Puno ng misteryo, katatawanan, aksyon at drama, yan ang seryeng The Unusual Suspects, kung saan tampok ang kwento ng pagkakaibigan at kung paano sila pinatatag ng pagkakataon bilang mga babae.
Matapos manakaw ang isang kwintas na nagkakahalagang 16 milyong dolyar sa mismong bahay ng negosyanteng si Roxanne Waters (Michelle Vergara Moore), napag-alaman sa imbestigasyon ng mga pulis ang ilang pinakatatagong mga sikreto. Ilalaglag kaya nila ang isa’t- isa o mahahanap kaya nila ang kahulugan ng tunay na pagkakaibigan?

Abangan ang mga de-kalidad na cast ng teleserye na kinabibilangan nina Aina Dumlao (Sanzaru, Ballers, MacGyver), AACTA award-winner Miranda Otto (Chilling Adventures of Sabrina, Homeland, The Lord of the Rings trilogy) at Michelle Vergara Moore (Condor, The Time of Our Lives).

Mapapanood ang teleseryeng ito simula Huwebes, Hunyo 3, 8:30 ng gabi sa SBS at pwede ding i-stream at panoorin ang lahat ng episodes sa SBS On Demand.
Maaaliw at mabibighani kayo sa seryeng ito lalo pa’t ginamitan ng kakaibang istilo ang kwento para maipakita ang pagkakaiba ng kalibre ng mga babaeng bida dito.
Ang The Unusual Suspects ay ang kauna-unahang malaking proyekto, kung saan ipinakilala ang mga bidang Filipino-Australians sa Australian television, na hatid ng SBS upang patuloy na maipakita ang kwento sa likod ng mayamang kultura mayroon ang bansang Australia.
Ayon kay Aina Dumlao, isa sa mga bida, “Ang seryeng The Unusual Suspects ay talagang kakaiba. Maraming twists and turns, pero ang kwento ay patungkol sa pagkakaibigan ng mga babae. Sa likod ng nangyaring nakawan, makikita ang tunay na pagdadamayan at kung ano ang tunay na nagpapaligaya sa kanila.
Kwento naman ni Miranda Otto: “Ang gusto ko dito ay ramdam ko yung dalang saya - yung humantong sa kwela at yung pakiramdam na parang naglalaro lang kami habang binubuo ang proyektong ito. Maganda din dito, pinapakita ang totoong kultura mayroon tayo, na hindi alam ng nakararami.”
Dagdag naman ni Michelle Vergara Moore: “Mayroong mga eksenang makapigil-hininga, may nababalot na intriga at hiwaga pero may mga nakakatawang moment din. Nag-enjoy ako habang ginagawa namin itong teleserye. Umaasa ako na marami din ang mag-eenjoy sa panonood. Bilang isang anak ng Pinoy na migrante, ang mapabilang sa seryeng ito ay isang karangalan at itinuturing ko din itong isa sa pinakamagandang nangyari sa aking karera bilang aktor.”
Kasama sa bibida sa seryeng ito ang mga asawa nila Otto at Moore, Peter O’Brien (Wentworth, Tidelands, The Killing Field) at Toby Leonard Moore (Billions, Mank, Daredevil, Condor). Naroon din sila Matt Day (Rake, Wolf Creek, A Place to Call Home), Lena Cruz (Shortland Street), Susana Downes (Dead Lucky), Ari Boyland (Shortland Street, Power Rangers RPM), Heather Mitchell (A Place to Call Home, Janet King), James Lugton (Hacksaw Ridge), Renee Lim (The Invisible Man, Secret City), Susie Porter (Hungry Ghosts, Wentworth), Sandy Gore (Australia, Brides of Christ, Prisoner), Megan Smart (Between Two Worlds) at Andrea Demetriades (The Commons, Janet King).
Matutunghayan din ang unang pagganap sa major roles sa telebisyon nila Miguel Castro, Darcey O’Brien, Emma Cleland, Liam Cleland, Blake Santos, Avery Santos at Danielle David.
Ang The Unusual Suspects ay gawa ng kilalang award-winning duo producer at film maker na sila Angie Fielder at Polly Staniford. Kasama sa patok sa takilya na kanilang ginawa ay ang Lion, na nominado sa anim na Academy Awards® at apat na Golden Globe Awards, kasama din ang pelikulang Berlin Syndrome, Dirt Music, The Other Guy and The Unlisted. Associate producer naman si Vonne Patiag (Halal Gurls). Isinulat naman ito nila Jessica Redenbach (Spirited, Rush), Roger Monk (Nowhere Boys, The Secret Life of Us) at co-writer naman si Vonne Patiag, script consultant naman si Margarett Cortez. Director din sa teleserye sila Emmy Award-winning Natalie Bailey (Retrograde, Run, Avenue 5, The Thick of It) at Melvin Montalban (Rope Burn, Cupid).
Sa pagsisimula ng serye, ibibida ng SBS ang mga inukit na koleksyon sa buong network bilang pagkilala sa mga babae at kulturang Pilipino. Matutunghayan ang programang Unwrapped ni Alice Matthews sa The Feed – kung saan ipapakilala ang mga bida at tatalakayin ang mga usaping patungkol sa lahi, kasarian at pinanggalingan ng mga ito. Mapapanood din ang seryeng ito sa SBS On Demand.
Ang The Unusual Suspects ay binuo ng Aquarius Films production para sa SBS, at pinondohan din ng Screen Australia sa pakikipag-ugnayan sa Screen NSW at About Premium Content, na syang nangangasiwa sa pamamahagi ng serye sa ibang bansa. Ang seryeng ito ay nakakuha din ng pondo at suporta mula sa Cutting Edge Post.
Ang teleseryeng ito ay isasalin sa wikang Filipino, Simplified Chinese , Arabic, Vietnamese, Korean at Hindi, at isasama din ito sa koleksyon ng SBS On Demand. Gagawan din ito ng audio description para sa mga bulag at may problema sa pandinig.
Mapapanood ang 'The Unusual Suspects' sa Huwebes Hunyo 3, 8:30 ng gabi sa SBS at pwede ding i-stream ang lahat ng apat na episodes sa SBS On Demand.
BASAHIN/PAKINGGAN DIN
