Highlights
- Buy Back shop ang naging takbuhan ng ilang mga Pinoy para makabili ng mga gamit sa bahay
- Para sa 60 taong gulang na si Felix Magsino, malaki ang natipid niya sa pagbili ng mga appliances sa Buy Back shop
- Dahil walang pambili ng sasakyan, sa Buy Back shop naman nakahanap ng praktikal na alternatibo si Minda Briones
Tuwing araw ng Miyerkules, malayo pa lamang maririnig mo na ang ingay ng makina ng isang trak. Papalapit sa isang lugar kung saan may mga nakaparadang sasakyan at kumpol ng mga tao.
Sa paghinto ng makina isa-isa nang ibinababa ang mga appliances tulad ng washing machine, naglalakihang TV, iPad, computers, mga radyo at speakers.
Maya-maya sunod namang ibinaba ang mga bisekleta, may panglalake, pambabae at pang bata.
Hindi pa tapos dahil sunod sunod na ibinaba ang mga sofa, dining table at mga upuan. Ang lugar na ito ay pamoso at tinatawag na buy back. Ang lugar na ito ay bagsakan ng mga itinapong gamit ng mga tao dito sa Australia. Dito maari mo namang dalhin ang mga gamit mo sa bahay na sa palagay mo ay wala ng pakinabang.
Yun nga lang, sa halip na ikaw ay babayaran ikaw ang magbabayad sa kanila. Kung sakali kasi na walang bumili ay sisirain na ito para i-recycle.
Kahit hindi bago, basta pwede pa mapakinabangan
Isa sa mga parokyano ng lugar na ito ay si Felix Magsino, 60 taong gulang, isang welder at matagal nang naninirahan sa Cairns, sa Queensland.
Taong 2005, nang siya ay manirahan dito kasama ang kanyang asawa. Dahil nagsisimula pa lamang ng buhay, dito sila namimili ng mga gamit sa bahay.
"Mga TV, plato, kutsara, kaldero, lahat ng upuan, mga sofa mura lang makakabili ka ng $3.00. Ang TV nga $5 lang e."
Hindi pa niya kayang bumili ng sasakyan noon kaya tiyagang pumadyak ng bisekleta na nabili niya sa murang halaga. Araw-araw niyang gamit ito patungo sa trabaho.
"Wala pang $5.00.. anong sira? Walang sira, align mo lang mga preno minsan flat."
Naisip rin niya na pagkitaan ang bisekleta, kapag off sa trabaho, bumibili siya ng mga bisekleta sa buy back shop, nirerepair at ibinebenta lalo na sa mga bagong salta at mga estudyante na hindi pa rin kayang bumili ng sasakyan.
"Minsan ang bisekleta ko ay 5-7 nire-repair ko tapos binibenta sa mga estudyante. Ang mga Australian kasi hindi marunong magrepair tinatapon na lamang tulad ng bike. Kapag mis-allign na, hindi na inaayos itinatapon na lamang nila yun. Hindi tulad naten na kapag pwede pang gamitin ay gagamitin."
Aminado siya na kahit nakakaluwag na siya sa buhay ngayon ay hindi pa rin mapigilan na pumunta sa buy back shop, tila may magnet daw na humihila sa kanyang mga paa patungo doon.
Katunayan kahapon isang vaccum cleaner, mga grinding machine, mga pang drill o pangbutas ng kahoy at semento ang kanyang nabili sa murang halaga.
Balak niyang ipadala ang mga ito sa Pilipinas sa kanyang mga kamag-anak sa Laguna.
Praktikal na alternatibo
Para naman kay Minda Briones, kung para sa iba ay basurahan ito, hulog ng langit at naging malaking tulong ito sa kanya sa mga panahong kapos siya at kailangan ng bisekleta ng anak para makapasok sa eskwela.
"Kapag walang pera doon nalang, wala kaming balak bumili ng sasakyan kasi nga walang kapera pera kawawa naman yung anak ko, maglalakad mula sa bahay hanggang sa school, so pwedeng bike."
Para sa kanila, minsan praktikal na dito bumili. Ilan pa kasi sa mabibili dito ang mga spare parts ng sasakyan, mga bintana, pintuan, floor tiles, mga mower, laruan ng bata, gym equipment, mga vintage na lamp shades, libro, damit, sapatos, mga painting at madami pang iba.
Pero ika nga kanya kanya lamang ng hilig. Pwede ka namang mag-ipon ng sapat na halaga para mabili mo ang gusto at makatikim ng bago.
Sabi nga nila walang basagan ng trip basta ang mahalaga, masaya, at kuntento kahit second hand lang ang gamit mo. Meron kasi na bago nga ang gamit pero inutang mo naman sa iba ang ipinangbayad mo.