Highlights
- Val Carvajal kausap ang pamilya habang naka-break sa trabaho bago nangyari ang trahedya
- Suporta bumuhos para kay Val sa ginawang Go Fund Me page nito, target na halaga nahigitan pa
- Mga abo ng mag-ina balak dalhin dito sa Ausrtalia bilang katuparan ng plano ng pamilya
"Nag-I love you pa sila sa akin, humingi ng tsinelas yong ikalawa kong anak tapos sabi ng bunso ako din... kung nandun lang ako siguro nailigtas ko sila."
Hindi inakala ng 35 anyos na amang international student sa Melbourne na si Val Clyde Carvajal, na iyon na pala ang huling lambingan nila ng buong pamilya habang nag-uusap sila sa Messenger noong hapon ng Agosto 31, 2021.
Dahil limang minuto lang matapos maibaba ang telepono, kasamang nasunog sa ancestral home nito sa Cebu City ang asawang si Hannah Mae, 12 anyos na anak na si Felicity Sachi, 7 taong gulang na si Pierre Andre at bunsong 3 taong gulang na si Dan Henry, noong araw ding iyon.

Val Carvajal's children who died in a fire incident last August 31, 2021 in Cebu City, Philippines Source: Val Cylde Carvajal
Huling paalam
Kaya laking pagdadalamhati nito lalo’t wala umano itong nagawa sa sinapit ng pamilya.
"Last kaming nag-usap nasa kwarto sila, nanunuod ng TV ang mga bata. After five minutes tumawag ang pamangkin ko may sunog sa amin, tinawagan ko ang asawa ko yon na hindi na sila ma-kontak, masakit talaga," malungkot na kwento ng amang si Val.
Dahil nagkataong nasa trabaho bilang back and front crew sa isang Chinese restaurant si Val nang mangyari ang trahedya. Natawagan nito ang kanyang manager na si Lorena Zeller.

Val Carvajal's family who died in a fire incident last August 31, 2021 in Cebu City, Philippines Source: Val Cylde Carvajal
"Awang awa ako sa kanya, nung tumawag sya humahagulgol at sumisigaw parang wala sa sarili, ang sabi nya parang naririnig nyang humihingi ng saklolo ang kanyang mga anak," dagdag pa ng manager na si Lorena.
Sakripisyo at pagdadalamhati

Val Carvajal in his workplace in Melbourne. Source: Lorena Zeller
Kwento ni Val, kahit malayo sya ipinaramdam nya ang kanyang pagmamahal sa pamilya.
"Every month ako nagpapadala ng pera sa kanila, halos everyday nag-uusap kami. Bawat linggo nag-online order ako kung ano ang gusto nilang pagkain kasi hindi naman sila makalabas. Dadalawa ang trabaho ko para sa kanila," dagdag pa ng ama.
Apat na taon na sa Australia si Val, at sana'y nitong taon ay muling iproseso nito ang visa ang mag-ina para magkasama na sila.
"Miss na miss ko na sila, sana papunta na sila dito. Sa ngayon marami pa ang nagmemessage sa akin, pero hindi ko na alam kung bukas paano ko sisimulan ang buhay ko, " dagdag pa nito.
Fundraising inilunsad ng mga kaibigan

Some of the co-leagues of Val Carvajal who organised the fundraising Source: Lorena Zeller
Nang malaman ang insidente hindi na nagdalawang isip silang mga ka-trabaho’t mga kaibigan na tumulong, lalo pa’t kilalang masipag at puno ng pangarap si Val para sa kanyang pamilya.
"Si Val ay nakapakagaling sa trabaho, masipag, kahit pagod na yes pa din sya sa trabaho at nag-uuber pa sa gabi. Siya yong tipong employee na ayaw mong mawala sa business mo," pagmamalaki ng manager na Lorena Zeller.
Hangad naman nito na mabigyan ng linaw ang maraming tanong tungkol sa pagkamatay ng kanyang pamilya.
"Sana lumabas sa imbestigasyon ang tunay na nangyari at sanhi ng sunog. Nagtaka kasi ako bakit yong Aunty ko sa baba ng bahay nakalabas at yong pamilya ko wala, bakit wala man lang sumigaw na sunog para sa pamilya ko."
Kahit marami pang mga tanong ang nais malinaw ni Val sa ngayon, buong puso namang nagpapasalamat ang mga katrabaho at kaibigan nito na tumugon ng kanilang go fund me para sa pamilya nito.
"Napaka-overwhelming ang tulong na natanggap namin para kay Val sa gofundme, maraming salamat kahit silang nasa ibang bansa at sa Filipino Community dito sa Melbourne nakuha ang target ," dagdag ni Lorena.
Sa Sabado inaasahang uuwi sa Pilipinas si Val dala ang pag-asa na makabalik ito dito sa bansa, kasabay ang mga abo ng mahal sa buhay. Dahil kahit wala na sila gustong pa ding tuparin ng padre de pamilya ang pangarap nilang magkasama dito sa Australia.

Val Carvajal's family who died in a fire incident last August 31, 2021 in Cebu City, Philippines Source: Val Cylde Carvajal
"Maraming salamat sa tumulong, marami pa ding mga Filipino na tumutulong sa tulad ko," masayang dagdag nito.
Maliban sa mag-ina, namatay din sa sunog ang kaanak nitong si Lilian Carvajal na syang nag alaga at nagpalaki kay Val.