Highlights
- Mga anak na hindi na umaasa sa mga magulang, hindi na pwedeng ideklara na 'dependent' ng mga magulang na Australian visa holders.
- Kahit pa 18-taong gulang ang anak, kung nagta-trabaho na at may sarili na itong kita, maitututing nang hindi ito nakadepende sa mga magulang.
- Tinatanggap pa naman ng Department of Home Affairs ang mga iisponsor na mga anak na may 18 hanggang 25, basta’t mapapatunyan na nakadepende ito sa mga magulang na nasa Australia.
Ayon kay Rein Gonzaga, isang migration education consultant, hindi na pwedeng i-deklara na 'dependent' ang mga anak na 18-taong gulang na at hindi na umaasa sa mga magulang kapag nag-apply ng visa.
May ilang kaso na umano kasi silang naitatala na hindi na maaaring i-declare sa Department of Home Affairs na dependent ang kanilang anak kahit na nasa 18-taong gulang pa lamang ito.
Halimbawa ng mga ganitong kasong ay una - kapag ang anak na nasa Pilipinas ay huminto sa pag-aaral at nagsimula nang magtrabaho; Ikalawa, kung nagkaroon na ng pamilya ang iisponsor na anak at nagsimula nang maghanap-buhay.
Ibig sabihin nito, malinaw na hindi na dependent ang anak na nasa Pilipinas sa mga magulang nito na nasa Australia.
Paalala din ng migration education consultant na dapat matibay ang ebidensyang ng mga Australian visa holder na magulang na patuloy silang sumusuporta sa mga anak na nasa Pilipinas. Dahil kung hindi ito mapapatunayan ay malaki ang tsansang makatanggap ng refusal sa aplikasyon.
Dagdag pa ni Rein Gonzaga na tinatanggap pa naman ng Department of Home Affairs ang mga iisponsor na mga anak na may edad 18 hanggang 25, basta’t mapapatunyan na nakadepende ito sa mga magulang na nasa Australia.
At ihanda ang mga mahahalagang dokumento tulad ng birth certificate, baptismal record, mga litrato kasama ang bata, at maging ang mga resibo mula sa mga money remittance centre.