Key Points
- Umani ng sari-saring reaksyon ang inilabas na bagong migration strategy ng pamahalaan.
- Sa susunod na taon, kailangang mapatunayan ng mga studyante na ang mga kursong kinuha ay makakatulong para sa kanilang trabaho o career at academic aspirations.
- Kabilang sa tatlong pathways sa ilalim ng Skills in Demand visa ang Specialist skills, core skills at essential skills pathway.
Magkakahalo ang naging reaksyon ng mga manggagawa at maging mga employer sa inilabas na bagong migration strategy ng pamahalaan.
Ayon sa skilled worker na si Anthony Mananan, isang magandang pagkakataon ito para sa iba pang manggagawang Pinoy na malaki ang kasanayan sa mga highly skilled professions tulad ng mga engineers at IT o cyber security experts.
Nakakuha ng sponsorship si Anthony mula sa kumpanyang pinasukan sa Taiwan kaya’t mabilis syang nagkaroon ng working visa. Nakapagtapos ng Electronics and Communications Engineering sa Pilipinas at nagtatrabaho sya bilang isang machine and service technician sa isang manufacturing company sa Sydney.
Ngayon, inaantay na lang maaprubahan ang aplikasyon para sa Permanent residency.
"This is a great opportunity for many migrant workers kasi hindi na nila kailangan mag-student kung talagang qualified sila sa mga skilled visa" ayon kay Anthony.
Inaasahan na sa pagbabago ng migraton system ay bibilis din ang proseso para maging Permanent Resident ng mga kwalipikadong aplikante.
Sa inihain na bagong Skills in Demand Visa, mas masasala ang mga manggagawa sa tatlong stream na tugma sa kanilang kakayanan at propesyon. Mas mapapabilis din ang pagkuha ng visa kung kabilang sa pinaka in-demand na trabahong hinahanap ng Australia.
Tatlong pathways sa ilalim ng Skills in Demand visa ayon sa pamahalaan:
Specialist Skills Pathway: Para ito sa mga highly-skilled migrants na pinaka-kailangan ng Australia. Ito ay mga trabahong sumusweldo ng higit AUD 135,000. Lahat ng trabaho maliban sa mga trades workers, machinery operators, drivers, and laborers, ay kabilang sa pathway na ito.
Core Skills Pathway: Ito ay para sa lahat ng aplikante na sakop ng bagong Core Skills Occupation list. Kasama dito ang mga trabahong malaki ang kakulangan sa bansa base sa listahan ng Jobs and Skills Australia. Ang aplikante ay dapat kumikita ng Temporary Skilled Migration Income Threshold ("TSMIT").
Essential Skills Pathway: Hindi pa tapos ang bagong pathway na ito pero target nitong maisama ang mga manggagawa na may essential skills na kumikita ng mas mababa sa AUD 70,000.
Positibo din ang pagtanggap sa reporma ng maraming employer at samahan. Ayon sa CEO ng Engineers Australia sa pahayag sa Australian Manufacturing website, isang magandang hakbang ang pagkakaroon ng bagong visa at mga pagbabago sa sistema ng migration. Pero kailangan pa ring balansehin ang pagkuha ng mga manggangawa lalo na at marami paring migrant skilled worker sa regional areas ng Australia ang naghahanap ng trabaho.
Ayon kay Government Services Minister Bill Shorten sa pahayag sa Channel 9 ang mga pagbabago ay nararapat para mabigyan ng tamang oportunindad ang mga manggagawa.
Samantala, pinuntirya ng bagong migration strategy ang mga naka student visa at layuning mabawasan ang mga kaso ng pananamantala o exploitation.
Para sa student na si Shan, bagaman pabor sya sa magandang layunin ng bagong Sistema, nais nyang makita rin ng pamahalaan ang mga naiiambag ng mga studyante sa workforce ng Australia lalo na at marami sa kanila ang bumubuno sa kakulangan ng mga manggagawa ng bansa kasabay ng kanilang pag-aaral.
Mas mahihirapang makapag apply ng student visa ang kung ang paaralan o education provider na papasukan ay kasama sa listahan ng mga high risk provider.
Sisilipin din ang mga estudyanteng ilang beses na nagpalit ng kurso at nag-apply ng bagong student visa. Ayon sa pamahalaan ang mga international students na nakapag apply ng dalawa o tatlong study visa ay umakyat na sa higit 150,000 nito lang 2022/23 academic year.
Sa susunod na taon, kailangang mapatunayan ng mga studyante na ang mga kursong kinuha ay makakatulong para sa kanilang trabaho o career at academic aspirations.
Nanindigan din ang pamahalaan na ang mga hakbang na ito ay para sa ikakabuti ng sektor at hinaharap ng mga migrante at mamamayan ng Australia.