Key Points
- Mahigit 3,000 katao ang nadadala sa ospital dahil sa kagat ng makamandag na hayop na matatagpuan sa Australya bawat taon.
- Ang kamandag ng ahas ay nakaka-apekto sa nervous at blood system ng tao.
- Pambansang ‘Venomous Bites and Stings’ Day inilunsad nitong ika-19 ng Nobyembre para maging updated sa bagong paunang lunas laban sa kagat ng makamandag nahayop sa bansa.
Muntik ng nalagay sa panganib ang buhay ng mga anak ni Smith Faustino mula Victoria, matapos naka-encounter ng malapitan ang makamandag na ahas habang namamasyal sa isang parke.
Kaya doble na ang pag-iingat na ginawa nito ngayon lalo’t itinuring nito na pinakamahalagang biyaya ng Diyos ang kanyang pamilya.
“Itataya ko ang buhay ko para sa pamilya ko. Dahil sila ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap,” kwento ni Faustino.

Dahil sa karanasan pinapayuhan ni Smith Faustino ang lahat ng mga magulang na turuan ang mga bata sa dalang panganib ng makamandag na ahas at gagamba at naging mas maingat na din sila kapag gumala dito sa Australia. Source: Smith Faustino
“Nagpunta sa Cranbourne Botanical Garden tapos habang naglalaro sila sinabi ng bata may ahas daw pagtingin ko may kulay brown at batik batik na pula pero lumalayo na ito mga isang metro ang layo nito sa mga anak ko,” dagdag pa ng ama.
Pinapasalamatan na lang ng mag-asawang Faustino na malapit sila sa mga anak para agad sumaklolo, lalo’t napag-alaman nila na tunay na makamandag ang ahas na nakita ng mga bata.
Maliban sa karanasan ng mga anak, nakagat na din ng gagamba o spider si Smith ilang taon na ang nakalipas habang nililinis ang kanilang hardin.
“Hindi ko una napansin na kagat iyon ng gagamba, para siyang pigsa na matagal ang scar nawawala, nag-research ako ang kapitbahay ko ganun din sa kanya sabi niya nakagat siya ng gagamba, saka ko pa nalaman.
Kapag nasa hardin ako hindi ko namamalayan na nakagat dahil busy eh. Kaya mas mainam magsuot ng gloves at longsleeves.”

Aktibo sa komunidad sa Brisbane si Jun Licera kaya payo nito sa mga bagong dating sa Australia, maging mapagmatyag at maingat sa mga makamandag na hayop at panatiling malinis ang paligid, lalo na sa paggapas ng damuhan para makaiwas sa disgrasya. Source: Jun Licera
“Nakikita mo sa highway tumatawid sila kasi mainit, tapos alala ko dun sa pinagtatrabahuhan ko pinatigil kami para tumulong buhatin ang carpet snake sa laki. Pero hindi ako sumunod dahil natatakot ako."
Minsan pa sa loob na ng kanilang kusina nakituloy ang ahas.
“Kumakain kami, tapos tahol ng tahol ang aso naming sa ibabaw ng dirty kitchen namin, may ahas pala, hindi naman nanuklaw pinalabas lang namin, dagdag pa nito.”
Ang mga kwento at karanasan ni Smith Faustino at Jun Licera ay karaniwan ng pangyayari sa Australia, dahil kilala ang bansang ito na tahanan ng mga pinakamakamandag na hayop sa buong mundo nasa lupa man ito makikita o sa tubig, tulad ng ahas, gagamba at jellyfish.

Funnel-web spider Source: Moment RF / Amith Nag Photography/Getty Images
Abiso nila Faustino at Licera sa mga bagong dating sa Australia huwag maging kampante. Dapat maging alerto, pero dapat sumunod sa alituntunin dahil ang bawat estado ng bansa protektado ang mga hayop na ito.
Mga simpleng gabay para makaiwas sa makamandag na hayop:
1. Turuan ang mga bata na lumayo at huwag subukang hawakan o saktan ang mga hayop sa paligid.
2. Gumamit ng insect spray sa loob ng bahay o repellent para hindi lapitan ng mga insekto o gagamba.
3. Gumamit ng tamang kasuotan, gloves at magsuot ng bota o sapatos kapag nasa hardin.
4. Ipagpag ang mga sinampay bago ipasok sa bahay para maiwasang makapasok ang gagamba sa loob.
5. Panatilihing malinis ang paligid tulad ng paggapas ng damuhan.
Mga dapat gawin o first aid kapag nakagat ng ahas:
1. Tumawag sa Triple Zero (000) kung malubha ang kalagayan ng biktima.
2. Lagyan ng pressure mobilisation bandage at mobilisation splint.
Mga dapat gawin o first aid kapag nakagat ng spider:
1. Kung maayos ang pakiramdam ng biktima, makipag-ugnayan sa National Poison Information Hotline 13 11 26
2. Kapag malubha tumawag sa Triple Zero (000)
Kung nakagat ng redback spider:
- Lagyan ng ice pack ang nakagat na bahagi ng katawan sa loob ng 15-minuto para mawala ang sakit.
- Hugasan ng antiseptic ang nakagat na bahagi ng katawan at suriin kung updated ang tetanus vaccine.
Kung nakagat ng funnel-web spider:
- Agad tumawag sa Triple zero (000)
- Huwag ipalakad o pagalawin ang biktima para hindi madaling kumalat ang lason sa katawan.
- 30 hanggang 60 minuto simulang maramdaman ang epekto ng lason sa katawan ng tao.
Sintomas kapag nakagat ng funnel-web spider:
Nakakaramdam ng malubhang sakit, mabilis na pagtibok ng puso, ramdam ang tingling sa may labi, humihina ang kalamnan at panginginig.
Kapag nakaramdam ng ganitong sintomas agad tumawag sa Triple zero (000) at dalhin ang biktima sa pinakamalapit na ospital dahil nakamamatay kung hindi maagapan ang lason ng gagamba sa katawan ng biktima.
Tumawag o bisitahin ang website ng National Poison Information Hotline 131126
Ang mga impormasyon sa ulat na ito ay gabay lamang. Para sa karagdagang payo na naaayon sa iyong problema o sitwasyon, mainam na kumonsulta sa inyong doktor.