Paano mag-migrate sa Australia sa pamamagitan ng Business at Investment visas

Doctor examining hologram of human anatomy

Doctor examining hologram of human anatomy Source: Getty Images/Colin Anderson Productions

Higit 13,000 ang tatanggaping migrants ng Australia sa pamamagitan ng Business, Innovation and Investment Program. Doble ang bilang nito mula noong sinimulan noong 2012. Nag-abot na din ito ng bilyon-bilyong dolyar sa kaban ng bansa, at ngayon alamin ang ginawang mga pagbabago at kung paano makapag-apply sa mga visa na ito.


Highlights
  • Visa streams na pwedeng applyan ay ang Business Innovation, Entrepreneur, Investor at Significant Investor. Kailangan ang aplikante ay nominado ng State o Territory government.
  • Ang Business Investor visas ay nasa Subclass 188, at maaaring mag-apply para sa permanent residency sa pamamagitan ng Subclass 888.
  • Ang investment requirement para sa Significant Investor stream ay nananatiling $5 million.
Ang Business Innovation and Investment Program ay nagbibigay oportunidad sa lahat ng mga investors, innovators, entrepreneurs at mga indibidwal na may angking galing o kakayahan at karanasan sa pagnenegosyo na makapag-migrate dito sa Australia.

Mula noong 2012, ang programang ito ay nag-abot na ng pondo sa kaban ng bansa, na tinatayang nasa $16 bilyon. At nitong taon lamang nagpalabas ang gobyerno ng mga pagbabago sa programa.

Business Visa subclasses

Ayon sa Founder at Principal Immigration Lawyer sa Work Visa Lawyers na si Chris Johnson, ilan sa ginawang pagbabago ay ang pagtanggal ng bilang ng visa streams, mula sa 9 ngayon ay 4 na lamang.

“Ang 132 Visa para sa permanent residency ay tinanggal nila, at kaya ang lahat ng Business Investor visas ay nasa Subclass 188, at magkakaroon ng transition para sa permanent residency sa pamamagitan ng Subclass 888,” kwento ni Johnson.
Doctor in warehouse with DNA made of balloons
The four BIIP streams fall under the Subclass 188/888 permanent residency pathway Source: Getty Images/Anthony Harvie
Kabilang sa mga naiwang streams ay ang Business Innovation, Entrepreneur, Investor at Significant Investor streams. Ang apat na ito ay nasa Subclass 188, kung saan tinatawag na provisional visa, na may pathway para sa permanent residency sa ilalim ng subclass 888 na visa.

Dagdag pa ni Mr Johnson, ang kagandahan ng provisional business visas na ito ay mas mahaba ang ipinagkakaloob na validity period.

“Isa sa mga  bago sa subclass 188 visa ay granted for 5 years ito, dinagdagan ng isang taon.  At kung tutuloy sa proseso sa permanent residency advantage ito dahil  may tatlong taon ka pa para  ma-kompleto ung buong requirement para sa permanent residency," paliwanag ni Johnson.

Mga pagbabago sa application requirements

Nang sinimulan ng gobyerno ang Business visa program noong 2012, ayon kay Mr Johnson may mga pagbabago na sa application requirements sa Business Innovation stream, o mas kilalang Subclass 188A.

Kabilang sa mga pagbabago ay ang personal at business assets test at business turnover na noon ay may halagang $500,000.

“Ang bago naman sa 188A visa ay tinaasan yong level ng  investment kaya yong  personal at business assets ay $800,000 hanggang $1.25 million. At yong business turnover requirement ay tinaasan din na aabot sa $750,000 sa last four years.”

Habang sa investment requirement naman para sa Significant Investor stream ay nananatiling $5 million, pero para sa mga aplikante sa Investor stream ngayon, kailangan ay 2.5 milyon dolyar mula sa dating $1.5 milyong dolyar. Sabi pa ni Mr Johnson kung dati ay pwede pa ang investment ng aplikante ay sa government bonds sa estado, ngayon dapat sa complying investments. Yan kasi ang nakasaad sa Complying Investment Framework.

“Base sa  Complying Investment Framework, mataas yong investment sa venture capital, at medyo mababa sa  investment sa balancing funds."

Sabi pa ng Lawyer & Registered Migration Agent at SeekVisa na si Ben Watt, posible umanong hindi kakagatin ng maraming imbestor ito dahil hindi sila lahat nakikinabang sa ginawang pagbabago.
Businessman looking out of office over city
Australia's Business Innovation and Investment Program provides a pathway to permanent residency for investors, innovators, entrepreneurs and business people. Source: Getty Images/Ezra Bailey
“Hindi na sa State Government ang punta ng pundo,  kailangan i-invest sa mga tech companies dito sa Australia, pwedeng mawala o lalago ang pera, although may dala talagang risk," dagdag ni Ben Watt.

Pero ayon dito mas pabor ito sa ginawang pagbabago sa Entrepreneur stream ng Subclass 188 visa, dahil hindi na kailangan ang $200,000 na pundo.

“Kung mapatunayan na kaya mong palaguin ang negosyo at madala dito sa Australia, pwede ka na mag-apply sa pamamagitan ng 188 visa."

Entrepreneur stream

Dagdag pa ni Mr Watt mas ginawang simple o pinadali din ang pathway ng permanent residency sa Entrepreneur stream.

“Hindi mo na kailangang  mag-generate ng annual turnover ng business mo na $300,000, o kaya maghire ng 2 Australian fulltime na magtrabaho para sa iyong negosyo." 

Pero dapat ding tandaan ng mga aplikante na ang Entrepreneur stream ay State o Territory government nominated.
businessman working on computer in his office
Previously applicants were able to invest in the state government bonds, but now they must finance complying investments Source: Getty Images/Evgenia Siiankovskaia
“Ang gobyerno na ang magbibigay sayo ng signal na tanggapin nila yong  negosyo  ng aplikante sa kanilang estado o teritoryo. Sila na yong magsabi sa mga aplikante na nagustuhan nila yong proposal mong negosyo at pwedeng i-develop sa kanilang lugar. Posibleng gusto ng mga estado o teritoryo ngayon ay, tungkol sa agriculture technology or medical technology depende din sa priority nila." 

Sa kabuuan, sabi ni Ben Watt, katanggap tanggap ang ginawang pagbabago ngayon sa Business Innovation and Investment Program dahil nagbibigay ito ng mga innovations o pagbabago sa bansa kung saan makikinabang ang mga Australians at hindi lang puro nakatutok sa mga money-making na ideya.

 “Pwedeng subukan yong suicidal awareness or mental health o kahit anong ideya na pwedeng idevelop  posibleng hindi ganun ka laki yong return na kita pero pagnakita ng gobyerno na  maganda ang impact sa kanilang estado malaki ang potensyal na tatanggapin nila ang  innovations na dala mo.

Posible ito yong maghahatid sayo sa permanent residency dito sa Australia. Ang maganda sa pagbabagong ito ay hindi lang lahat money- making idea, kundi may magandang impact sa komunidad."

Para makapag- apply ng visa para sa Business Innovation and Investment Program, kailangan ang aplikante ay nominado ng State o Territory government.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagbabago sa Business, Investment and Innovation Program, bisitahin ang Department of Home Affairs website.

Share
Follow SBS Filipino

Download our apps
SBS Audio
SBS On Demand

Listen to our podcasts
Independent news and stories connecting you to life in Australia and Filipino-speaking Australians.
Understand the quirky habits of Aussie life.
Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS
SBS News in Filipino

SBS News in Filipino

Watch it onDemand
Paano mag-migrate sa Australia sa pamamagitan ng Business at Investment visas | SBS Filipino