng pasasalamat naman si Chef Mary Joy Magbitang mula sa Filo Station para maghanda ng pagkain hindi lang sa mga kababayan, pati ibang lahi. Hirit nito mas malalasahan ang masarap na pagkain kapag nakakamay.

Katuwang ng mga chef sa paghahanda ng mga nakakatakam na mga pagkain ang kanilang mga staff sa kusina. Kwento ng mga ito bagama't mahirap ang proseso, baliwala ito sa tuwing nakikitang masayang kumakain at busog ang kanilang mga kliyente.

Umaasa ang mga organisers na mas marami pa ang dadalo sa gaganaping boodle fight sa susunod na mga pagtitipon at selebrasyon.






