Watch FIFA World Cup 2026™ LIVE, FREE and EXCLUSIVE

Pagtanggal ng excise tax sa produktong petrolyo sa Australia makapigil kaya sa pagpalo ng presyo nito?

A man pumps petrol at a service station in Melbourne, Monday, Aug. 27, 2012. (AAP Image/Julian Smith) NO ARCHIVING

A man pumps petrol at a service station in Melbourne, Monday, Aug 27, 2012. (AAP Image/Julian Smith) Source: AAP

Apektado ang presyo ng petrolyo ng buong mundo dahil sa ikinasang gyera ng bansang Russia sa Ukraine at isa sa napuruhan ng epekto ang bansang Australia. Kaya panawagan ng mga residente tanggalin ang ipinataw na buwis sa produktong petrolyo.


Highlights
  • Ayon kay Chris Richardson mula Deloitte Access Economics ang excise tax ay tinatayang 20 porsyento ng presyo ng petrolyo.
  • Presyo ng petrolyo ay umabot na sa higit $2.20 kada litro at inaasahang tataas pa ng $2.50
  • Ayon sa mga eksperto ang permanenteng solusyon sa mataas na presyo ng petrolyo ay gumamit na ng electric vehicles ang Australia.

Pakinggan ang audio

Ramdam na ang epekto ng hindi  mapigilang  pag-akyat ng presyo ng petrolyo sa bansa. At nagkataon pang dalawang linggo na lang at maglalabas ng panibagong  pederal na  pondo ang gobyerno  bago ang eleksyon.

Ayon kay Australian Prime Minister Scott Morrison epekto ito ng sumiklab na gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.

 

Dahil umaaray na ang mga residente  nanawagan ngayon ang mga lider ng estado at teritoryo na pansamantalang tanggalin ang excise tax.

Ang buwis na ito ay umaabot sa 20 bilyong dolyar na syang ginagamit ng gobyerno para sa mga pag-aayos at paggawa ng kalsada, pati mga pampublikong sasakyan gaya ng tren at riles nito.

Ang excise tax ng petrolyo  ay flat tax na ipinapataw ng goyerno ng Australia sa mga nagbebenta ng petrolyo. At maari itong baguhin o i-adjust kapag may pagtaas ng presyo.

Sa ngayon ang presyo ng petrolyo ay higit $2.20 ang bawat litro  at inaasahang tataas pa hanggang higit $2.50.

Tanong tuloy ng ilang eksperto  kapag may gagawin na adjustment sa ipipataw na tax gaano kalaki ang mababawas sa presyo. Sabi ni Mr Richardson halus hindi mararamdaman ang epekto nito.

" Halos wala ka makikitang epekto sa presyo. Dahil ang pag-pause ng indexation ay mababawas lang ang isang sentimo kada taon kumpara sa tumataas na presyo na umaabot sa 10 hanggang 20 sentimo kada linggo.

Kaya talagang nasa will power ng politiko yan at kung ang sanhi ay gyera hindi mo yan mababawasan."

Dagdag ng senior lecturer para sa  Strategic Studies ng Deakin University na si Vlado Vivoda ang pagtanggal ng fuel excise tax ay pansamantalang magdudulot ng mas mababang presyo sa petrolyo pero ang  presyo ng crude oil ay maaring magbago o hindi.

"Talagang walang magagawa sa presyo ng petrolyo ng buong mundo. Pero may magagawa ang gobyerno sa excise tax, kaya lang mahirap ito ipatupad sa ngayon.

Dahil ang tax na ito ay ginagamit ng gobyerno para sa mga imprastraktura gaya ng mga daan at transportasyon. At importante ito ngayon lalo na ang pagtulong sa mga nabaha sa Queensland."

Kompyansa naman si Prime Minister Morrison dahil sa nalalapit na paglabas ng pederal na pondo sa katapusan ng Marso, dito  ilalahad ng gobyerno ang desisyon kung ano ang magagawa nito para  mapigilan ang tumataas na presyo ng petrolyo sa bansa.

"Sa darating na dalawang linggo ilalabas na ang pederal na pondo kaya  hintayin na lang natin ang paglabas nito, huwag natin pangunahan ito."

Bwelta naman ni Opposition leader Anthony Albanese,  lahat ng presyo ang tumaas na pwera na lang sa sahod ng mga tao na nakapako pa din.

"Wala silang ginawa sa presyo ng petrolyo at hinihintay pa natin kung ano ang gagawin nila pero isa lang ang alam natin, sahod lang ang hindi nila ginalaw nakapako pa din at mababa ito kaya hirap ang mga tao."

Dagdag ng mga eksperto gaya ni Vlado Vivoda para seguradong hindi na babalik ang ganitong problema dito sa Australia,  panahon ng palitan  ang ginagamit na mga sasakyan sa electric vehicles.

 Kung papalitan ng electric vehicles siguradong may makikitang benepisyo lalo na sa  enerhiya at para sa mas malinis na hangin sa Australia. Kaya dapat hikayatin ng gobyerno sa buong bansa ang paggamit ng electric vehicles mula sa paggamit ng petrolyo ."

Sabi pa ni Opposition leader Albanese matagal ng naramdaman ang pag-akyat ng presyo ng petrolyo kahit pa man noong wala pang gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.

"Hirap na ang mga residente. Lahat ng presyo tumaas na at ang presyo ng petrolyo ay halos $2 na bago pa man ang gulo sa Europa. Pero walang choice ang mga tao, kailangan gumamit ng sasakyan papuntang trabaho."

Nagpalabas ang Newspoll ng pulso ng mga  botante sa nalalapit na eleksyon. Kung  pag-uusapan ang  Labor at Coalition ay walang pagbabago.

Pero tumaas na ng sampung puntos ang oposisyon ang kasalukuyang administrasyon.

Kung saan lumalabas sa unang pagkakataon sa loob ng higit dalawang taon, pantay na sa puntos  si Albenese at Morrison, na gustong maging  punong ministro ng bansa.

Subalit kahit pa nagpalabas na ngayon ng karanilang sariling opinyon ang mga botante, ang tunay na pulso ng bayan ay makikita sa resulta, pagkatapos ng eleksyon.

 

 

 


Share

Follow SBS Filipino

Download our apps

Listen to our podcasts

Get the latest with our exclusive in-language podcasts on your favourite podcast apps.

Watch on SBS

SBS News in Filipino

Watch it onDemand

Watch now