'You need only to look at one person that you love in the eye, that one person that's part of a group that's long been marginalized and oppressed, to make you realize that he or she has the same right to access the same privileges as you do, to have the same rights as you do, to be given the same love, respect and recognition as you do.'
Ito ay mga salitang mula sa aklat na isinulat para kay Trixie ng dati niyang kasintahan at naisatelebisyon sa 'Magpakailanman' ng GMA 7. Bagama't natapos na ang pitong taong relasyon niya sa dating nobyo, nakahanap pa rin si Trixie ng panibagong kahulugan sa kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtungo dito sa Australya, pag-aaral ng 'Master's degree' at pagpasok muli sa isang espesyal na relasyon.
'Yeah I have moved on,' ayon kay Trixie. Tunay nga na ang taong 2017 ay isa na namang taon ng pagbabago para sa kanya. Matapos niyang lisanin ang Pilipinas; sumunod ay pinasa niya ang kanyang korona bilang 'Miss International Queen 2015' sa Pattaya City, Thailand noong Marso. Ibinahagi ni Trixie na ang kanyang karanasan ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon na mapagtanto na ang korona ay hindi magiging sa kanya habang buhay. Sa kabila nito, kanya pa ring itutuloy and pagbibigay serbisyo sa komunidad LGBT. Dagdag pa ni Trixie, 'life goes on.'
Sinikap ng SBS Filipino na samahan si Trixie sa pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtatanong ng dalawang katanungang naging malaking bahagi ng kanyang buhay sa sinalihan at napanalunan niyang mga 'beauty pageants' sa nakaraan. Ng kanya itong marinig ay napatawa si Trixie; ang kanyang tawa ay nakakaengganyo at nakakahawang pakinggan. Nakahanda namang sinagot ni Trixie ang mga tanong ngunit ngayon ay mas puno ng karunungan. (Pakinggan ang panayam upang malaman ang tinutukoy).
'There is nothing special about being a transwoman,' pagbabahagi ni Trixie. Kanyang hinikayat ang lahat na makitungo sa kanila sa paraang tulad ng pakikitungo sa mga babae at lalake. Dagdag pa ni Trixie na sila ay naipanganak lamang sa ibang kalagayan o sitwasyon at kailangan nilang dumaan sa 'transitioning' para maging isang ganap na babae. Matapos nito, katulad din ng iba, kaya nilang 'magmahal.'
Ang masiglang pananaw ni Trixie sa buhay ay naging daan para sa magaan at puno ng aral na panayam na ito. Nais niyang ipakilala ang sarili sa komunidad Pilipino-Australyano at sa buong mundo bilang isang 'transgender warrior' na lumaban sa karapatan ng mga 'transgenders.' Ayon sa kanya mahalaga na magkaroon ng usapan hinggil sa hirap at saya ng pagiging isang transgender dahil makakatulong ito sa pagbukas ng kaisipan ng lahat. 'Storytelling is powerful, let's have this conversation,' ay ang mga huli niyang salita.