Key Points
- Ibinahagi nina Master Environment Auditor Annabelle Tungol ng Artea Green Ventures, kasama sina Environmental and Sustainability Auditor Jonathan Alpano, Pollution Control Officer at Environmental Auditor Mariette Mon David, at Safety Auditor Collin McPherson ng JCM Solutions, ang resulta ng kanilang isinagawang audit sa isang panayam.
- Kinumpirma ng audit team na umiiral at aktwal na matatagpuan ang anim na flood control projects sa lugar, ngunit kanilang napansin ang malulubhang kakulangan sa kalidad, kaligtasan, at pamantayan ng konstruksyon.
- Nilinaw ng AGV na hindi saklaw ng kanilang pagsusuri ang budget ng mga proyekto, ngunit binigyang-diin ng kumpanya ang pangangailangang mapahusay ang kalidad ng paggawa at masunod ang tamang proseso ng konstruksyon tulad sa Australia.
- Unang iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Pilipinas na tatlong flood control projects na nagkakahalaga ng ₱750 milyon ang hindi matagpuan sa Naujan, dahilan upang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.
Sa Australia, karaniwan nang isinasagawa ang independent audit sa mga proyekto bilang paraan upang matiyak ang kalidad at pagsunod sa tamang pamantayan. Ito rin ang iminungkahi ng isang Australian firm na maging bahagi ng sistema sa Pilipinas upang mapabuti ang pagpapatayo at pamamahala ng mga imprastruktura.
We're just trying to help our country sana. Sana mapakinggan nila kung ano ang mayroon at dapat nating gawin. Ngayon kasi masyado silang focused sa kung sino ang makukulong, but after that, kahit maipakulong na natin lahat ng mga magnanakaw kung walang system change at walang ganitong uri ng independent audit sa lahat ng infrastructure then i dont think may magbabago sa kinabukasan ng bansa kasi paulit ulit lang.Annabelle Tungol, Master Environment Auditor and Licensed Chemical Engineer of Artea Green Ventures.