Ilang mga abogado at mga grupong nagtataguyod para sa karapatang pantao ang nagpahayag ng pagsalungat sa pagsasa-batas ng Anti-Terrorism Act of 2020 dahil umano sa pagiging hindi malinaw nito at pagiging labag sa konstitusyon nito.
"Kinakatakot namin na gagamitin ng gobyenro 'yung immense powers (napakalawak na kapangyarihan) ng anti-terrorism bill to go after dissenters and oppositions to government, bukod pa sa pagiging labag nito sa Konstitusyon pagdating sa detensyon ng mga akusado", lahad ng human rights lawyer na si Kristina Conti.
Mga highlight
- Pangulong Rodrigo Duterte pinirmahan ang Anti-Terrorism Act of 2020 noong ika-3 ng Hulyo matapos isa-alang-alang ang iba't ibang saloobin patungkol sa batas.
- Layunin ng bagong batas na ikondina, maiwasan, pagbawalan at parusahan ang terorismo upang maprotektahan ang pambansang seguridad ng bansa at kapakanan ng mga tao.
- Pinalawak ng bagong batas ang kahulugan ng terorismo, na sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao ay maaaring humantong sa mga pang-aabuso at pag-iwas sa malayang pananalita.
Inamin ni Conti, na siyang convenor of the National Union of People's Lawyers and Concerned Lawyers for Civil Liberties, na bagaman tinukoy naman sa Anti-Terror Law kung sino ang isang terorista at kung ano ang ginagawa nito, may ilang termino umano na nakapaloob sa batas na hindi malinaw.
"Okay, sinabi naman sa batas na ang isang terorista ay pumapatay, gumagamit ng bomba at iba pa, pero ano ‘yung objective?"

Human rights lawyer Kristina Conti. Source: Supplied
"The objective is, among other things, to seriously destabilise or destroy the fundamental, political, economic, social structures of the country, to create a public emergency, to seriously undermine public safety – itong mga terms na ito ang iniisip namin na maaaring magpalawig doon sa termino at hindi na nga lang ‘yung pagiging terorista mismo ang problema eh, kundi 'yung additional na krimen na related sa pagiging terorista," saad ni Conti.
Dagdag ni Conti na tatlo sa kanyang grupo na kinakaaniban ay maghahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa pagiging labag sa Konstitusyon ng Anti-Terror Act (ATA).
Pinapayagan sa ATA ang surveillance, warrantless arrest at detensyon sa mga suspek ng hanggang 24 na araw.
"Ito ay labag sa Konstitusyon, sa ilalim ng Bill of Rights, Article 3, batay sa writ of habeas corpus, walang sinuman ang maaaring i-detain ng mahigit sa tatlong araw nang walang kasong isinasampa laban sa tao.
Ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay magiging epektibo 15 araw makalipas na ito ay mailathala sa Official Gazette ng pamahalaan o sa alinmang pahayagan.