Key Points
- Ang Philippines v. China (PCA case number 2013–19), na kilala rin bilang ang South China Sea Arbitration, ay nagsisilbing isang mahalagang legal na hakbang sa patuloy na hidwaang pang-karagatan sa South China Sea.
- Sinabi ni Director Zoilo Velasco ng Tanggapan ng Maritime at Ocean Affairs na mahalagang malaman ng mga Pilipino ang nilalaman ng 2016 Arbitral award para maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
- Nagtagumpay ang Pilipinas sa pagpapasa ng 21 pangalan Undersea Features sa Philippine Rise aat lahat ng mga isinumite ay opisyal na tinanggap ng SCUFN.
Taong 2013 nang nagsampa ng kasong arbitrasyon laban sa China ang Pilipinas matapos makontrol ng China ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Giit ng China, na sakop nila ang halos kabuoan ng karagatan base sa kanilang 9 dash line at kasaysayan na sumasaklaw sa bahagi ng exclusive economic zones (EEZ) ng Pilipinas maging ng Malaysia, Brunei, Vietnam, at Indonesia.
Umaasa ang pamahalaan ng Pilipinas na sa pag akyat sa arbitral tribunal, maaatasan ang Tsina, alinsunod sa mga international law at UNCLOS, na igalang ang soberenya, karapatan at kapangyarihan ng bansa bilang nagmamay-ari ng Exclusive Economic Zone (EEZ), continental shelf, contiguous zone, at teritoryal na karagatan na saklaw ng West Philippine Sea. Nais ng ng Pilipinas na huminto sa anumang gawain ang China na nakakasira ng yamang dagat o pagkilos na lumalabag sa mga karapatan ng Pilipinas.
Noong July 12, 2016, kinatigan ng Permanent Court of Arbitration ng Hague ang Pilipinas. Sa naging desisyon ng International Tribunal, inihayag nitong walang bisa ang 9 dash line ng China sa ilalim ng umiiral na batas ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa kabila nito, hindi kinikilala ng China ang desisyon at patuloy ang pagkamkam sa mga isla na South China Sea.
Ipinaliwag ni Ginoong Zoilo Velasco, Director ng Maritime and Ocean Affairs Office ang ilan pa sa mga naging desisyon Permanent Court of Arbitration.
Aniya, pito sa labing-limang puntos na isinulong ng Pilipinas ang kinatigan ng Tribunal.
Kasama sa mga pangunahing natuklasan na ang mga mangingisda mula sa Pilipinas at China ay parehong may karapatan sa pangingisda sa paligid ng Scarborough Shoal, pero hinahadlangan ng China ang access ng mga mangingisdang Pilipino dito at nagpatayo ng mga artificial islands na labag sa karapatan at soberanya ng Pilipinas.
Natuklasan din na nagdulot ang China ng malubhang pinsala sa kalikasan at coral reef at nilabag ang obligasyon nito na alagaan at protektahan ang mga nanganganib na uri ng yamang dagat.
Ang pasiya ay legal ngunit walang kapangyarihan ang Permanent Court of Arbitration na ipatupad ito kaya patuloy ang paghahain ng pamahalaan ng Pilipinas ng mga diplomatic protest sa tuwing may mga agresibong hakbang at paglabag ang China sa karagatang sakop ng bansa.
Ipinagpapasalamat naman ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ang dumaraming suporta ng ibang bansa tulad ng United States, Australia at Japan sa kanilang ipinaglalaban na karapatan sa West Philippine Sea.