Ginanap ang Children's Day Event nitong ika-23 ng Enero 2025 sa Konsulado ng Pilipinas sa Melbourne na may temang 'What Kids Should Know About Filipino Food'.
Layunin ng kaganapan ang mapalalim ang pag-unawa sa kanilang mga pangangailangan, at magbigay ng pagkakataon na magsama-sama, maglaro, magbahagi, at makisaya sa iba't ibang aktibidad.
Pinangunahan ni Consul General Maria Lourdes Salcedo ang event habang nagbahagi ng storytelling si Chef Michelle Vista-Capuso at ilang aktibidad sa mga bata ang Mabuhay Playgroup gaya ng pagtuturo ng pangalan ng mga gulay sa wikang Filipino.
Isa sa mga bumida sa araw na iyon ay ang pagkanta ng Mabuhay Playgroup ng 'Bahay Kubo', isang tradisyunal na awitin mula sa Pilipinas.
Ito ay nagsasalaysay tungkol sa isang maliit na bahay na napapaligiran ng iba't ibang uri ng mga gulay.

Habang kinakanta ang 'Bahay Kubo', may ilang mga batang sumasayaw at ilan namang tumutugtog ng instrumento.
Nakibahagi rin ang mga bata sa paglalaro ng 'What's in the Box' kung saan huhulaan nila ang laman ng kahon at kailangan nilang ilarawan kung ito ay masustansya sa katawan o hindi.

Hindi naman maitago ang kasiyahan sa mga bata matapos makatanggap ng loot bags na may lamang mga pagkain mula sa TEAMS at Konsulado.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Konsul Ralph Abarquez na pinasalamatan ang mga magulang at batang nakibahagi sa taunang Children's Day event.
