Kanyang ibinahagi sa panayam na ito na sa una, pinag-aralan niya ang pagdidisenyo ng bulaklak sa kanya lamang sarili hanggang sa napagdesisyunan niyang kailangan niyang gawin ito ng maayos at tama. Ito ang dahilan kung bakit siya nag-enrol sa TAFE, kung saan ang kanyang naging pagsasanay ay tumagal ng dalawang taon.
Ang ina na may dalawang anak, na inaming ang mga paborito niyang bulaklak ay nagbabago sa bawat ‘season’ o panahon, ay ipinaalam din na hindi naging madali sa kanya ang pagtatayo ng negosyo. Kanyang naalala na sa simula mura lamang ang pagbebenta niya sa mga bulaklak (mas mababa pa kaysa sa ‘price floor’ nito) dahil siya ay nagsisimula pa lamang magkaroon ng kumpiyansa noon. Ilang taon matapos nito, nagsimula na siyang magkaroon ng reputasyon sa industriya ng mga bulaklak at ngayo'y siya ay hinahabol na ng mga ‘customers.’
Ibinahagi din ni Van Der Meer sa SBS Filipino na marami siyang ginagampanan; bukod sa pagtulong sa pamamahala ng dalawang bukirin, pagpapatakbo ng mga merkado sa Wollongong, Highlands at Goulburn, siya rin ang ‘administrator’ ng ‘social media accounts’ (sa Facebook at Instagram) ng kanyang negosyo. Ang mga papel na ito ay nakatulong sa kanya para lalong bumuti sa kanyang propesyon (na para sa kanya ay mahalaga bilang isang plorero).
“It’s very fulfilling when you create something beautiful because I’m working with beauty and nature. It’s like a purpose, you’re serving and you’re providing quality flowers in a reasonable price. I try to bring flowers to everyday people,” ayon kay Van Der Meer ng siya ay tanungin hinggil sa kung ano ang nadudulot sa kanya ng pagdidisenyo ng mga bulaklak.
Ang tatlong bagay na kanyang kinukunsidera kapag siya ay nagdidisenyo ng mga bulaklak ay tekstura, kulay at pagkakatugma o ‘harmony.’ Ang tamang balance ng tatlo ay nagpapahintulot sa maayos na pagkakahalo o ‘blending’ ng dinisenyong palumpon o ‘bouquet.’
Dagdag pa ni Van Der Meer kinatutuwa niya ang kanyang kalayaan sa pagiging malikhain o pagkakaroon ng ‘creative freedom’ bilang isang plorero.
“Follow your heart if you like to work with flowers but experience will make you a master of your craft,” payo ni Van Der Meer sa mga nais na maging plorero (katulad niya) balang-araw.
Alamin pa ang tungkol kay Gng. Van Der Meer sa panayam na ito.



