Nakatakdang humarap sa korte ang isang negosyanteng taga-Sydney na si Kit Antony Lam dahilan sa diumano'y di pagbabayad ng tama sa kanyang kasambahay. Ayon sa FWO, nakakatanggap lamang ang kasambahay ng $2.33 kada oras na sweldo.
Binayaran ni Mr Lam ang kanyang kasambahay ng Php 40,000 kada buwan na inihuhulog sa kanyang account sa Pilipinas, katumbas ng $12, 574 na dolyar sa loob ng 12 buwan.
Pinagtatrabaho umano ng kanyang amo ang 26 na taong gulang na kasambahay ng 88 oras hanggang 106 na oras kada linggo noong nakaraang Mayo 2016 at 2017.
Haharap din sa korte ang asawa ng negosyante na si Ming Wei (Tiffanie) Tong dahil diumano'y pinagtatrabaho niya ang kanilang kasambahay ng karagdagang oras, higit sa 38 oras kada linggo.
Sinasabing direktang inempleyo mula sa Pilipinas ang Pinay na kasambahay at pinatuloy sa tirahan ng mag-asawa at ng mga anak nito sa loob ng isang taon.
Sinabi ng Fair Work Ombudsman na si Sandra Parker na ang Pinay na kasambahay ay madaling maabuso dahilan sa ito ay nakatira kasama ang kanyang amo at wala siyang alam sa kanyang mga karapatan sa trabaho.
Sinabi ng FWO na ang kasambahay ay sakop ng Miscellaneous Award at nararapat lamang na makatanggap ng tamang pasahod at penalty rates, kabilang ang karagdagan niyang kita sa pagtatrabaho ng overtime at pagpasok tuwing public holidays.
Sa ilalim ng Miscellaneous Award, nararapat lamang na makatanggap ng sweldo ang emplayado ng hindi bababa sa pagitan $17.29 at $18.21 kada oras, at hanggang sa $37.82 para sa overtime hours, ayon sa FWO.
Kung mapagpasiyahan ng korte na hindi sakop ng Miscellaneous Award ang kasambahay, nararapat lamang na siya ay makatanggap ng minimum wage rate at may karapatan siya na makakuha ng $17.29-$17.70 kada oras, na may kabuuang $85,834 na underpayment.
Ninanais ng FWO na makakuha ang Pinay na kasambahay ng full back-payment kasama ang interes, at mapatawan ng parusa ang taga-empleyo nito.
ALSO READ