Sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sa agrikultura nakasandal ang pagtugon ng kanyang gobyerno sa problema sa supply at presyo ng pagkain
Para masuportahan ang mga mamimili at mapanatili ang kanilang purchasing power, isinasapinal umano ng Department of Agriculture ang planong taasan ang produksyon sa susunod na planting season sa pamamagitan ng tulong pinansyal at teknikal sa mga magsasaka
Para sa pangmatagalang solusyon, sinabi ni Pangulong Marcos na itataas ng gobyerno ang produksyong ng kalakal at produktong pang-agrikultura
Highlights
- Maglalabas ang Pangulong Marcos ng isang kautusan na magtatakda ng isang taong moratorium para sa pagbabayad sa lupa at interes, para hindi mabaon sa utang ang mga benepisyaryo ng agrarian reform
- Isinusulong din ni Pangulong Marcos ang digitalization sa lahat ng records ng gobyerno.Gusto rin ng pangulo na ma-access ng mga OFW ang kanilang Overseas Employment Certifications o OECs sa kani-kanilang cellphone.
- Hindi sususpindihin ni Pangulong Marcos ang anumang proyektong pang-imprastraktura na nasimulan ng administrasyong Duterte at nangakong palalawigin ito.
Gagawin daw iyan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng value chain na nagsisimula sa mga magsasaka hanggang sa mga mamimili
Ayon sa Pangulo, gagawa ang gobyerno ng national network ng farm to market roads at bubuhayin ang mga Kadiwa Center kung saan makakabili ng mga produkto sa abot-kayang halaga.
Ekonomiya
Inilatag ni Pangulong Marcos ang kanyang target, kabilang ang medium-term macroeconomic ang fiscal objectives o mga programang pang-ekonomiya para maibaba sa single digit ang poverty rate sa 9 percent sa taong 2028
Ayon sa Pangulo, inaasahang lalago ng 6.5 hanggang 7.5 percent ang gross domestic product ng bansa ngayong 2022.
Aniya, maaabot ng bansa ang income middle status sa taong 2024
Agrikultura
Sa usaping agrarian reform, maglalabas ang Pangulong Marcos ng isang kautusan na magtatakda ng isang taong moratorium para sa pagbabayad sa lupa at interes, para hindi mabaon sa utang ang mga benepisyaryo
Mahigit limampu’t dalawang libong ektarya ng lupang agrikultural na pagmamay-ari ng mga ahensya ng gobyerno ang ipamimigay sa mga qualified na benepisyaryo, kabilang ang mga war veterans, mga naiwang asawa at anak ng mga war veteran, mga retiradong sundalo at pulis, at mga nagtapos sa kursong agriculture na walang lupa.
Sining at Turismo
Palalakasin naman ang industriya ng turismo sa pamamagitan ng road improvements at pagpapaganda ng mga improvements sa mga paliparan, para mapadali ang biyahe sa mga tourist spots sa bansa.
Ayon sa pangulo, panahon na para i-welcome ng buong mundo ang enhanced filipino brand na unique, kaakit-akit at creative.
Nangunguna aniya ang mga Filipino sa mga larangan ng arts, culture, new media, at live events
Kaya lang, pinadapa ng COVID-19 pandemic ang mga kabuhayang ito.
Lipunan
Pagbubutihin pa ang pagbibigay ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang mga field offices ng kagawaran na mag-imbak ng family food packs, maglagay ng mga warehouse sa malalayong lugar at tutukan ang pamimigay ng ayuda sa mga talagang nangangailangang pamilya.
Kalusugan
Sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni pangulong marcos na wala nang isasagawang lockdown sa anumang lugar bilang paglaban sa covid-19, kasabay ng paggiit na kailangang mabalanse ang ekonomiya at kalusugan.
Pananatilihin muna ang Covid-19 alert level system, habang gumagawa ng bagong sistema nito na mas angkop sa mga bagong variant ng Covid-19.
Magtatatag din ang pilipinas ng sarili nitong Center for Disease Control and Prevention, at vaccine institute, at maglalagay ng specialty hospitals tulad ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital, Kidney Specialty hospital, sa kanayunan.
Sisikapin din umano ng administrasyong Marcos na mapagbuti ang kapakanan ng mga healthcare workers, tulad ng mga duktor at nurse.
Sinabi rin ng pangulo na tinatrabaho na ng kanyang administrasyon na mapababa ang presyo ng gamot, kabilang ang pagpapapasok sa bansa ng mga generic brands.
Edukasyon
Panahon na rin umano na ibalik na ang face-to-face classes sa darating na schoolyear.
Inihahanda na raw ito ni vice president at education secretary sara duterte-carpio, kasabay ng pagkunsidera sa kalusugan ng mga bata dahil sa pandemya.
Masusi rin daw na pinag-aaralan ang pagpapatuloy ng k to 12 program at ang mga pakinabang nito.
Ipinanawagan din ni Pangulong Marcos na panatilihin ang competitive edge, o ang bentahe ng mga pilipino sa ibang banyaga, sa pagpasok ng trabaho sa ibang bansa, dahil sa kanilang kaalaman at galing sa wikang ingles.
Nangako rin ang pangulo na pararamihin ang mga mapagkukunan ng renewable energy sa bansa bilang pagtugon sa climate change
OFW
Isinusulong din ni Pangulong Marcos ang digitalization sa lahat ng records ng gobyerno, at ang pagpapalabas ng tatlumpung milyong physical cards, at 20million digital ids sa ilalim ng philippine identification system, na mas kilala bilang national id.
Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipag-transaksyon sa gobyerno.
Bilang suporta naman sa mga Overseas Filipino Workers, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Migrant Workers at ang Department of Information and Communications Technology na i-prayoridad ang automation ng mga kontrata ng mga OFW
Gusto rin ng pangulo na ma-access ng mga OFW ang kanilang Overseas Employment Certifications o OECs sa kani-kanilang cellphone.
Nais din ng pangulo na mapaikli ang pagproseso ng mga dokumento na kakailanganin ng mga pilipino na gustong magtrabaho abroad.
Sa Infrastructure Projects
Hindi sususpindihin ni Pangulong Marcos ang anumang proyektong pang-imprastraktura na nasimulan ng administrasyong Duterte at nangakong palalawigin ito.
Bibigyang prayoridad din ang railway projects.
Samantala, bagamat hindi binanggit ng Pangulong Marcos sa kanyang SONA, ang West Philippine Sea o ang Sabah, Malaysia, kung saan may hidwaan ang Pilipinas sa ibang bansa, sa larangan ng pag-aari ng teritoryo, iginiit ng pangulo na hindi isusuko ng kanyang administrasyon ang kahit isang pulgada ng bahagi ng lupain o karagatan ng Pilipinas.
Ayon sa pangulo, isusulong niya ang Independent Foreign Policy na naka-angkla sa pambansang interes.
Pinalakpakan siya dito ng patagal ng kanyang audience sa sona at nag-standing ovation pa ang marami.
Nadismaya naman ang ilang sektor tulad ng paggawa, at pampublikong transportasyon dahil wala raw binanggit ang pangulo sa kanyang SONA para isulong ang kapakanan ng kanilang hanay.
Para sa mga manggagawa, ang dagdag-sahod at pagtigil sa contractualization.
Gayundin ang kongkretong plano para sa public transport.
Para rin sa ilang grupo, tulad ng peace advocates, wala raw binanggit ang Pangulong Marcos hinggil sa peace and order situation sa bansa, at sa drug war.
BASAHIN/PAKINGGAN: