Nagpapahinga na si Sister Pat sa kanyang tahanan ng kanyang malaman ang naging desisyon mula sa DOJ.
Bagama’t alam niya na mayroon pa siyang laban, nagulat pa rin siya na ang DOJ ay pinagbigyan ang kanyang petisyon.
Ipinaliwanag ni Sister Pat ang naging desisyon ng DOJ at nagsabi na ang BI ay gumamit ng pamamaraan na nakalinya sa ‘visa forfeiture’ na hindi saklaw ng batas ng bansa.
Sa pagbalik ng DOJ sa kaso ni Sister Pat sa BI, inutusan nito ang Imigrasyon na alamin kung ang mga ebidensya laban sa Australyanang madre ay maaaring mapasailalim sa ‘visa cancellation,’ isang pamamaraan na pinahihintulutan ng batas.
Nagsabi si Sister Pat sa SBS Filipino na bukod dito, ang legal na departamento ng BI ay inirekomenda ang kanyang deportasyon sa mga ‘commissioners’. Kasama ang kanyang ‘legal counsel,’ mayroon silang labinglimang araw na gumawa ng petisyon kaugnay sa kaso.
"Our lawyers are preparing their answers to the recommendation of the legal department. [Then] we'll file that probably beginning of July and then we wait for the decision of the Commissioners. [But] if negative, we could do the same thing again, go to the DOJ," ayon kay Sister Pat.
Sa kabila ng kanyang patuloy na pakikipaglaban, nagsabi si Sister Pat na masaya pa rin siya dahil sa suportang nakukuha niya mula sa iba’t ibang sektor.
Sa pagpapahintulot sa Australyanang madre na ipagpatuloy ang kanyang misyonaryong gawain, ipinaalam niya na ang kanyang mga plano ay kinabibilangan ng pakikipagpulong sa mga relihiyosong mamamayan partikular na nagsisimula na silang magkaroon ng dayalogo hinggil sa papel ng simbahan sa lipunan. Dagdag din niya, kanya pa ring hahawakan ang kanyang dating tungkulin sa pagbibigay ng suporta sa mga inaapi at humaharap sa kawalan ng katarungan.
Nang siya ay tanungin ng SBS Filipino hinggil sa kanyang mensahe sa mga Pilipino-Australyano, ito ang kanyang sinabi: “Binabati ko ang mga Pilipino doon lalo na ang mga kakilala ko. Sana doon sa Australya kumikilos kayo sa katotohanan at katarungan doon din, hindi lamang dito, maraming nangyayari sa Australya rin di ba? Isipin ang kapwa tao at salamat sa ‘support’ din kasi alam kong maraming ‘support’ doon din.”