Itutulak ng mag-asawang Romulae at Theresa si Thadine sa kanyang wheelchair sa 5km course upang maitaguyod ang kamalayan ng komunidad sa Rett syndrome at makakalap ng pera para sa Good Friday Appeal ng Royal Children's Hospital.
Binuo ng mag-asawa ang grupong Team Thadine, kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan upang suportahan si Thadine sa kanyang layuning magkaroon ng kaalaman ang karamihan tungkol sa Rett syndrome-isang genetic disorder na nakakaapekto sa brain development sa mga batang babae.
Ibinahagi ni Romulae na nagsimula ang group noong 2014 kung saan isa sa kanilang mga malapit na kaibigan, na si Federico Publico, ay sumali para sa fundraiser ng Run For the Kids upang suportahan si Thadine. Simula noon, naging tradisyon na para sa kanilang pamilya at mga kaibigan na tumakbo para kay Thadine.
“This is our sixth year. From a single runner in 2014, we are now looking at 50 runners [joining our cause].”
Ngayong taon, tatahakin ng Team Thadine ang 5km short course kung saan tatakbo sila sa Domain Tunnel at sa Bolte Bridge.
Ang Run For the Kids ay nakakuha ng higit sa $ 17 milyon para sa Good Friday Appeal ng Royal Children's Hospital simula nang mabuo ito noong 2006. Libo-libong runners ang sumasali sa taunang kaganapan sa Melbourne bawat taon.


